Inday TrendingInday Trending
Problemado ang Dalawang Talent Manager Dahil Tumalikod na ang Lead Singer Nila sa Grupong Binuo Nila; Tuluyan na ba Itong Mabubuwag?

Problemado ang Dalawang Talent Manager Dahil Tumalikod na ang Lead Singer Nila sa Grupong Binuo Nila; Tuluyan na ba Itong Mabubuwag?

“Ano’ng gagawin natin nito? Hindi na matutuloy ang boy group ng mga rappers na sinisikap nating buuin. Pasaway naman itong si Ion eh!”

Problemadong-problemado ang magkaibigang talent managers na sina Ralph at Jack dahil ang lider ng all-male rapper group na binuo nila na Habagat, ay nagpaalam na sa kanila, at sinabing ayaw na nitong pasukin ang mundo ng showbiz.

Nasa loob sila ng coffee shop upang pag-usapan ang mga bagay na ito.

Ang totoo niyan, hindi pa man nila napapasok nang tuluyan ang mundo ng showbiz, tila hindi na ito nagbukas ng pinto para sa kanila. Dalawang taon na ang grupo ngunit hindi pa rin sila sikat. Wala ring TV guesting o album man lamang na mai-produce para sa kanila.

“Hayaan na natin siya kung ano ang makapagpapasaya sa kaniya. Ayos na rin, hindi naman siya ganoon kagaling, pasaway, at mayabang pa. Nakausap ko ang mga kasama niya. Masayang-masaya pa nga sila dahil ito mismo ang umalis sa grupo.”

“Eh sino naman kaya ang ipapalit natin bilang lead?”

“Marami tayong puwedeng ipalit sa kaniya. Magagaling naman silang lahat. Pero siguro, ang isipin natin, ay ang re-branding. Para naman sa gayon ay makaalagwa na tayo. Malaki ang potensyal ng mga batang iyan, kaya lang, siguro nagkukulang lang talaga tayo sa promotion. Iyon muna siguro ang pakatutukan natin,” wika ni Ralph.

“Magpasok kaya tayo ng mga bagong mukha—magpa-audition tayo. Kunin naman natin yung medyo kayang maabot sa middle class. Ang re-branding kasi natin ay masa, kaya lang, marami na rin silang kakumpetensya. Bakit hindi kaya tayo maglagay ng middle class o upper class para nang sa gayon, makaugnay ang ‘all walks of life?’”

“Sige, tama ka. Pero ang tanong, susuportahan ba tayo ng management, eh sinabihan na nga tayo na hindi raw tayo ‘marketable?’ Medyo mahihirapan tayong mangumbinsi sa kanila. Maganda niyan, siguro kailangan muna nating bigyan ng hit ang grupo, at kapag pumatok at kumita, madali na lang para sa atin na kumbinsihin ang management na magdagdag ng tao sa grupo.”

Tumango-tango naman si Jack sa sinabi ni Ralph. May punto ito.

Napadako ang kanilang mga mata sa batang gusgusin na pumasok sa loob ng coffee shop. Sinasaway ito ng guwardiya ngunit magalang itong nakiusap.

“Naku bata, bawal ka ritong mamalimos,” mahinahong sabi ng guwardiya.

“Pagbigyan n’yo na po ako, sir… kailangang-kailangan ko po ng pera eh, gutom na gutom na po ako.”

Ngunit may sasabihin pa sana ang guwardiya nang biglang mag-rap ang batang lalaki. Napatigil ang lahat at napasulyap sa bata nang mag-rap na ito. Maging ang mga barista ay napahinto at nakinig sa mahusay na pagra-rap ng bata na talaga namang napakabilis at kahanga-hanga.

Matapos ang kaniyang pagra-rap, nagpalakpakan ang lahat. Gamit ang plastic bag na hawak nito ay lumibot ito sa bawat mesa upang manghingi ng kahit na anumang halaga. May mga pumuri sa bata. Lahat ng iyon ay nasaksihan nina Ralph at Jack. Nagkatinginan silang dalawa.

“Puwede pa ba kaming humiling ng isa pang rap song mula sa iyo?” maya-maya ay sabi ng isang ginang.

Napatingin ang bata sa guwardiya na kanina lamang ay nananaway sa kaniya. Tumango ito at nag-thumbs up.

Umarya na ang batang lalaki sa pag-awit ng isang sikat na rap song. Nagtaasan at nagwagaywayan naman ng mga kamay ang mga kustomer na naroon. Napakagaling kasi ng bata, lalo na sa bilis ng pagsasalita nito.

Isang nakabibinging palakpakan at papuri naman ang pumailanlang matapos ang kaniyang ‘performance’.

Hindi na niya kinailangan pang umikot sa mga kustomer dahil sila na mismo ang nag-abot sa kaniya.

“Mukhang hindi na natin kailangan pang magpa-audition, Jack. May naisip ako,” bulong ni Ralph sa kaniya. “Puwede nating pasikatin ang batang ito. Makatutulong pa tayo sa kaniya.”

Tinawag nila ang bata. Umorder sila ng pagkain para dito at tinanong-tanong.

Batang lansangan pala si Omeng. Hindi niya kilala kung sino ang mga magulang niya. Kung ano-ano na lamang umano ang ginagawa niya upang kumita ng pera gaya ng pangangalakal, at ang panghuli nga, itong pagra-rap sa sa mga pampasaherong dyip o pampublikong lugar.

“Kung sasama ka sa amin at papayag ka na mapasama sa performance ng ‘Habagat’, papayag ka ba?”

Kumislap ang mga mata ng bata nang marinig ang pangalan ng all-male rapper group. “Opo! Opo! Idolo ko po sila. Papayag na papayag po.”

Dahil wala namang ibang kasamang nakatatanda ang bata, nagpasya si Ralph na ampunin si Omeng dahil wala naman siyang ibang kasama. Ipinakilala niya ito sa mga natirang miyembro ng Habagat…

Makalipas ang maraming mga taon…

Sikat na sikat na ang Habagat at nasa top 10 lagi sa music chart ang kanilang mga rap songs.

Itinuring nilang lucky charm si Omeng na napabilang na rin sa grupo. Minahal ng mga tao si Omeng dahil sa kuwento ng buhay nito. Maraming mga netizens ang nagpatotoo kung gaano kahusay ang bata sa pagkanta ng rap songs. Kaybilis na lumaki ni Omeng.

“Maraming-maraming salamat po Tatay Jack at Tatay Ralph sa pagkakataong ibinigay ninyo sa akin. Binago po ninyo ang buhay ko,” naiiyak na pasasalamat ni Omeng sa kaniyang mga ama-amahan.

Tuwang-tuwa naman sina Ralph at Jack sa tagumpay ng kanilang pangkat, gayundin ang pagliligtas nila sa isang batang punumpuno ng talento na kailangang marinig ng buong mundo.

Advertisement