Inday TrendingInday Trending
Palaging Tinutukso ang Binata Dahil Sobra Siyang Matipid; Isang Dalaga ang Magtatanggol sa Kaniya

Palaging Tinutukso ang Binata Dahil Sobra Siyang Matipid; Isang Dalaga ang Magtatanggol sa Kaniya

Tampulan ng tukso si Dex ng mga kasama niya sa opisina. Kung tawagin kasi siya ng mga ito ay ‘Dex Matipid’. Hindi kasi siya mahilig bumili ng pagkain sa labas at hindi rin siya sumasama sa mga katrabaho niya kapag nagyayaya ang mga itong kumain sila sa fast food chain o restawran na malapit sa pinagtatrabahuhan nila. Lagi lang siyang may baong kanin at ulam.

“Sobra naman sa pagtitipid ang taong iyan. Akala mo tuloy may sariling pamilya na pero binata pa naman,” wika ng isa sa mga katrabaho niya

“Pustahan tayo, pare, daing at nilagang talong na naman ang baon niyan at ang sawsawan ay kamatis,” natatawa namang sabi ng isa pang kasama.

“Araw-araw ay ganoon naman palagi ang baon niyan, eh, nagtitiis sa pangmahirap na pagkain samantalang malaki naman ang sahod. Palaging nagkukuripot,” sabad naman ng isa pa.

Sa kabila niyon ay may tagapagtanggol si Dex sa mga tsismoso, ang kasamahan din nilang si April.

“Ano ba naman? Wala na kayong ibang nakita kundi si Dex!” puna ng dalaga sa tatlo.

“Oy, ipinagtatanggol si Dex Matipid! Crush mo siya, ano?” natatawang sagot ng isa.

“Bakit? Masama bang magtipid ang isang tao? Kung kayo ba ang nasa katayuan ni Dex na may tatlong kapatid na pinag-aaral, huwag niyong sabihin na hindi rin kayo magtitipid. Saka anong masama sa pagkain ng daing, talong at kamatis? Ang sarap kaya ng mga iyon. Kung makapagsalita kayo parang hindi rin kayo galing sa hirap, a!” wika ni April sa mga kasama.

“Tama ka na nga! May gusto ka lang kay Dex kaya mo idinedepensa, eh,” tugon ng isang lalaki.

“Tayo na nga mga pare, huwag na nating patulan iyan. Masama kasi ang tama niyan kay Dex kaya ganyan ‘yan. Ang mabuti pa ay kumain na tayo sa labas, doon sa paborito nating restawran. Ayokong makaamoy ng daing dito sa loob ng opisina,” pang-aasar pang sabi ng isa sa tatlo.

Nang makaalis ang mga ungas ay gigil na gigil na napailing na lang si April.

“Mga walang magawa sa kapwa nila,” aniya.

Ang totoo ay may pagtingin nga siya kay Dex. Ipinapakita na lamang niya iyon sa pamamagitan ng pagtatanggol rito kapag pinagtsitsismisan sa kanila, alam niya kasi na wala pa sa bokabularyo ng binata ang umibig sa dami ng obligasyon nito sa pamilya.

Ngunit lingid kay April ay kanina pa naririnig ni Dex ang pagtawa ng tatlo nilang kasama.

“Ako na naman ang nakatuwaan ng mga lokong iyon,” wika nito sa isip.

Kung may pagtingin man si April kay Dex ay ganoon din naman ang binata. Hindi nito ipinagtatapat sa dalaga ang tunay na nararamdaman dahil…

“Sa ngayon ay hindi ko muna maisasabay ang pag-ibig. Saka baka mapintasan lang ako ni April. Madalas din niya kasi akong nakikita na daing, nilagang talong at kamatis lang ang baon ko. Paminsan-minsan lang ako magbaon ng karne kapag sobra ang budget ko,” sambit pacniya sarili.

Kaya kahit may damdamin siya kay April ay inililihim niya iyon.

“Kung wala lang akong pananagutan sa tatlo kong kapatid, noon pa sana, April, niligawan na kita. Alangan din kasi ako sa iyo dahil mas mataas ang posisyon mo sa akin. Ikaw ay supervisor samantalang ako ay hamak na clerk lang,” saad pa niya.

Makalipas ang ilang buwan ay may nabalitaan si Dex tungkol sa babaeng lihim niyang iniibig.

“Alam mo ba na malaki pala ang problema ni April sa pera? Humiram siya akin ng malaking halaga, kahapon nga ay nanghiram ulit siya,” sabi ng isa nilang kasamahan sa trabaho.

“Para saan daw niya gagamitin?” nagtatakang tanong ni Dex na hindi makapaniwala na nagawang mangutang ng malaking halaga ni April samantalang malaki naman ang sinasahod nito.

Nang sabihin ng babae ang dahilan ay ikinagulat niya ito, kaya pagkatapos ng duty niya sa opisina ay pinuntahan niya si April na hindi pumasok sa araw na iyon at kasalukuyang nasa ospital.

Nang makita siya roon ni April ay nabigla ito sa presensiya niya.

“D-Dex? A-anong ginagawa mo rito?”

“Nabalitaan ko kay Alice ang tungkol sa kapatid mo. May sakit daw sa puso ang bunso mong kapatid at kailangang maoperahan sa lalong madaling panahon?” tanong ni Dex.

Hindi na nakapagkaila pa si April.

“Oo. Katatapos lang ng operasyon niya. Nagulat nga ako dahil may nagbayad na raw, hindi ko nga alam kung sino ang nagmagandang loob na iyon. Namomroblema nga ako dahil naubos na ang ipon ko sa pagpapagamot sa kanya, mabuti nga at may mga mabubuti tayong kasamahan na nagpaabot ng tulong,” sagot nito.

At ipinagtapat na ni Dex ang totoo.

“Ako ang nagbayad sa ospital, April, kaya wala ka nang dapat na alalahanin.”

“D-Dex? B-bakit mo iyon ginawa? Mas kailangan mo ng pera, di ba? Hindi kaila sa akin na ikaw ang nagpapaaral sa mga kapatid mo,” gulat na tanong sa kanya ng babae.

“Nakapagtapos na sa kolehiyo si Clarissa at may maganda nang trabaho. Ang sabi niya ay siya naman ang magpapa-aral sa dalawa naming kapatid. Tapos na ang aking pagtitipid, April. Ibig kong malaman mong may pagtingin na ako sa iyo kahit noon pa, hindi ko lang maisabay dahil may pananagutan pa ako sa mga kapatid ko, ngayon ay malaya ko nang maipaparamdam at maipapakita sa iyo ang aking pag-ibig,” tugon ni Dex na hinawakan ang mga kamay ng dalaga.

Napaluha si April sa ipinagtapat sa kanya ni Dex.

“Mahal din kita, Dex. Hindi ko lang masabi dahil alam kong marami ka pang obligasyon, pero ngayon ay aaminin ko nang gustung-gusto rin kita. Maraming salamat sa pagtulong sa aking kapatid,” sagot ni April sabay yakap sa binata.

“Walang anuman, ngayong pareho naman pala tayo ng nararamdaman sa isa’t isa ay sino pa ba ang magtutulungan, ‘di ba?” tugon ng binata na tinugon ang yakap ng dalaga.

Ang dating tinutukso na si ‘Dex Matipid’ ay hindi na pinagtatawanan ng mga kasama nila sa opisina sa halip ay hinangaan pa ng mga ito ang pagiging matiisin at pagpapahalaga niya sa pamilya kaya tama lang na siya naman ang lumigaya sa piling ng babaeng iniibig niya.

Advertisement