Inday TrendingInday Trending
Hindi Binibigyan ng Importasya ng Ina ang Nag-iisang Anak; Isang Pangyayari ang Magpapabago Nito

Hindi Binibigyan ng Importasya ng Ina ang Nag-iisang Anak; Isang Pangyayari ang Magpapabago Nito

Hindi makapaghintay ang batang si Elise na makauwi ang kaniyang inang si Malou. Nasasabik na kasi siyang ipakita ang medalya na kaniyang napanalunan sa isang paligsahan ng pagguhit sa kanilang eskwelahan.

Pagdating ng kaniyang ina ay may kausap ito sa selpon ngunit agad niya itong sinalubong.

“Mommy! Mommy! Tingnan n’yo po itong medal ko! Ako po ang nakakuha ng unang parangal sa pagguhit ng isang larawan! Sabi nga po ng mga naroon ay napakagaling ko! Ito po ang iginuhit ko!” patuloy na pagsasalita ni Elise na halatang sabik na sabik na magkwento sa kaniyang ina.

Ngunit imbes na pakinggan siya ni Malou ay galit pa ito.

“Bastos kang bata ka! Nakikita mo nang may kausap ako sa telepono ko, ‘di ba? Importante ang kausap ko dahil kliyente ko ‘yun! P’wede naman ‘yang maghintay mamaya!” naiinis na sambit ng ina.

“Pasensya na po, mommy, kanina ko pa po kasi kayo hinihintay dahil gusto ko lang ibalita sa iyo ang pagkapanalo ko,” nalungkot bigla ang bata.

Kinuha ni Malou ang medalya pati ang iginuhit na larawan ngunit hindi naman niya ito tiningnan. Inilapag lang niya ito sa mesa at patuloy na nakipag-usap sa kaniyang kliyente sa telepono.

Nakita ng kasambahay na si Thelma ang nangyari kaya inalo niya ang alaga.

“Halika na, Elise, at kumain ka na ng hapunan. Hindi raw makakasabay ang mommy mo dahil marami siyang ginagawa,” saad pa ng kasambahay.

“Lagi na lang siyang walang panahon sa akin, yaya. Sa tingin mo ba ay mahal ako ng mama ko? Napapansin ko kasi na lagi na lang mainit ang ulo niya sa akin. Ni hindi nga siya masaya sa tuwing nakikita niya ako,” naiiyak na wika pa ng bata.

“Mahal ka ng mommy mo, Elise. Sa tingin mo, bakit ba siya nagpapakasubsob sa pagtatrabaho? Iyon ay upang mabigyan ka ng magandang buhay. Huwag ka nang magtampo sa mommy mo. Unawain mo na lang siya dahil kinakaya niyang mag-isa na palakihin ka,” paliwanag pa ng ginang.

Sa totoo lang ay talagang malayo ang loob ni Malou sa kaniyang anak. Sa tuwing nakikita kasi niya si Elise ay naaalala niya ang masalimuot niyang nakaraan.

Labis kasi siyang nahulog sa ama nito kaya ibinigay niya kaagad ang kaniyang sarili. Ngunit nang siya’y mabuntis ay nagbago na ang kaniyang pangangatawan. Dahil dito ay naghanap ng ibang babae ang kaniyang kinakasama. Kaya kailangang palakihin ni Malou nang mag-isa ang kaniyang anak.

Pakiramdam pa ng ginang ay malaking pabigat sa kaniya si Elise. Marami kasing oportunidad ang naglaho dahil isa siyang dalagang ina.

Nang sumunod na araw ay maagang gumising itong si Elise upang ipaghanda ang kaniyang ina ng almusal sa tulong na rin ng kasambahay na si Thelma. Nais niyang ikwento nang buo sa ina ang lahat ng parangal na kaniyang nakuha sa paaralan.

Paggising ni Malou ay tiningnan lamang niya ang pagkain at nagpaalam nang aalis.

