Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Lalaki ang Mapapangasawa Nang Malamang Babae ang Kanilang Magiging Anak; Malaki pala ang Bwelta Nito sa Kaniya

Iniwan ng Lalaki ang Mapapangasawa Nang Malamang Babae ang Kanilang Magiging Anak; Malaki pala ang Bwelta Nito sa Kaniya

Hindi pa man nagtatagal ang relasyon ay inaya na agad ni Hector na magpakasal itong si Mildred. Hindi na kasi makapaghintay ang ginoo na magkaroon ng isang anak na lalaki. Kailangan niya ito dahil gusto niyang magpasikat sa kaniyang amang negosyante.

“Hindi ba’t masyado pang maaga para magpakasal tayo, Hector? Ilang buwan pa lang ang relasyon natin. Ayaw mo bang makilala pa natin ang isa’t isa?” wika ni Mildred sa nobyo.

“Ano ba ang problema, Mildred? Wala naman sa tagal ng relasyon ‘yan. Mahal kita. Mahal mo naman ako, ‘di ba? Saan pa ba tutungo ang lahat ng ito kung hindi sa kasalan din naman!” sambit naman ng ginoo.

“Oo nga, nagmamahalan tayo. Wala akong ibang lalaking minahal kung hindi ikaw lang. Pero baka kasi nagmamadali ka masyado. Sigurado ka na ba sa akin? Baka mamaya ay makahanap ka rin ng iba at iwan ako,” saad pa ng dalaga.

“Siguradong-sigurado ako, Mildred, na ikaw ang babaeng para sa akin. Hindi pa rin ako nagmahal nang ganito ng tulad ng pagmamahal ko sa iyo. Kaya sana naman ay pumayag ka nang magpakasal sa akin. Hindi na ako makapaghintay na magkaroon ng anak na lalaki sa iyo,” dagdag pa ni Hector.

“Ikaw talaga! O, sige na nga! Magpapakasal na ako sa iyo tutal mahal na mahal kita! Basta, ipangako mo sa akin na kahit kailan ay hindi tayo maghihiwalay,” wika muli ng nobya.

“Pangako ko ‘yan sa iyo, Mildred. Wala akong ibang gagawin kung hindi mahalin ka at ang magiging panganay nating lalaki,” wika pa ni Hector sabay yakap sa kasintahan.

Hindi pa man natutuloy ang kasal ng dalawa ay nagdalantao na itong si Mildred. Labis-labis ang saya nitong si Hector dahil sa wakas ay matutupad na niya ang pangarap ng kaniyang ama na magkaroon ng apo na lalaki. Puro kasi babae ang anak ng kaniyang mga kapatid. At natitiyak siyang kapag nabigyan niya ito ng apong lalaki ay mag-iiba na rin ang pagtingin ng ama sa kaniya.

Tumatakbo ang panahon at unti-unti na ring lumalaki ang tiyan nitong si Mildred. Kung anu-ano ang ipinapagawa ni Hector sa kaniyang kasintahan upang masigurado na magiging lalaki ang ipinagbubuntis nito.

Hanggang sa dumating na ang araw na malalaman na ng dalawa ang kasarian ng kanilang magiging anak.

“Malakas ang kutob ko na lalaki ang magiging anak natin, Mildred. Hindi na ako makapaghintay na ibalita ito sa aking ama,” wika ng ginoo.

“Hector, mahal, ayaw ko sanang pasamain ang loob mo. Pero paano kung babae ang anak natin? Ganiyan ka pa rin kaya kasaya? Parehas lang kaya ang pananabik mong makita siya? Hindi ba’t kahit ano ang ibigay sa atin ay ayos lang basta malusog siya at nasa ayos ang kalagayan?” wika naman ni Mildred.

