Nawalan na ng Atensyon ang Ina sa Panganay na Anak dahil sa May Sakit na Bunso; Dahil sa Ginawa ng Panganay ay Mapagtatanto Niya ang Pagkukulang

Nawalan na ng Atensyon ang Ina sa Panganay na Anak dahil sa May Sakit na Bunso; Dahil sa Ginawa ng Panganay ay Mapagtatanto Niya ang Pagkukulang

FamilyInspiringStories

“Mama, p’wede niyo po ba akong basahan ng libro para makatulog ako?” sambit ng pitong taong si Trixie sa kaniyang mommy na si Patricia. 

“Doon ka na muna sa yaya mo magpabasa ng libro. Magpatimpla ka na rin ng gatas para makatulog ka,” tugon ng ina na abala sa kaniyang ginagawa.

“Pero, mommy. Ikaw po ang gusto ko na magbasa ng libro. Tulad po ng dati nating ginagawa. Namimiss ko na po kasi na binabasahan niyo ako, e,” muling pakiusap ng bata.

“Hindi na muna ngayon, Trixie. Sige na at tawagin mo na ang yaya mo,” sambit muli ng ina. 

“Ayaw ko po, mommy. Ikaw po ang gusto ko na magbasa. Sige na po, pakiusap!” pangungulit ni Trixie. 

“Ang kulit mo namang bata ka, e! Hindi ba sinabi ko na sa’yo na hindi muna ngayon. Pag sinabi kong hindi muna ngayon ay hindi muna ngayon! Pumasok ka sa silid mo at matulog ka na! Napakaarte mo, nakita mong abala ako dito sa pagkukwenta ng gastos para sa kapatid mo!” saad pa ng ginang.

Humagulgol ng iyak ang bata at tumakbo patungo ng kaniyang silid. 

“Pagpasensiyahan mo na ang mommy mo, Trixie. Pagod lang ‘yun at maraming iniisip. Halika at ako na ang magbabasa sa iyo ng libro para makatulog ka,” sambit ng yaya sa alaga. 

“Ayoko, yaya. Gusto ko ang mommy ko!” tugon naman ng umiiyak pa ring si Trixie. 

Nang malaman ni Dindo, daddy ni Trixie, ang lahat ng nangyari ay agad nitong kinausap ang kaniyanga asawa. 

“Bakit mo naman sinigawan si Trixie, mahal? Nagpapabasa lang pala sa iyo ng libro,” tanong ng ginoo. 

“Nakita na nga niyang abala ako sa ginagawa ko, heto pa rin siya at nangungulit. Napapagod na ako, Dindo. Nakukulta na ang utak ko!” sambit ng maybahay. 

“Magpahinga ka na muna, Patricia. Buka na ‘yan. Alam kong naguguluhan ka at natatakot ka sa lahat ng nangyayaring ito, ako din. Pero kailangan din nating pagtuunan ng pansin si Trixie. Anak din natin siya, Patricia,” paalala ni Dindo sa kaniyang asawa. 

Dumaraan kasi sa isang matinding pagbusok ang pamilya nang ang bunsong anak nilang si Isaac ay nakitaan ng tumor sa ulo. Kinakailangan nito ng matinding gamutan at dahil bata pa ay maselan ang kaniyang kalagayan. Ni walang kasiguraduhan na kung pagkatapos ng operasyon at ng mga kinakailangan pang gawin ay mabubuhay pa ang bata. 

Kaya ganito na lamang ang pag-aalala ni Patricia para sa kaniyang anak. Nauubos na rin kasi ang lahat ng kanilang naipon at bilang isang ina ay hindi niya lubos maisip ang lahat ng pangyayaring ito. 

Simula ng magkasakit ang bunsong anak ay hindi na nabigyang pansin pa si Trixie. Nauunawaan naman ito ng bata kaya lamang ay may mga panahon na naghahanap ito ng atensyon. 

“Daddy, sa tingin niyo po ba ay mahal pa ako ni mommy?” tanong ni Trixie sa ama. 

“Hinding-hindi mawawala ang pagmamahal sa’yo ng mommy mo. Kaso, kailangan natin siyang intindihin ngayon. Alam kong hindi mo pa naiintindihan at bata ka pa para umunawa. Ngunit sa kalagayan ng kapatid mo ay hindi na rin makapag-isip si mommy mo ng maayos,” paliwanag ng ama. 

“Bakit po kayo, daddy, ay kayang maging kalmado sa panahon na ito?” tanong ng bata. 

“Kailangan kasi akong maging matatag para sa pamilyang ito, anak. Isa pa kailangan ko ding patakbuhin ang negosyo natin at asikasuhin kayo. Malaki ang tiwala ko sa Diyos na mapagtatagumpayan natin itong lahat,” pahayag pa ni Dindo. 

