Mahilig Mangolekta ng mga Babasaging Pinggan ang Babae; Ano Nga Ba ang Kuwento sa Likod Nito?

Kinagigiliwan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kakilala si Yoly. Umabot na kasi sa halos 1200 piraso ang mga babasaging pinggan na kaniyang koleksyon sa bahay. Magmula sa pinakamurang mabibili sa Divisoria hanggang sa branded ay talaga namang pinapatos at binibili niya.

Mula sa pinakamaliliit na platito hanggang sa pinakamalalaking pinggan, maingat na isinasalansan ni Yoly sa ipinagawa niyang estante. Iba’t iba ang kulay, hugis, at laki. Gusto niyang nakikita ang lahat ng mga koleksyon, na sinimulan niyang gawin noong magkaroon siya ng trabaho at kumita ng pera.

full frame shot of colorful plates on table - collection of plates stock pictures, royalty-free photos & images

At dahil sa koleksyong ito ni Yoly, naging kandidata siya sa prestihiyosong “Amazing People of the World” bilang taong may pinakamaraming koleksyon ng pinggan sa Pilipinas. Sa buong mundo, ito ay hawak ng isang babaeng taga-Maldives. May 1300 piraso umano ng pinggan at tablewares ang kinokolekta nito. Target ni Yoly na makuha ang record.

Dahil dito, nagtungo ang ilang mga reporter at media men sa kaniyang tahanan upang itampok ang kaniyang mga koleksyon. Kahanga-hanga ang mga dibuho o disenyo nito. Kuwento ni Yoly, hindi pa niya nagagamit maski isa sa mga ito. May bukod silang ginagamit na mga pinggan sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Kinapanayam siya ng mga reporter at inalam ang kuwento sa likod ng pangongolekta niya ng mga pinggan.

“Maaari mo bang ikuwento sa amin ang naging dahilan kung bakit mo piniling mangolekta ng mga pinggan?” tanong isang reporter.

“Paborito ko talaga ang mga pinggan at platito,” simpleng sagot ni Yoly.

“Hindi ka ba nanghihinayang sa presyo ng mga mamahaling pinggan? Pagkamahal-mahal ng mga iyan pero hindi mo naman ginagamit,” dagdag naman ng isa.

Advertisement

“Hindi naman. Mas manghihinayang ako kapag nabasag ang mga iyan. Marami sa mga koleksyon ko ay binili ko pa sa iba’t ibang bansa.

“Nakaugat ba sa pagkabata mo ang dahilan kung bakit ka nangolekta ng mga mamahaling pinggan?

Ngumit naman si Yoly.

“Lumaki ako sa hirap. Ang nanay at tatay ko ay kapwa magsasaka. Ako lamang ang nag-iisa nilang anak. Masaya kaming namumuhay sa isang kubol malapit sa bukirin kung saan sila nagsasaka. Wala akong reklamo sa mga bagay na pag-aari ko.”

“Hanggang sa may mangyaring sigalot. Dinaya ng haciendero ang tatay at mga kasama niya sa hatian sa kita ng ani. Nagkaroon ng gulo at nakaranas ng kawalang-katarungan ang kaawa-awa kong tatay. Doon na nagtuloy-tuloy ang paghihirap naming mag-ina. Kung saan-saan naghanap ng trabaho ang nanay ko. Umalis kami sa bukirin. Napadpad kami sa Maynila, gamit ang kaunting ipon, upang magbaka-sakali.” kuwento ni Yoly.

“Pagkatapos, nangupahan kami sa napakaliit na tindahang nagsara na. Mas malaki pa ang isang palikuran. Wala kaming masyadong mga gamit kundi ang mga damit namin. Dahil sanay kaming kumain sa mga dahon ng saging at wala kaming pinggan, naghahati na lamang kami ni nanay sa plastik o kaya styrofoam.”

“Nang magkapera na ang nanay mula sa kaniyang trabaho, alam ba ninyo kung ano ang binili niya? Isang pirasong pinggang plastik. Isa lang dahil nagtitipid nga siya. Sa iisang pinggang iyon na kami nagsasalong kumain. Dahil wala kaming kubyertos, nagkakamay na lamang kami. Sanay naman kasi kami.”

Tahimik lamang na nakikinig ang mga reporter sa nakalulungkot na salaysay ni Yoly, na inakala nilang lumaking may gintong kutsara sa kaniyang bibig.

Advertisement

“Nagkasakit ang nanay nang malubha, at dahil wala kaming perang pambayad sa ospital at pambili ng gamot, sumakabilang-buhay siya. Ako naman, namausikan bilang kasambahay. Mapalad ako dahil naging mabait naman sa akin ang mga naging amo ko, at pinayagan akong makapag-aral sa gabi. Hanggang sa nagtiyaga ako’t makatapos ng pag-aaral. Alam ninyo ba kung ano ang una kong biniling gamit nang magkapera na ako sa trabaho? Pinggan. Doon na nagsimula ang interes ko sa pangongolekta ng mga pinggan.”

“May sentimental value pala sa ‘yo ang mga pinggan,” saad naman ng isa.

“Oo. Sa tuwing nakikita ko ang mga pinggang binibili ko, muling nanunumbalik sa alaala ko yung sitwasyon namin ng nanay ko noon. Imagine, saan ka ba nakakita ng mag-inang magkasalong kumakain sa iisang pinggan? Napakahirap na kalagayan hindi ba? Kaya naman nagsikap talaga ako sa buhay. Hanggang sa nakahiligan ko na talaga ang pangongolekta ng mga pinggan, kasi naaalala ko ang nanay ko. Pakiramdam ko, kahit na hindi na naabutan ng nanay ko ang tagumpay ko sa buhay, tuwang-tuwa siyang nakamasid sa akin saan man ako naroroon,” panghuling sabi ni Yoly.

Pagkaalis ng mga reporter, muling sinulyapan ni Yoly nang may ngiti sa labi ang kaniyang mga koleksyong pinggan. Pagkatapos, nagtungo siya sa bintana at tumingin sa langit.

woman waiting and looking through window - xlarge - asian woman looking at the left side stock pictures, royalty-free photos & images

Hindi lang ito basta hilig kundi alaala— alaala ng kaniyang pamilya na hinding-hindi mawawala sa kaniyang puso at diwa!