“Mommy, hindi po ba’t wala po kayong pasok? Naghanda po kasi ako ng almusal. Tinulungan po ako ni Yaya Thelma. Tara po at sa hardin tayo kumain,” pahayag ng bata.

“Kayo na lang ng yaya mo ang kumain niyan at may pupuntahan ako. Nakakompromiso ako sa mga amiga ko na may pupuntahan kaming resort,” saad ni Malou habang inaayos ang kaniyang mga gamit.

“Pero, mommy, ito na nga lang po ang araw na magkakasama tayo. Huwag ka na pong umalis. Gusto po kitang makasama buong araw, e,” pakiusap pa ni Elise.

“Huwag kang makulit! Kapag sinabi kong aalis ako ay aalis ako. Kailangan ko namang magliwaliw at pagod na pagod na ako sa trabaho! Hindi mo alam kung gaano na ang istres na ang inaabot ko mabigay lang ang magandang buhay na tinatamasa mo ngayon! Dito rin naman ako uuwi sa bahay kaya kasama mo ako!” giit pa ng ina.

“Palagi ka na lang pong galit sa akin. Palagi ka na lang pong walang pakialam at walang oras. Sana ay trabaho mo na lang ako o kaya kliyente, o kaibigan. Nang sa gayon ay mabigyan n’yo ako ng panahon,” dito na nagsimulang umiyak si Elise.

“Huwag mo nga akong dramahan, Elise! Pagod na pagod ako sa trabaho at kailangan kong magtanggal ng istres! Mabuti ka nga at wala kang problema sa buhay. Kakain ka lang at matutulog. Papasok sa eskwela at maglalaro. Ako? Lahat ng responsibilidad ay nasa balikat ko. Hindi ko na naramdaman ang pagkadalaga ko nang dahil sa iyo! Nanghihingi lang ako ng oras para sa sarili ko ay pinagmumukha mo pa akong masamang ina!” napasigaw na si Malou.

Sa pag-iyak ni Elise ay lalong nag-init ang ulo ni Malou at pinagsisigawan niya ang anak.

“Thelma, ikaw na ang bahala kay, Elise. Aalis na lang ako ay pinapainit pa ang ulo ko! Huwag n’yo na rin akong hintayin at baka hatinggabi na akong umuwi,” saad pa ng ginang.

Lungkot na lungkot si Elise dahil sa hindi na mabilang na pagkakataon ay hindi naman siya nabigyan ng ina ng panahon.

Lumipas ang mga araw at hindi nagbago ang pagtingin ni Malou sa kaniyang anak.

Lalo pa siyang nagpakasubsob sa trabaho. Kahit na lumalapit si Elise sa kaniya ay lagi niya itong binabalewala.

Hanggang isang araw ay bigla na lang sumama ang pakiramdam ni Malou. Kaya kailangan niyang magpahinga at hindi muna makapasok sa trabaho.

Ilang araw ding nasa silid ang ginang dahil sa sama ng kaniyang pakiramdam.

“Sa tingin ko po, madam, ay kailangan n’yo nang magpatingin sa doktor,” mungkahi ni Thelma.

Alalang-alala naman si Elise sa kaniyang ina.

“Ako na lang ang pupunta sa ospital. Magpapasama na lang ako sa kaibigan ko. Dito na lang kayo ni Elise sa bahay,” wika naman ni Malou.

“Mommy, sasama po ako! Ayaw ko pong maiwan dito sa bahay. Gusto ko po kayong alagaan!” giit pa ng anak.

Dahil nga sa tindi ng sama ng pakiramdam ni Malou ay wala na siyang nagawa pa kung hindi isama na ang anak.

Sa sasakyan ay nakadikit lamang si Elise kay Malou.

“Umusod ka nga at nakita mo nang masama ang pakiramdam ako! Bakit kasi sumama ka pang bata ka!” naiinis na sambit pa ng ina.

Pagdating sa ospital ay inalalayan ni Elise ang kaniyang ina. Sinuri si Malou ng mga doktor. Habang naghihintay ng resulta ay nasa silid lamang ang mag-ina at ang yayang si Thelma.

