Inday TrendingInday Trending
Kahina-hinala ang Kilos ng Dalagitang Umuupa sa Ginang; Tama Kaya ang Kutob Niya na May Pinagtataguan Ito at Nasasangkot sa Gawaing Ilegal?

Kahina-hinala ang Kilos ng Dalagitang Umuupa sa Ginang; Tama Kaya ang Kutob Niya na May Pinagtataguan Ito at Nasasangkot sa Gawaing Ilegal?

“’Nay, bakit naman ganyan yung bago nating tenant? Parang may kakaiba sa kaniya.”

Napatingin si Aling Elvie sa kaniyang anak na si Lucas. Napansin din pala nito ang mga kakatwang kilos ng bagong umuupa sa isa sa mga paupahan nilang kuwarto na si Julia.

Bukod sa hitsura nito na nakasumbrero at nakalugay ang buhok na tumatakip sa mukha nito, mailap din ang mga mata nito na hindi makatingin nang diretso sa mga mata ng iba.

Panay rin ang tingin nito sa paligid. Parang may pinagtataguan.

Naglagay rin ito ng mga makakapal na kurtina sa mga bintana ng inuupahang kuwarto nito.

Parang takot na takot lagi. Parang may iniiwasan.

“Kinakabahan nga rin ako eh. Hindi kaya may ginagawang ilegal? Pero wala naman tayo sa posisyon para manghusga kaagad ng kapwa, anak. Maayos naman ang pagbabayad niya eh. Mamanmanan ko na lamang at oobserbahan ang mga kilos niya,” saad ni Aling Elvie sa kaniyang anak.

Magmula nga noon ay palihim na binabantayan ni Aling Elvie ang mga ikinikilos ni Julia. Mahirap na kung magdala ng gulo sa kanilang lugar ang babaeng iyon.

Minsan ay tinangka niyang usisain ito habang naabutan niyang nagsasampay ng mga nilabhang damit.

“Ah Julia… Julia, ano? Matanong ko lang, ilang taon ka na pala? Kasi parang bata ka pa eh.”

Napatingin muna sa kaniya ang babae bago ito sumagot.

“18 lang ho ako.”

Napatango naman si Aling Elvie.

“Alam ba ng mga magulang mo na narito ka?”

Muli na namang napasulyap si Julia kay Aling Elvie. Nakita ni Aling Elvie ang pagpula ng mga mata ng dalagita.

“H-Huwag na ho natin silang pag-usapan, sige po Aling Elvie, pasensya na po kayo, kailangan ko na pong pumasok sa loob ng bahay. Sa susunod na lamang po tayo mag-usap,” at tila nagmamadali itong pumasok sa loob.

Ikinuwento ni Aling Elvie kay Lucas ang kaniyang natuklasan hinggil kay Julia.

“Siguro naglayas ang babaeng iyan, kasi tinanong ko siya tungkol sa mga magulang niya, kung alam ba nilang narito siya. Aba, umiwas ba naman ng tanong at pumasok sa loob ng bahay.”

“Baka nga ganoon, Ma? Baka naman tumatakas lang siya sa nobyo niya, o kaya naman may atraso siya sa ibang tao kaya nagtatago rito. Paalisin mo na kaya?”

“Naku anak, bakit ko naman palalayasin eh nagbabayad naman nang tama. Hayaan na lang natin dumito. Kapag nagdala siya ng gulo rito at hindi ko nagustuhan, saka ko siya palalayasin. Sino ba naman ang may gusto ng away at gulo, ‘di ba? S’yempre wala naman.”

Isang gabi, nakarinig ng dabugan at kaluskusan sina Aling Elvie at Lucas sa tinutuluyang unit ni Julia, kaya agad silang sumilip dito. Nanlaki ang mga mata nila nang makita ang isang lalaking mukhang maton at naka-jacket na may hawak na patalim, at tinatangkang pasukin ang unit ni Julia.

“Hoy! Sino ka?!” galit na sabi ni Lucas.

Nataranta naman ang lalaking may patalim at agad na kumaripas nang takbo. Hinabol naman ito ni Lucas. Mabuti na lamang at nang mga sandaling iyon ay may mga nagrorondang barangay tanod kaya nasukol kaagad ang lalaking naka-jacket.

“Julia! Julia! Buksan mo ang pinto. Ayos ka lang ba? Diyos ko, buksan mo ang pinto at papasukin ako…”

Pagkabukas na pagkabukas ng pinto ay agad na yumakap kay Aling Elvie ang umiiyak sa takot na si Julia. Kumuha siya ng isang basong tubig at ipinainom dito. Pinakalma niya ang dalagita.

“Sino ba ‘yun? Ano ang pakay niya sa iyo? Bakit gusto ka niyang saktan?”

At hindi na nga nakatiis si Julia kundi ang magkuwento.

“A-Ako po kasi ang nag-iisang saksi kung paano niya sinaks*k ang mga magulang ko, at hinahabol po niya ako para gawin din iyon sa akin. Siya po ay tiyuhin ko. Magkapatid po sila sa labas ng Tatay ko, at nag-aaway po sila sa manang iniwan sa kanila ng Lolo Betuel ko. Gusto niya rin akong mawala para masolo niya ang ilang mga ari-arian namin. Kaya nagpakalayo-layo po ako at nagtago.”

At batay na rin sa testimonya nina Lucas at Aling Elvie, gayundin ang mga barangay tanod na humuli sa kanila, tuluyan ngang nakulong ang tiyuhin ni Julia na nagtatangka sa kaniyang buhay.

Hindi naman pala masamang tao o nasasangkot sa ilegal na gawain si Julia. Hinayaan ni Aling Elvie na mangupahan sa kaniyang poder si Julia upang mas mabantayan pa ito, at siya na rin ang tumayong ina nito.

Advertisement