“Pero mas maganda kung lalaki ang magiging panganay natin! Huwag ka nang mag-isip ng ano pa man dahil baka maudlot ang pagkakaroon natin ng anak na lalaki. Samahan mo na lang akong magdasal na lalaki ang maging resulta. Pero malakas talaga ang loob ko na tama ako!” kumpyansang sambit pa ni Hector.

Kinakabahan itong si Mildred dahil ayaw niyang malungkot si Hector. Nanalangin na lang din siya na sana nga ay maging lalaki ang kanilang panganay at nasa maayos itong kalagayan.

Ipinatawag sina Mildred at Hector sa tanggapan ng doktor dahil nariyan na ang resulta.“Dok, ano ba ang resulta? Lalaki ang anak ko, ‘di ba?” sambit ni Hector.

“Hector, hayaan nating magsalita si doktora,” wika naman ni Mildred.

“Dok, ano na ba ang resulta at hindi na ako makapaghintay pa! Sabihin mo na!” giit ng ginoo.

“Ikinagagalak ko pong ibalita sa inyo na malusog ang magiging anak ninyo. Nasa mabuti naman ang kaniyang kalagayan. Pati na rin itong si Mommy Mildred. Binabati ko po kayong dalawa dahil magkakaroon kayo ng anak na babae,” saad ng doktor.

Kumunot ang noo ni Hector at nawala ang ngiti sa kaniyang mukha.

“Babae? Dok, baka naman nagkakamali lang kayo! Ulitin n’yo po ang pagsusuri. Tingnan ninyong muli. Hindi ako p’wedeng magkaroon ng babaeng anak!” naiinis na sambit ni Hector.

“Hindi po kami maaaring magkamali. Talaga pong babae ang anak ninyo. Saka ano po ba ang masama kung magkaanak kayo ng babae? Malalambing ang mga babae at nakatitiyak kayong may mag-aalaga sa inyo pagtanda ninyo,” saad pa ng doktora.

Galit na galit na lumabas ng klinika itong si Hector. Pinilit niya si Mildred na magpasuri muli sa ibang doktor ngunit talagang babae ang lumalabas.

Simula noon ay naging malamig na ang pakikitungo ni Hector kay Mildred. Napansin naman ito ng dalaga kaya agad niyang kinausap ang nobyo.

“P’wede pa naman tayong sumubok muli, Hector. Hindi naman mahalaga kung babae o lalaki ang anak natin. Ang mahalaga ay–”

Hindi pa man nakakatapos ng kaniyang sasabihin ay binara na agad ni Hector itong si Mildred.

“Aanhin ko ang anak na babae, Mildred? Hindi nga iyan ang kailangan ko! Paano na matutuwa sa akin ang ama ko kung babae na naman ang apo na mabibigay ko sa kaniya?! Habang maaga pa ay ipalagl*g mo na lang ang bata. Sumubok na lang tayong muli!” wika pa ni Hector.

Dito na nagalit si Mildred.

“Anong tingin mo sa anak natin, Hector? Laruan na kapag ayaw mo na ay p’wede mo na lang itapon? Anong klase ka bang ama? Anak mo itong dinadala ko! Sarili mong dugo at laman!” umiiyak na sambit ng dalaga.

Ngunit sarado ang isip ni Hector. Ang tanging nais niya ay magkaroon ng lalaking anak.

Simula noon ay hindi na naging maganda ang relasyon ng dalawa. Hanggang sa unti-unti nang hindi umuuwi si Hector ng bahay. Nabalitaan na lang ni Mildred na marami ang nakakakita na may kasa-kasamang babae ang kaniyang kinakasama.

“Ano na ang nangyari sa mga pangako mo sa akin, Hector? Huwag mo nang ipagkaila dahil nakita rin mismo ng mga mata ko na may nilalandi kang ibang babae!” kompronta ni Mildred.

