Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Dalagita sa Paghahanap ng Nawawalang Hikaw ang Matandang Babae; Simula na Iyon ng Pagbabago sa Buhay Niya

Tinulungan ng Dalagita sa Paghahanap ng Nawawalang Hikaw ang Matandang Babae; Simula na Iyon ng Pagbabago sa Buhay Niya

“Bella! Bella! Tanghali na, hindi ka pa rin namamalengke?” pasigaw na tanong ng among si Rita.

“Opo, ma’am, aalis na po ako. Tapusin ko lang po itong niluluto ko,” sagot ng dalagitang kasambahay.

Paano ba naman siya makakapunta sa pamilihan, eh, hindi pa siya tapos magluto ng agahan ng mga amo niya. Ang sarap nga ng buhay ng mag-iinang Rita, Josephine at Gera, pagkagising ay uupo na lang sa hapag para kumain. Samantalang si Bella ay hindi pa nakakahigop man lang ng kape ay pinagsisilbihan na ang mga ito.

Pagkatapos na ihanda ang pagkain ng mga amo ay nagmamadali niyang kinuha ang bayong at dali-dali nang lumabas ng bahay para mamili, pero may pahabol pa ang mag-iina.

“Hoy, pakibilisan mo ha? Kailangan bago mag-alas nuwebe ay narito ka na. Marami ka pang gagawin dito sa bahay. Matapos mong magluto ng tanghalian ay maglalaba at mamamalantsa ka pa!” paalala pa sa kanya ni Rita.

“Bella, mamaya ay linisan mo rin ang kuko ko ha? Dapat bago maghapon ay tapos ka na sa mga gawain mo,” wika naman ng panganay na anak ng amo na si Josephine.

“Ako rin, mamaya magpapahilot ako sa iyo,” sabad pa ng kapatid nitong si Gera.

Wala namang magagawa si Bella kundi ang sundin ang utos ng mga ito. Isa lang siyang hamak na muchacha na utusan ng mga amo niya. Ulilang lubos na siya at namasukan sa mag-iina para maka-ipon ng pangmatrikula niya. Gusto niya kasing bumalik sa pag-aaral kaya nagtitiis siya sa lahat ng pagpapahirap na ginagawa sa kanya ng mga ito. Kung tutuusin, sa dami ng ginagawa niya ay kulang na kulang ang ipinapasahod sa kanya ng amo pero tanggap pa rin niya iyon, kaysa naman wala siyang pinagkakakitaan, paano na ang pangarap niya kung hindi siya magsasakripisyo?

Habang naglalakad papunta sa palengke ay panay ang tingin niya sa kanyang wristwatch, binabantayan niya ang oras dahil ayaw niyang lumagpas sa itinakdang oras ng amo. Kailangan na makabalik siya agad upang hindi siya mapagalitan.

“Mabuti at kaunti lang ang nakasulat dito sa papel para makauwi agad ako,” sambit pa iya sa isip.

Ngunit may boses na tumawag sa kanya kaya agad siyang napalingon. Nakita niya ang isang matandang babae na panay ang tingin sa sementadong daan na parang may hinahanap.

“Ineng, ineng, maaari bang humingi ng tulong? Nalaglag kasi ‘yung kapares ng hikaw ko, eh. Importante sa akin ang hikaw na iyon, may sentimental value. Medyo malabo na rin kasi ang mga mata ko,” wika ng ale.

“Naku, lola, pasensya na po nagmamadali po kasi ako,” sagot niya.

“Parang awa mo na, ineng. Kahit ilang minuto lang. Alam ko kasi dito lang iyon nahulog, eh. Nakikiusap ako,” pagmamakaawa ng kausap.

Bilang malambot ang puso ni Bella sa mga may edad ay tinulungan niya ang matanda sa paghahanap sa nawawala nitong hikaw.

“Saan po ba nahulog?” tanong niya.

“Dito lang yon, eh. Dapat nating mahanap iyon, ineng,” tugon ng matanda.

Maya-maya ay may napansin si Bella na may kung anong maliit na bagay na nasa gilid ng kalsada. Nang pulutin niya ay napangiti siya dahil na iyon siguro ang hikaw na hinahanap ng matanda, pero nang pagmasdan niya itong mabuti ay wala namang kaespe-espesyal sa hikaw na iyon, ni hindi naman mukhang mahal. Sa isip nga niya ay peke iyon.

Iniabot niya sa ale ang hikaw.

“Ayan nga! Ang hikaw ko, nakita mo! Maraming salamat, ineng!” tuwang-tuwang sabi ng matanda.

‘Di naiwasang magtanong ni Bella.

“Iyan po ba yung sinasabi niyong hikaw na may sentimental value?”

Tumango ang kausap.

“Oo, ineng. Ang hikaw na ito at ang kaparehas nito na nasa aking tainga ay iniregalo pa sa akin ng yumao kong ama,” tugon ng matanda.

Maya-maya ay napasigaw si Bella nang makita niya ang oras sa kanyang wristwatch. Alas-nuwebe na ng umaga.

“Diyos ko, paano ba ‘yan, mapapagalitan na ako ng mga amo ko,” nag-aalala niyang sabi. Ilang minuto rin kasi silang naghanap sa daan.

“Naku sorry, ineng, may pupuntahan ka nga pala. Saan ba ang tungo mo?” tanong ng matanda.

