Babaeng Laging Handa sa Sakuna, Sa Huli’y Siya pa Pala ang Gagawa ng Kanilang Ikapapahamak

“Wag ‘yan ang buksan mo at ipapalit ko ‘yan sa emergency bag natin. ‘Yung luma ang lutuin mo,” wika ni Marian sa kaniyang mister na naghahanap ng pagkaing mailuluto para sa tanghalian nila.

“Hindi ka pa ba nagsasawa sa emergency emergency na ‘yan? Ilang taon mo nang pinaghahandaan ‘yan, e, hindi naman natin nagagamit. Nag-aaksaya ka lang ng pera,” baling ni Lito, asawa ng babae.

“Kung gutom ka, kumain ka, huwag ‘yung pinag-iiniitan mo ‘yung mga ginagawa ko sa bahay. Darating ang araw na pasasalamatan mo ko sa mga ‘yan!” baling din ng ale rito.

“Ilang taon mo nang ginagawa ‘yan hindi naman nagagamit. Kung ipamigay mo na lang ‘yung mga delata at iba pang mga tinatago mong kung ano-ano riyan ay makakatulong ka pa! Itago mo lang ay pera at mga papeles, huwag kang nag-iipon ng ganitong mga pagkain,” baling pa rin ng kaniyang mister.

“Lumayas ka nga riyan at ako na ang magluluto bago pa tuluyang uminit ang ulo ko sa’yo! Huwag na huwag mong gagalawin ‘yang mga ipon kong pagkain dahil bilang ko ‘yan!” pakikipagtalo pang muli ni Marian dito.

“Nag-aaksaya ka lang ng pera, Marian, sinasabi ko sa’yo,” huli pang banta ng kaniyang asawa bago ito umalis.

Simula noong naging mag-asawa ang dalawa ay naging ugali na ng babae ang magtago ng mga pagkain para nga raw sa emergency ngunit napapansin ng lalaki na nahuhumaling masyado ang kaniyang misis sa pag-iipon ng kung ano-ano at mas nagiging madamot at mayabang pa ito. Sa tuwing may bisita sila sa bahay ay kaagad nitong pinagyayabang ang mga naipon niyang gamit at pagkain at kapag naman may babawas sa mga ito ay kailangan pang magpaalam sa kaniya.

“Kailangan ko munang magpunta sa bangko, Nena, ikaw na bahala sa bunso ko. May mga pagkain naman diyan at baka matagalan ako. Basta ang pwede niyo lang buksan ay iyong nasa tukador,” bilin ni Marian sa kapitbahay nilang pinakisuyuan niyang magbantay sa anak niyang anim na taong gulang.

Advertisement

Hinapon na ang ale sa labas at kaagad siyang tumawag sa bahay nila para kamustahin ang anak niya.

“Ate Marian! Matagal ka pa ba?” kinakabahang tanong ni Nena sa ale.

“O, bakit ganyan ang boses mo? Anong nangyari?” sagot ng ale rito.

“Si Jun po kasi nung pinakain ko nung pancake biglang sumakit ang tiyan at hanggang ngayon nagtatae,” ani Nena.

“Naku naman! Teka nga at pauwi na ako,” dali-daling wika nito at umuwi kaagad ang ale.

“Pancake lang ‘te tsaka ‘yung mga biscuit at iniwan mong pagkain sa mesa ang pinakain ko sa kaniya. Pero maya-maya nagtat@e na siya tapos sobrang sakit daw ng tiyan niya,” paliwanag kaagad ni Nena nang makauwi si Marian sa bahay.

Kinakabahan na nagtataka ang ale at dali-dali itong pumunta sa mga pagkain na inihanda niya.

Alam niyang hindi naman naisipan ito kaya tiningnan niya ang balot ng pancake at doon na siya nagulat sa nakita.

Advertisement

“T@ng!*a! Expired na ‘yung pancake! Bakit hindi mo man lang tiningnan!” sigaw niya sa kapitbahay nila.

“Aba, teka lang, sabi niyo sa akin ay riyan lang ako kukuha at alam ko naman na alam na alam niyo ang mga gamit niyo kaya bakit ako ang sinisisi niyo?” baling bigla ni Nena sa kaniya.

Hindi na pinansin ni Marian ang babae at dali-dali ring tiningnan ang mga biskwit sa lagayan at nakitang expired na rin pala ang mga ito at hindi niya napansin. 

Dinala niya kaagad sa ospital ang bata at mabuti na lamang ay naagapan naman kaagad ang sakit nito.

Pag-uwi nila ay lumong-lumo siya sa kaniyang sarili at binalikan niya ang mga pagkaing tinago-tago niya at mas nanlambot siyang marami na palang sira sa mga ito at hindi niya namalayan.

“Sabi ko naman sa’yo, sobra na ‘yang kakaimbak mo. Hindi na ‘yan pang emergency kung ‘di kadamutan na ‘yan at kayabangan. Mabuti na lang at hindi natuluyan ang anak mo nang dahil sa mga expired na pagkain na ‘yan. Tapos na ang nangyari, itapon mo na ‘yang mga ‘yan at huwag ka nang sumalampak diyan sa sahig,” wika ng kaniyang asawa at lihim na lamang siyang napaiyak sa mga pagkaing itinapon niya.

Bukod sa muntik nang mapahamak ang kaniyang anak ay sangkaterbang pera ang itatapon niya ngayon nang dahil sa kaniyang sariling kasakiman. Kaya simula noon ay mga importanteng gamit na lang ang itinatabi niya at kapag may amba ng sakuna ay saka lamang siya maghahanda ng kanilang emergency kit.