Inday TrendingInday Trending
Pinagsasabay ng Ginoo ang Tatlong Trabaho para Makatapos ang Anak; Ito ang Ganti ng Dalaga sa Ama

Pinagsasabay ng Ginoo ang Tatlong Trabaho para Makatapos ang Anak; Ito ang Ganti ng Dalaga sa Ama

Maagang gumising ang dalagang si Lydia upang maghanda papasok ng kaniyang eskwela. Bago kasi siya umalis ay sinisigurado niyang may pagkain ang kaniyang amang si Mang Teban. Ayaw kasi niyang umalis ito nang walang laman ang sikmura.

Ang tatay kasi niya ay may tatlong trabaho. Halos hatiin na nga nito ang kaniyang katawan para lang maging sapat ang kanyang sweldo sa kanilang pangangailangan lalo pa at nasa kolehiyo na ang dalaga.

Paglabas ni Lydia sa kaniyang maliit na silid ay nakita niya ang ama na natutulog pa rin sa sala ngunit katabi ang isa niyang libro sa eskwela.

Napabuntong hininga siya at bahagyang napangiti. Talagang mahilig kasing magbasa ang ama at tiyak ang dalaga na nakatulugan na nito iyon. Pangarap ni Mang Teban ang makapagtapos ng pag-aaral. Kaya kahit matanda na ay pilit siyang tinuruan ni Lydia na magbasa. At nang matuto ito ay halos lahat ng libro ata sa bahay ay kaniya nang binasa.

Nagpainit na ng tubig itong si Lydia at nagluto na rin ng agahan. Maya-maya ay naalimpungatan na ang natutulog na ama.

“Lydia, anak, heto ang libro mo at baka mamaya ay makaligtaan mo pa. Kinuha ko sa bag mo kagabi, mukhang maganda kasing basahin ang mga aralin dito,” wika ni Mang Teban.

“Alam mo, ‘tay, natutuwa po ako sa inyo. Napakahilig n’yo pong magbasa. Ang hilig n’yo po talagang mag-aral. Marami akong mga kaklase na binabalewala nila ang pag-aaral. Palibhasa’y may mga kaya sa buhay.”

“Huwag kang gagaya sa kanila, anak. Tandaan mo na ang edukasyon ay isang kayamanan na hinding hindi mananakaw sa iyo ng sino man. Sayang lang at hindi ako nabiyayaan ng pagkakataon na makapag-aral. Kung may pera lang sana kami noon ay mas maayos sana ang buhay natin ngayon,” bigla na lang nalungkot si Mang Teban.

“‘Tay, hindi man tayo mayaman ay marami pa rin po akong ipinagpapasalamat sa buhay. Kaya huwag na po kayong malungkot dahil pangako ko po sa inyo na ako ang tutupad ng pangarap ninyo,” wika muli ni Lydia sabay yakap sa ama.

“Oo, anak, galingan mo sa pag-aaral at magtapos ka. Iyon lang ay masaya na ako,” dagdag pa ng ginoo.

Si Mang Teban ang naging inspirasyon ni Lydia upang magpursige sa pag-aaral. May mga pagkakataon na nahihirapan na siya sa aralin at nais na niyang sumuko ngunit lagi niyang iniisip ang kaniyang ama.

Habang nag-aaral siya ay madalas niyang katabi ang kaniyang ama na patuloy rin ang pagtatanong sa mga aralin. Kahit na pagod na ito mula sa kaniyang mga trabaho ay talagang naglalaan ito ng oras upang makapag-aral. Wala namang sawa itong si Lydia na sagutin ang kaniyang ama. Batid kasi niya ang matinding pagnanais nito sa kaalaman.

Isang araw ay natambakan ng mga gawain si Lydia sa kaniyang eskwela. Problema pa niya ang ilang bayarin na hindi niya masabi sa kaniyang ama. Hindi na niya alam ang uunahin at inis na inis na siya.

“Bakit kasi walang konsiderasyon ang mga propesor na ‘yan! Ano ba ang akala nila sa aming mag estudyante? Parang hindi sila mga naging mag-aaral noon. Siguro ay gumaganti lang sila ngayon!” pikon na pikon na itong si Lydia hanggang sa naibato na niya ang kaniyang mga aklat.