“Sa palengke po. Inutusan po ako ng amo ko na mamili kaso, dapat po ay hindi ako lalagpas sa alas nuwebe. Marami pa po kasi akong gagawin sa bahay,” sagot niya.

“Dahil tinulungan mo ako ay sasamahan kitang mamalengke at sasamahan din kita sa inyo para kausapin ang amo mo kung bakit nahuli ka ng uwi,” sabi ng matanda sa kanya na nagpakilalang si Lola Paleng.

Bilang ganti ay ito pa ang nagbayad ng mga pinamili niya sa palengke. Tinupad din nito ang sinabi na sasamahan siya sa bahay ng amo niya para magpaliwanag kung bakit nahuli siya sa pag-uwi.

Pagbalik niya ay sinalubong siya ng mura ng mga amo.

“P*t*ngna mo, Bella! L*tse ka! Anong oras na? Bakit ngayon ka lang?” galit na galit na sabi ng among si Rita.

“G*ga ka! N*mo ka! Sabi ni mama ay maaga kang umuwi, ano’t naglakwatsa ka pa yata,” gigil na sabi naman ni Josephine.

“Lagot ka kay mama ngayon, hindi ka na naman kakain hanggang hapunan,” wika naman ni Gera.

Halos mangiyak-ngiyak na si Bella sa ibinungad sa kanya ng tatlong bruha.

“A-ano po kasi, ano po kasi…” nauutal na sabi ng kasambahay ngunit hindi na niya natapos ang sasabihin dahil…

“Sila ba ang mga mo mo, ineng? Mga walang respeto ka kapwa?” tanong ni Lola Paleng.

Mas lalong nanggalaiti si Rita.

“Sino naman itong hukluban na ito? Hoy tanda, huwag kang mangingialam dito!”

Hindi na natiis ng matanda ang sitwasyon na iyon ni Bella kaya…

“O, heto ang kapares ng aking hikaw na hinanap ng mabait niyong kasambahay. Sa inyo na ‘yan! Mula ngayon ay hindi na ninyo maaapi pa ang dalagitang ito dahil aalis na siya sa poder ninyo, sa akin na siya titira,” sambit ng matanda na iniabot kay Rita ang isa nitong hikaw.

Sa sinabi nito ay nagtawanan ang mag-iina.

“Aba, at nakahanap pala ng tagapagtanggol ang Bellang ito? Hoy tanda, hindi ko kailangan itong peke mong hikaw, kung gusto mo’y bayaran mo ako at ibibigay ko sa iyo ang walang kwentang kasambahay na ‘yan,” wika ni Rita.

“Malaki ang magiging pakinabang niyo sa hikaw na ‘yan. Kung gusto niyo ay ibenta niyo na para malaman niyo,” sagot ng matanda.

“Buweno, sige, tutal wala namang pakinabang ang Bella na ‘yan, palamunin lang ‘yan at pasahod ko. Makakatipid na ako kapag nawala ‘yan sa amin. Maaari mo na siyang isama, pero babalikan kita kapag niloko mo ako,” pagbabanta ni Rita.

Isinama nga ni Lola Paleng sa bahay niya si Bella. ‘Di makapaniwala ang dalagita nang makarating doon. Mansyon pala ang tirahan ng matanda at napag-alaman niya na si Lola Paleng ay isa palang Donya. Mayamang negosyante ang matanda na hindi niya napagkamalang mapera dahil simple lang ang kasuotan nito.

Samantala nabalitaan na lamang nila na parang tumama sa lotto ang mag-iinang Rita, Josephine at Gera dahil ang ibinentang hikaw ay isa palang antigo at nagkakahalaga ng isang milyong piso, bale isang milyon din ang halaga ang kapares nito.

“Lola, totoo po palang mahal ang ibinigay niyong hikaw sa dati kong amo. Ang akala ko po ay peke iyon, tunay na antigo pala. P-pero, hindi po ba kayo nanghihinayang na ipinamigay iyon sa kanila? Malaki po ang halaga niyon at sabi niyo’y mahalaga rin iyon sa inyo?” tanong ni Bella sa matanda.

“Hindi ako nanghihinayang dahil nasa akin pa naman ang kapares niyon, eh. At isa pa, dahil doon ay masaya ako dahil may makakasama na ako rito sa bahay, hindi na ako mag-iisa. Wala na kasi akong ibang pamilya, hindi ako nakapag-asawa at nagka-anak kaya mula ngayon ay ikaw na ang anak ko. Ituring mo na ako na parang tunay mong ina, ineng. Mas mahalaga sa akin ang makakatuwang ko sa buhay kaysa sa anumang kayamanan at materyal na bagay,” tugon ni Lola Paleng.

Napaluha si Bella sa tinuran ng matanda. Labis ang pasasalamat niya sa ginawa nitong pagtulong at pagkupkop sa kanya na itinuring pa siyang anak.

Pinag-aral siya ng matanda hanggang sa nakatapos siya sa kolehiyo. Nang pumanaw ito ay sa kanya ipinamana ang pera nito sa bangko at mga ari-arian. Habang buhay niyang tatanawin ang kabutihan nito sa kanya.

Sa simpleng pagtulong ay hindi niya inasahan ang malaking balik na mas ikinaganda pa ng kanyang buhay. Ang suwerte ay kusa talagang dumarating sa mga taong karapat-dapat na pagbigyan nito.

Advertisement