Para sa Pamilya ko, Hindi ako Susuko

Kumukulo na naman ang sikmura ni Faye. Paano ba naman, wala pa siyang kain simula kaninang umaga pagkagising niya hanggang ngayong malapit nang lumubog ang araw. Muntik na kasi siyang ma-late sa klase niya kaninang umaga dahil madaling araw na naman siyang nakauwi galing sa trabaho niya.

“Hoy, hindi ka na naman kumain ‘no? Ito oh tinapay tsaka juice, kainin mo na at baka mamaya mahimat*y ka na! Aminin mo nga sa’kin babae ka, gusto mo na bang sumakabilang buhay? Dahil sa ginagawa mo, malamang hindi malayong mangyari ‘yun,” sunod-sunod na litanya ng kaibigan niyang si Arianne.

Matalik na kaibigan at kababata niya ang dalaga. Nasa iisang unibersidad lang din nag-aaral ang dalawa, kaya naman madalas pa rin naman silang magkita kahit na magkaiba sila ng kursong kinuha.

Maayos naman dati ang buhay nila Faye. Hindi man sila mayaman pero hindi rin naman sila naghihirap. Yung tipong sakto lang, pero lahat ‘yun ay nagbago nang iniwan sila ng kanilang ina para sumama sa ibang lalaki. Simula noon ay nagbago ng tuluyan ang buhay nila ng kaniyang pamilya. Dadalawa lang silang magkapatid at ang kanilang dating masayahing ama ay nalugmok sa alak dahil hindi pa rin nito matanggap ang kataksilang ginawa sa kaniya ng asawa.

“Gaga, hindi naman! Siyempre, kaya nga ako nagsisikap ng maayos para sa kinabukasan ko at ng kapatid ko eh. Bakit ko naman gugustuhing lisanin ang mundo? Nako, ikaw talaga bes. Pero, salamat sa pa-tinapay at pa-juice mo, ha? Kaya mahal na mahal kita eh!” kwelang sagot niya sa kaibigan at niyakap pa ito. Napaikot na lang ng kaniyang mata si Arianne dahil sa kaibigan.

“Ilang trabaho na naman ba ang mayroon ka ngayon, ha? Bakit parang mas pumayat ka na naman at pagod na pagod ‘yang mga mata mo,” tanong niya sa kaibigan habang hinahawakan pa ang mukha ni Faye para tingnan mabuti ang malamlam na mga mata ng dalaga.

“Ah… Eh… Tatlo, bes. Kailangan ko kasi eh,” sagot ni Faye sa kaibigan. Nanlaki naman ang mata ni Arianne sa narinig.

“Ano?! What the hell Faye?! Pinap*tay mo nga talaga ang sarili mong bruha ka! Natutulog ka pa ba?” hindi makapaniwalang tanong sa kanya ni Arianne.

Advertisement

“Barely, pero huwag kang mag-alala bes, kaya ko ‘to. Ako pa, malakas ako diba? O siya, aalis na ako at may trabaho pa ako,” paalam ni Faye sa matalik na kaibigan. Napabuntong hininga na lamang si Arianne habang nakatanaw sa papaalis nang kaibigan.

Naawa siya kay Faye, labis-labis ang paghihirap na pinagdadaanan ng dalaga. Simula kasi nang iniwan sila ng ina nito at naglugmok sa alak ang kanilang ama ay si Faye na ang umako ng lahat ng responsibilidad ng kanilang mga magulang. Siya na ang nagpapaaral sa kanyang sarili at sa kanyang bunsong kapatid. Si Faye na rin ang nagbabayad ng lahat ng bayarin sa kanilang bahay at pati na rin sa gamot ng kanilang ama na wala na rin namang ibang ginawa kundi magkulong sa kanyang kwarto at mag-inom.

Hindi kinukuha lahat ni Faye ang kanyang mga subjects sa isang semester para naman marami pa rin siyang oras na magtrabaho kasabay sa kanyang pag-aaral. Ayaw niya kasing tumigil at baka hindi na siya makabalik pa sa pag-aaral, kaya naman inu-unti-onti niya na lamang.

Labis na nahihirapan ang dalaga sa araw-araw niyang mga ginagawa. Pagod na pagod na nga ang kanyang utak sa pag-aaral, pagod pa ang kanyang katawan dahil parating bugbog ito sa trabaho, at napapagod pa siya kaka-alala sa kanyang ama at kapatid.

“O Diyos ko, kayo na po ang bahala sa’kin at sa pamilya ko. Bigyan Niyo pa po sana ako ng lakas para patuloy na lumaban sa mga pagsubok sa buhay. Huwag Niyo po ako sanang pababayaan. Isinusuko ko na po ang lahat sa Inyo. Kayo na po ang bahala,” taimtim na dasal ni Faye sa Panginoon isang gabing napadaan siya sa simbahan malapit sa kanila. Pakiramdam kasi ng dalaga ay bibigay na ang katawan at isip niya sa sobrang pagod na nararamdaman niya.

Patuloy siyang nagsikap hanggang sa nagawa niyang makapagtapos. Sinuwerteng nakapasok din naman agad siya isang malaking kompanya, at dahil sa likas na masipag at magaling sa kanyang ginagawang trabaho ay mabilis din agad na na-promote si Faye. Labis ang kanyang pasasalamat dahil sa ngayon ay hindi na sila naghihirap. Napapag-aral niya na at naibibigay ang lahat ng kailangan ng kanyang kapatid at ama.

Isang araw ay laking gulat na lamang ni Faye nang madatnan ang kanyang ina sa loob ng kanilang sala. Alam ng dalaga na dapat ay puno ng galit ang kaniyang puso dahil sa ginawa ng kanyang inang pang-iiwan sa kanila, pero nung oras na iyon, nang muli niyang nakita ang ina ay wala siyang ibang naramdaman kundi pangungulila rito.

Agad niyang niyakap ang ina ng lumuluha, “Anak, patawarin mo ako sa nagawa ko sa inyo,” umiiyak na hingi ng tawad ng kanyang ina sa kanya.

Advertisement

Pinahid niya ang mga luha sa mata ng kanyang ina, “Ma, hindi niyo na po kailangang humingi ng tawad. Ang importante po, bumalik kayo, buo na po ulit ang pamilya na’tin,” nakangiti ngunit may luha pa ring saad ng dalaga sa ina.

Hindi naging madali ang pagtanggap muli ng kanyang bunsong kapatid sa ina, pati na rin ang kanyang ama. Labis silang nasaktan sa ginawa nito, pero sa kalaunan ay natutunan din nilang magpatawad dahil nakikita nilang nagsisisi naman na ang ginang sa nagawa nito sa kanila.

Napagdesisyunan nilang mag-anak na magsimula muli. Umayos na rin ang kanilang ama at nagsimulang magtrabaho ulit gaya ng dati. Nag-aaral naman ang bunso niyang kapatid ng Medisina na patuloy pa ring sinusuportahan ni Faye. Naging masaya muli ang kanilang pamilya.

Nagtungo si Faye sa simbahan na malapit sa kanilang bahay, lumuhod siya at taimtim na nagdasal muli sa Maykapal, “Maraming salamat po sa lahat ng biyayang ibinigay Niyo. Nandito po ako ngayon hindi para humingi ulit pero para lamang po magpasalamat sa lahat-lahat. Maraming salamat po at kailanman ay hindi Niyo ako pinabayaan.”