
Ikinatakot ng Babae nang Sabihin ng Mister na Babalik Daw ang Yumao Niyang Biyenan sa Oras na Magkaanak Sila; Mangingilabot Siya sa Susunod na Mangyayari
Masayang-masaya si Walter nang malaman niyang nagdadalantao na ang asawa niyang si Cristy.
Matagal din nilang hinintay na magbunga ang kanilang pagmamahalan kaya sabik na sabik na ang mag-asawa na masilayan ang kanilang unang supling.
“Excited na akong maging daddy sa magiging baby natin, sweetheart,” tuwang-tuwang sabi ni Walter.
“Ako man ay naiinip nang maging mommy. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil dininig niya ang dasal natin na magkaroon na ng anak,” sagot naman ng kanyang misis.
Nang may biglang naalala ang lalaki.
“Alam mo kung nabubuhay lamang ang mama, siguradong matutuwa iyon, dahil nasasabik na siyang magka-apo, eh.”
Lumungkot ang mukha ni Cristy nang banggitin ng mister ang yumao nitong ina.
“S-sayang nga! Lagi niyang sinasabi noon na iyon ang huling pangarap niya sa buhay, p-pero hindi ako ang magiging ina ng anak mo dahil hindi naman ako ang gusto niya para sa iyo, Walter. Nagkunwari lamang tayo noon na nabuntis mo ako kaya wala na siyang nagawa nang magpakasal tayo. Nararamdaman ko pa rin na sa huling hininga niya ay hindi pa rin niya ako tanggap bilang iyong asawa,” wika ni Cristy.
Hinawakan ni Walter ang mga kamay ng kanyang misis.
“Sa palagay ko’y natanggap ka na naman ni mama, sweetheart, p-pero may sinabi pa siya noon na talagang ikinakaba ko.”
“Ano iyon?”
“Ang sabi niya bago siya pumanaw, babalik daw siya sa oras na magka-apo na raw siya.”
Sa tinuran ng mister ay biglang kinilabutan si Cristy.
“A-ano? P-Paano mangyayari iyon?” gulat nitong sabi.
“Ewan ko! Pero wala iyon, huwag mo nang isipin at baka makaapekto pa sa pagbubuntis mo,” sagot ni Walter.
Nakaramdam ng takot si Cristy.
“Diyos ko, paano kung magbalik nga ang kaluluwa ng aking biyenan at maghiganti sa pamamagitan ng aming anak? Hindi siya boto noon sa akin at alam kong kinasusuklaman pa rin niya ako dahil ikinasal kami ni Walter, paano kung idamay niya sa kanyang galit ng anak namin?” bulong niya sa isip.
Dahil sa kinilabutan siya sa pinag-usapan nila kanina ay inaya na niyang mahiga sila ni Walter sa kanilang kama upang magpahinga na. Hindi niya namalayan na nakatulog na siya.
Maya-maya ay isang panaginip ang nasaksihan niya.
Nakaupo silang mag-asawa sa isang parke, nang mapansin niya na may matandang babae na tumabi sa kanila.
“Kanina pa tayo sinusundan ng matandang ‘yan,” wika ng mister niya.
“Oo nga, eh,” aniya.
Nang magkatinginan si Cristy at ang matandang babae ay nanindig ang balahibo ng una dahil ang katabi nilang babae ay ang mama ni Walter na dalawang taong nang namayapa. Kitang-kita ni Cristy na titig na titig ito sa kanya at ang hitsura ay mukhang nanggaling sa hukay.
“Eeeee!”
Nagising si Walter sa ungol at sigaw ng asawa kaya ginising niya ito.
“Binabangungot ka, sweetheart,” nag-aalalang sabi ng mister.
Pawis na pawis at habol hiningang bumangon si Cristy sa kama.
“Masama ang panaginip ko, Walter. Kasama raw nating namamasyal ang mama mo at nanlilisik ang mga mata niyang nakatitig sa akin.”
Pinakalma at niyakap ni Walter ang asawa at tinabihan na ulit sa higaan.
“Panaginip lang iyon, sweetheart. O, sige, siya matulog na tayo uli. Wala iyon,” sambit ni Walter.