Makalipas ang ilang sandali ay nariyan na ang doktor upang magbigay ng resulta.

“Malubha na po ang kalagayan n’yo, ginang. Sa lalong madaling panahon ay kailangan na nating simulan ang operasyon sa inyong bato. Kailangan ay may mahanap po tayong donor na magbibigay ng bato sa inyo. Kung hindi po ay malalagay sa alanganin ang inyong buhay. Ayon kasi dito sa mga resulta ay unti-unti nang kumakalat ang impeksyon sa katawan ninyo,” saad ng doktor.

Nagulantang si Malou sa sinabi ng doktor. Nang marinig naman ito ni Elise ay agad siyang sumabat sa usapan.

“Dok, p’wede po bang kunin n’yo na lang ang bato ko at ibigay sa mommy ko? Sabi po kasi ng guro ko ay may dalawang bato raw ang tao at maaaring ibigay ang isa sa may kailangan. Nais ko pong iligtas ang buhay ng mommy ko. Ayaw ko po siyang mawala sa akin dahil mahal na mahal ko siya! Kunin n’yo na po ang bato ko! Ilagay n’yo na po sa kaniya!” pagsusumamo pa ni Elise.

Labis na naantig ang kalooban ng lahat sa sinabing ito ng bata. Maging ang pusong bato ni Malou ay unti-unting lumambot dahil kayang isakripisyo ng anak ang kaniyang buhay para lamang sa kaniya.

Ilang sandali pa ay may nars na pumasok sa silid.

“Dok, nagkamali po ang nars sa paglalagay ng mga dokumento sa folder. Napagpalit niya po ito. Ito po ang resulta ng pasyenteng si Ma’am Malou Dizon.”

Galit na galit ang doktor sa nangyari. Lalo pa nang makita niya na ang tanging sakit lamang ni Malou ay simpleng trangkaso lamang.

“Humihingi ako ng kapatawaran sa nangyaring ito. Nagkabaligtad lang pala ang resulta. Wala kang matinding karamdaman. Ang kailangan mo lang ay magpahinga. Ngunit hindi ko maikakaila na naantig ang kalooban ko sa ginawa ng iyong anak. Napakaswerte mo dahil mahal na mahal ka niya,” saad ng doktor kay Malou.

“Hija, huwag ka nang mag-alala sa mommy mo dahil maayos ang kalagayan niya. Kailangan lang niya ng kaunting pahinga. Pagpatuloy mo lang mahalin ang mommy mo at magiging mabilis ang kaniyang paggaling,” dagdag pa nito.

Naiinis man sa nangyari ay may magandang kinahinatnan din ang pagkakamaling ito. Sa mga sandaling iyon ay napagtanto ni Malou ang lahat ng pagkukulang niya sa anak na si Elise. Nakapagdesisyon siya na mula sa araw na iyon ay pagtutuunan na niya ng oras at pagmamahal ang anak higit sa ano pa man o kanino man.

Nakalabas din ng ospital si Malou nang araw na iyon. Pagdating niya sa bahay ay agad niyang hiningi kay Thelma ang larawang iginuhit ng kaniyang anak. Napaluha siya sa kaniyang nakita dahil iginuhit ni Elise ang sarili kasama ang ina at masayang-masaya sila na magkasama.

Nang bumuti na ang kalagayan ni Malou ay bumawi siya sa kaniyang anak. Nagbakasyon sila sa ibang bansa ng isang linggo at doon ay mas higit niyang nakilala si Elise. Nangako siya sa kaniyang sarili na kahit kailan ay hindi na pababayaan pa ang nag-iisang anak.

“Ano ba ang naisip ko at inilayo ko ang sarili ko sa iyo, anak. Mula ngayon ay ikaw na ang prayoridad ko sa buhay. Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko. Pipilitin kong maging isang mabuting ina sa iyo hanggang sa pagtanda mo,” sambit ni Malou sa kaniyang isipan habang tinitingnan ang anak nang may ngiti at luha sa kaniyang mga mata.

Advertisement