“Ayoko nang mag-aral!” sambit pa nito.

Paglabas niya ng silid ay nakita niya ang ama na galing sa pagkakarpintero nang araw na iyon. Ngunit imbes na magpahinga ay pilit nitong binabasa, iniintindi at isinasaulo ang mga aralin sa siyensya sa isang librong pambata.

Bahagyang nagtago si Lydia upang hindi siya mapansin ng ama. Habang tinititignan niya si Mang Teban ay biglang nawala ang kaniyang inis at napagtanto niyang mali ang kaniyang mga inasal.

Bumalik siya sa silid at saka niya inayos isa-isa ang kaniyang mga gawain. Inabot man siya ng hatinggabi ay natapos din niya ang lahat ng kaniyang asignatura.

Habang tumatagal ay lalong pinagbubuti ni Lydia ang kaniyang pag-aaral. Palagi kasi niyang iniisip ang ama na malaki ang pagsasakripisyo para sa kaniya.

Hindi nga nagtagal ay nakapagtapos ng pag-aaral si Lydia at naging isang ganap na inhinyero.

Walang mapaglagyan ang kaligayahan ni Mang Teban dahil sa wakas ay nasisiguro na niyang may magandang kinabukasan ang nag-iisang anak.

“Sa wakas ay natupad mo rin ang pangarap ko, anak! Hindi mo lang alam kung gaano kita ipinagmamalaki,” wika ni Mang Teban habang nangingilid ang kaniyang mga luha.

“‘Tay, hindi pa po tapos ang pagtupad ko sa mga pangarap ninyo. Maganda po ang trabaho na nakuha ko sa isang kompanya. P’wede na po kayong tumigil sa mga trabaho ninyo at ako naman ang magtatrabaho para sa’tin. Ipahinga n’yo naman ang inyong katawan,” wika ni Lydia sa ama.

“Anak, alam mo namang hindi ako sanay ng walang ginagawa. Kung titigil ako sa trabaho ay ano na lang ang gagawin ko sa bahay? Hayaan mo na akong magtrabaho,” giit pa ng ama.

Iniabot ni Lydia sa ama ang isang envelope na galing sa kaniyang bag.

“A-ano ito, anak?” pagtataka ni Mang Teban.

“Buksan mo po, ‘tay, para malaman n’yo. Iyan po ang pagtupad ko ng pangarap ninyo,” saad pa ni Lydia.

Napaluha na lang si Mang Teban nang makita ang nilalaman ng envelope.

“Anak, totoo ba ito?” patuloy sa pagluha si Mang Teban.

“Opo, ‘tay. Hindi n’yo na kailangang magtrabaho dahil naka-enrol na po kayo sa darating na pasukan. Ako naman po ang tutupad ng pangarap ninyo, ‘tay. Sisikapin ko at gagawin ko ang lahat para ikaw naman po ang makapagtapos ng pag-aaral,” pumatak na rin ang mga luha ni Lydia.

“Matagal ko nang gustong pumasok sa eskwela dahil salat na salat ako sa kaalaman. Ang tanging pangarap ko lang ay makatapos ng pag-aaral nang sa gayon ay ipagmalaki mo rin ako. Kaya kahit matanda na ako ay ipagpapatuloy ko ang pag-aaral ko. Maraming salamat, anak! Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya!” wika pa ng ama.

“Kahit hindi kayo nakapag-aral, ‘tay, ay labis ko kayong ipinagmamalaki. Araw-araw ay ipinagpapasalamat ko sa Panginoon na kayo ang binigay Niya sa akin bilang ama. Kung uulitin ang buhay ko ay kayo pa rin po ang nais kong maging tatay dahil napakabuti n’yo,” patuloy ang pag-agos ng mga luha ng dalaga.

Nang araw na iyon ay walang pagsidlan ang kaligayahan ng mag-ama. Pag-uwi sa bahay ay lalong nagulat si Mang Teban nang makita ang kaniyang mga gagamitin sa eskwela.

Kahit na may edad na ang ginoo ay hindi siya nahiya na makisalamuha sa kaniyang mga nakababatang kaklase. Dahil tulad nga ng kaniyang sinasabi, ang edukasyon ang tanging kayamanang hindi mananakaw ninuman.

Advertisement