Inday TrendingInday Trending
Nagkaanak nang Maaga ang Dalaga Ngunit Labis ang Kaniyang Pagsisisi; Ano ang Gagawin Niya Upang Itama ang Kaniyang mga Pagkakamali?

Nagkaanak nang Maaga ang Dalaga Ngunit Labis ang Kaniyang Pagsisisi; Ano ang Gagawin Niya Upang Itama ang Kaniyang mga Pagkakamali?

Sa murang edad na labing anim na taon, si Sophia ay nagkaroon na ng anak. Iniwan siya ng kaniyang nobyo noong napag-alaman nitong buntis siya. Ngunit kahit na ganoon ay patuloy pa rin siyang ginabayan ng kaniyang ina. Sinuportahan pa rin nito ang pagtutuloy niya sa pag-aaral, dahil matagal nang sumakabilang buhay ang kaniyang ama.

“Mano po, ’nay.” Sabay kuha ni Sophia sa kamay ng nanay niya. Kauuwi lang niya galing sa trabaho.

“Kumain ka na riyan, anak. Huwag mo nang hintaying dumating pa kuya mo,” tugon naman nito sa kaniya.

Kahit graduate na ng kolehiyo ang kuya niya ay ’di pa rin ito naghahanap ng trabaho. Pag-istambay at pagbibisyo pa rin ang inuuna nito. Kahit siya na ang nagtratrabaho para sa pamilya niya ay minamaliit parin siya ng ibang mga kapatid dahil sa pagkakaroon niya ng anak sa maagang edad.

“Hindi na po, magagalit lang si kuya kapag maabutan niya akong kumakain,” pagtanggi naman ni Sophia kahit na gutom na gutom na siya.

Agad siyang pumunta sa kwarto upang alagaan ang kaniyang anak. Habang binabantayan ng kaniyang anak ay nagrereview siya para sa exam bukas. Nagsusumikap si Sophiang makatapos para makabawi naman sa mga maling nagawa niya sa kaniyang magulang.

Kahit pagod na ay binabalewala niya iyon para siya ay makapasa. Nasa huling taon na siya sa kolehiyo kaya palagi niyang kinukumbinsi ang sariling, kaunti na lang ang panahong titiisin niya. Pagkatapos magreview ay agad na siyang natulog dahil may pasok pa siya kinaumagahan.

Alas tres ng umaga nang magising si Sophia dahil sa ingay na naririnig niya mula sa kusina. Agad niya itong pinuntahan. Nakita niya ang kaniyang kuya na hawak-hawak ang wallet ng kaniyang nanay at kinukuha ang lamang pera nito. Inagawa iyon ni Sophia!

“Akin na nga ’yan!” sigaw ni Sophia sa kaniyang kuya.

“Bakit ba nakikialam ka, ha? Intindihin mo ’yong palamunin mong anak! ” bulyaw naman ng kuya ni Sophia sa kaniya.

“Ikaw ang palamunin dito! Nakatapos ka nga, pero hindi ka naman nagtratrabaho, ’tapos ay nanakawan mo pa si nanay?! Mahiya ka!” Hindi na napigilan ni Sophia sinabi na niya ang sama na loob na kaniyang kinikimkim.

Nagising naman ang nanay nila dahil sa sigawang narinig at sinilip sila.

Ngunit dahil sa sinabi ni Sophia ay nagalit nang wasto ang kaniyang kuya at kinuha nito ang gamit nilang mag-ina. Walang awa silang pinalalayas nito.

“Tumigil ka na nga, Patrick!” pagsaway ng nanay ni Sophia sa kanilang panganay na kapatid.

“Palayasin n’yo ’yang mga palamuning ’yan dito! Kapag nakita ko pa ’yang mga ‘yan mamaya, tatamaan kayong lahat sa ’kin!” Ibinato ni Patrick ang mga gamit ni Sophia at lumakad na paalis.

Dahil sa nangyari ay nagpaalam muna si Sophia sa kaniyang nanay.

“Inay, sa kaibigan ko muna kami tutuloy ng anak ko. Iiwas na lang ako kay kuya para walang gulo,” pagpapaalam ni Sophia sa ina.

“E, sino naman ang mag-aalaga kay baby?” nag-aalalang tanong naman ng kaniyang nanay.

“Isasama ko muna po siya sa eskuwelahan.” Nginitian niya ang ina upang hindi na ito mag-alala pa.

Pagkatapos noon ay dumiretso sa eskwelahan si Sophia, dahil hindi siya maaaring mahuli sa kaniyang pagsususlit. Kapag naipasa niya iyon ay paniguradong ga-graduate na siya.

Nakakandong sa hita ni Sophia ang kaniyang anak habang siya ay nagsusulit. Hindi maikakailang nahihirapan siya sa kaniyang sitwasyon. Mabuti na lang at napansin iyon ng kaniyang mga kaklase at tinulungan siya ng mga ito sa pag-aalaga ng kaniyang anak. Maging ang kanilang propesor ay binigyan siya ng oras para matapos niya ang kaniyang pagsusulit.

Isang linggo ang nakalipas simula nang matapos ni Sophia ang kaniyang pagsusulit, nang bisitahin siya ng kaniyang nanay sa bahay ng kaibigan. Noong araw rin na iyon ay napag-alaman niyang pasado siya sa pagsusulit at makaka-graduate na siya!

“Thank you, ’nay. Kahit na naging sakit ako sa ulo, hindi niyo pa rin ako pinabayaan,” umiyak na pasasalamat ni Sophia sa kaniyang nanay.

“Bumalik ka na sa bahay, kinausap ko na ang kuya mo,” pagbibigay-alam naman sa kaniya ng ina.

Umuwi na si Sophia at ang kaniyang anak sa bahay nila. Humingi ng tawad si Sophia sa kaniyang kuya sapagkat alam din niyang may mali siya.

Makalipas ang limang taon ay naging maayos ang pamumuhay ni Sophia, dahil maganda ang nakuha niyang trabaho sa isang opisina. Nagsimula rin siyang magtayo ng negosyo. Unti-unting umuunlad ang buhay ni Sophia dahil sa pagsusumikap niya. Hindi rin nagtagal ay nakabili ito ng magandang bahay na malilipatan ng kaniyang buong pamilya. Doon na rin siya nag-umpisang mapatawad ng kaniyang mga kapatid sa naging kasalanan niya noon na pinagsisihan naman na niya.

Advertisement