Mula noon ay palagi nang dinadalaw ng masamang panaginip si Cristy pero pinilit niyang labanan ang pagkatakot doon alang-alang sa mister niya hanggang sa umabot na sa kabuwanan ang dinadala niya ay mas lalo siyang nakakaramdam ng kakaiba.
“Walter, bakit ba pakiramdam ko, parang palaging may nagbabantay sa atin na kaluluwa? Kanina lang ay may naamoy akong amoy kandila. Sigurado ako na kaluluwa iyon ng mama mo. Hindi ko maiwasan na matakot dahil alam mo naman na…”
Hindi na siya pinatapos na magsalita ni Walter.
“Guni-guni mo lang ‘yan, sweetheart. Kung anu-ano kasi ang iniisip mo. Wala na si mama, hindi na niya tayo magagambala pa,” tugon ng mister.
At dumating nga ang araw ng panganganak ni Cristy. Nagsilang siya ng malusog na babaeng sanggol, pero mula nang mailuwal niya ang kanilang anak ni Walter, pakiramdam pa rin niya ay may kasama sila sa bahay na palaging nakamasid sa kanila.
“Walter, ayan na naman…kinikilabutan na naman ako, parang may nagbabantay talaga sa atin,” natatakot na sabi ni Cristy.
“Ayan ka na naman, eh. Napa-paranoid ka na naman. Walang nagbabantay sa atin, wala kang dapat ikatakot,” sagot ni Walter sa kanya.
Ngunit isang gabi, nang magising si Cristy ay napansin niya na wala ang anak nila sa crib. Dali-dali niyang ginising ang asawa.
“Walter! Walter! Si baby, wala sa kanyang crib! Dinukot yata!”
“A-ano?!”
Paglabas ng mag-asawa sa kwarto ay nangilabot sila dahil kitang-kita nila ang matandang babae na nakalutang ang katawan sa hangin habang karga-karga ang kanilang anak. Kilalang-kilala nila kung sino iyon.
“M-mama!” sigaw ni Walter.
Lumingon ito sa kanila, maya-maya ay dahan-dahan silang nilapitan.
“Natatandaan mo ba, anak, ang sinabi ko sa iyo noon bago ako pumanaw? Na ako’y magbabalik kung ako’y magkaka-apo na,” sabi nito.
Tinapangan ni Cristy ang sarili at kinausap ang kanyang biyenan.
“Parang awa mo na, mama, huwag mong idamay ang iyong apo sa galit mo sa akin. Wala siyang kasalanan, pakiusap,” nagsusumamong sabi ni Cristy na hindi na napigilang maiyak.
“Wala akong balak na masama sa aking apo, Cristy, lalo nang wala akong balak na guluhin kayong mag-asawa. Matagal na kitang natanggap bilang kabiyak ng aking anak. Napatunayan ko na talagang mahal mo siya at mahal ka rin niya kaya wala na akong dahilan upang pigilan pa kayo sa inyong nararamdaman. Ang nais ko lamang ay ang makita ang aking apo, ngayon ay maligaya na ako dahil natupad ko na ang huling pangarap ko,” sambit ng matanda na ibinigay na sa kanila ang sanggol na hawak.
“Ito na ang huling paggambala ko sa inyo at ako’y mananahimik na. Paalam.”
Pagkatapos niyon ay naglakad na ito palayo hanggang sa unti-unting naglaho ang kaluluwa ng ina ni Walter.
Naiwang tulala ang mag-asawa at ‘di makapaniwala sa nasaksihan nila, pero nagpapasalamat pa rin sila dahil tuluyan nang matatahimik ang kaluluwa ng matanda. Dinalaw lang pala nito ang apo sa huling pagkakataon.
Nang sumunod na araw ay binisita nila ang puntod ng ina ni Walter sa sementeryo. Ipinagtirik nila ito ng kandila, inalayan ng mga bulaklak at maikling panalangin. Sa wakas ay mapapayapa na ang biyenan ni Cristy, pati siya ay payapa na rin dahil alam niya na wala na palang sama ng loob ang biyenan niya sa kanya.