Dahil sa sinabi ng ama ay pilit na iniintindi ni Trixie ang kaniyang Mommy Patricia. Ngunit sa sobrang pag-aalala nito kay Isaac ay tila naibubuntong niya ang galit sa kaniyang panganay na anak. 

“Mommy, pinaghanda ko po kayo ng pagkain. Kain na muna po tayo,” saad ng bata. 

“Kailangan ko ng umalis at kailangan na ako ng kapatid mo sa ospital,” sambit naman ni Patricia. 

“Sige na po, mommy, madalas ka na pong nalilipasan ng gutom. Kahit tikman niyo lang po itong tinapay na inihanda ko para sa inyo,” muling wika ni Trixie. 

“Trixie, h’wag ka nang makulit. Kung gusto mong kumain ay kumain ka. Pero kailangan ko ng umalis dahil kailangan na ako ng kapatid mo! Maswerte ka at maayos ka. Kaya sana ay hindi ka na maging dagdag ng sakit ng ulo ko, maaari ba ‘yon?” sambit muli ng ina sabay alis ng bahay. 

Lubusan itong ikinalungkot ng bata. 

“Hayaan mo na muna ang mommy mo, Trixie. Malapit na kasi ang operasyon ng kapatid mo. Hindi madali sa mama mo ang lahat ng ito,” paliwanag ng yaya. 

Kinagabihan, pagkauwi ni Patricia ay nakita na lamang niya si Trixie sa kaniyang silid at halos makalbo na ito. 

“Ano ang ginawa mong bata ka? Bakit mo ginupit ang buhok mo? Hindi ka pa ba tapos sa pagpapapansin mo, Trixie? Bakit mo ginagawa ang lahat ng ito. Nakiusap ako sa’yo pero hindi ka nakikinig!” sigaw ni Patricia habang pinapalo ang anak.

How to cut your own hair at home during lockdown: Experts share their top  tips | HELLO!

“Tama na po, mommy. Sorry po! Sorry po talaga, mommy. H’wag niyo na po akong paluin, please,” pagtangis ng bata. 

Sakto ang pagdating ni Dindo ay narinig niya kaagad ang nangyayari sa silid ng anak. Agad siyang tumakbo para tignan ang nangyayari. Nang makita niyang pinapagpapapalo ni Patricia ang anak ay dali-dali niyang binuhat si Trixie palayo sa ina. 

“Ano ba ang ginagawa mo, Patricia? Bakit mo pinapalo ang anak mo?” mariing tanong ni Dindo. 

“Tingnan mo nga ang ginawa ng anak mo para makapag papansin lang. Ginupit niya ang buhok niya. Ang tigas-tigas na ng ulo ng batang iyan!” tugon ng ginang. 

“Trixie, anak, bakit mo ba ginupit ang buhok mo?” malumanay na tanong ng ama sa bata. 

“Kasi narinig ko po na ooperahan na si Isaac. Narinig ko po kayo kasi dati ni mommy na kakalbuhin po siya at dito po sa ulo siya ooperahan. Gusto ko po kasing ibigay sa kaniya ang mga buhok ko. Gusto ko po makita niyang parehas kaming walang buhok para hindi po siya mahiya dahil may kakampi siya,” pagtangis ni Trixie sa mga magulang. 

Lubhang naantig si Patricia sa itinugon ng anak. Hindi niya akalain na ganito pala ang nais nitong mangyari. Sa puntong iyon ay lubusang napagtanto ng ginang ang kaniyang pagkukulang sa kaniyang panganay na anak. Napaluhod ito sa harap ng Trixie habang tumutulo ang kaniyang mga luha. 

“Patawarin mo ako, anak. Patawarin mo ako kung hindi na kita iniintindi. Hindi ko na kasi alam kung ano ang gagawin ko sa bunsong kapatid mo. Patawarin mo ako dahil nakalimutan kong may isa pa pala akong anak. Hindi ako magsasawang humingi ng kapatawaran. Pangako ko sa’yo, Trixie, hinding-hindi na ito muling mangyayari,” sambit ni Patricia sa kaniyang anak sabay yakap dito. 

Napayakap na din ang amang si Dindo. 

Nang dumating ang araw ng operasyon ng kanilang bunso ay sama-sama ang mag-anak na nananalangin at naghintay ng resulta. Laking tuwa nila nang naging matagumpay ang operasyon. 

Makalipas ang ilang linggo ay unti-unti na ring bumuti ang kalagayan ni Isaac. 

Kahit na mas kailangan ng bunsong anak ang kalinga at atensyon ay hindi pa rin nakakalimutan ni Patricia na alagaan at pagtuunan din ang panganay nilang si Trixie. Mabuti na lamang ay lumaki ang bata ng mabait at maunawain.

More Stories