“Ano pa ba ang halaga ng relasyon na ito kung hindi mo rin ako mabibigyan ng anak na lalaki? Sa tingin ko ay si Sheila ang magbibigay sa akin ng anak na lalaki. Saka isa pa, huwag kang maghabol sa akin na para bang kasal tayo. Wala akong pananagutan sa iyo o d’yan sa anak mo! Kung gusto mong ituloy ang ipinagbubuntis mo ay itutuloy ko rin ang pakikipagkita ko kay Sheila! Mamili ka, Mildred, ako o ‘yang dinadala mo?!” sambit pa ni Hector.

“Sa tingin ko ay kailangan mo nang sumama kay Sheila dahil mas pinipili ko ang anak ko! Simula ngayon ay wala ka nang kaugnayan sa amin. Huwag mo nang tangkaing balikan kami dahil wala kang babalikan sa amin!” wika ng dalaga.

“Huwag kang mag-alala dahil hinding hindi mangyayari ‘yun. Lalo pa’t kung mabibigyan ako ng anak na lalaki ni Sheila ay tiyak ko nang ako ang magmamana ng lahat ng ari-arian ng mga magulang ko,” dagdag pa ni Hector.

Tuluyan na ngang naghiwalay ng landas ang magkasintahan. Dahil tinalikuran na ng nobyo ay kinailangan ni Mildred na mag-isang buhayin ang kaniyang anak.

Hindi nagtagal ay ipinanganak na ni Mildred ang kaniyang babaeng anak. Siya na yata ang pinakamasayang babae noong araw na masilayan niya ang anak na si Marie.

Dahil ubod ng ganda ang bata ay may isang producer na kumuha rito bilang isang modelo. Dito na nagsimulang makilala sa larangan ng pagmomodelo ang mag-ina.

Dalawang taon ang nakalipas at malaki na ang pinagbago ng buhay ni Mildred at ng kaniyang anak.

Isang araw ay may kumakatok sa pinto ng kanilang bahay. Nang buksan ito ni Mildred ay nagulat siya nang makita ang dating kasintahang si Hector, ama ng kaniyang anak na si Marie.

“A-anong ginagawa mo rito? Hindi ba’t nag-usap na tayo?” bungad ni Mildred.

“Nais kitang makausap at nais ko lang namang makita ang anak ko,” tugon ni hector.

“Anak mo? Wala kang anak dito, Hector. Umalis ka na dahil ayaw ko ng eskandalo. Malinaw sa akin ang lahat ng sinabi mo noon tungkol sa akin at sa pagdadalantao ko! Bumalik ka na lang kay Sheila!”

“Wala na kami ni Sheila. Ayaw niyang magkaroon ng anak. Isa pa, nagkasakit ang ama ko. Simula nang mawala siya ay bumagsak na rin ang kompanya. Kailangan ko ng tulong, Mildred. Hirap ako sa buhay ngayon. Patawarin mo na ako sa lahat ng mga kasalanan ko sa inyo ng anak natin. Pinagsisisihan ko na ang lahat ng iyon. Sana ay bigyan mo pa ako ng pagkakataon,” pagsusumamo ng dating nobyo.

“Pasensya ka na, Hector, pero wala ka nang babalikan sa amin ng anak ko. Umalis ka na at huwag mo nang guluhin ang buhay namin. Kapag nagpatuloy ka pa sa panggugulo ay ipapadampot kita sa pulis at kakasuhan. Sisiguraduhin kong mabubulok ka sa bilangguan sa pagpilit sa akin na ipalagl*g ang dinadala ko at sa pag-abandona sa akin at sa aking anak,” pananakot pa ng dalagang ina.

Wala nang nagawa pa si Hector kung hindi tuluyang bigyan ng katahimikan ang buhay ni Mildred at ng kanilang anak. Labis ang pagsisisi sa kaniyang puso dahil masaya sana silang pamilya kung hindi lamang siya nagpabulag sa pagnanais na magkaroon ng isang anak na lalaki.

Kung tinanggap lang sana niya ang anak na babae noon ay masaya sana siya ngayon kapiling ang sarili niyang pamilya.

Advertisement