Inday TrendingInday Trending
Ipinahiya ng Anak ang Mag-Asawang Nagtitinda ng Kopra sa Harap ng Maraming Tao, Di Alam ng Dalawa na May Mas Matindi Palang Pasabog ang Binata

Ipinahiya ng Anak ang Mag-Asawang Nagtitinda ng Kopra sa Harap ng Maraming Tao, Di Alam ng Dalawa na May Mas Matindi Palang Pasabog ang Binata

Parehong walang pinag-aralan ang mag asawang Lito at Panya, sobra ang hirap nila sa buhay. Literal na ‘iginagapang’ nila ang mga anak para makaahon, kadalasan kasi ay halos tumumba na silang mag asawa sa lupa dahil sa sobrang pagod sa trabaho.

Mayroon silang tatlong anak, panganay si Jepoy, na gumraduate na sa kolehiyo sa Maynila dalawang taon na ang nakakaraan- ang huling balita nila ay may trabaho na ang anak pero di na ito nagparamdam pa sa kanila, sunod si Jennifer na high school at si Joy na high school rin.

Naglalabada si Panya pero kapag mahina ang kita ay tumutulong siya sa mister na nagbebenta ng kopra sa halagang kinse hanggang bente pesos kada kilo. Buti nga kahit papaano ay marunong mag ipon ang dalawa nilang anak, tinitipid siguro ang baon upang mapagkasya sa isang linggo.Palaging may pera ang magkapatid kaya pagkain na lamang nila at bayarin sa eskwela ang problema ng dalawa.

“Huy, lalamig ang kape mo,” bati ni Panya sa mister dahil nakatulala nanaman ito sa bintana ng pawid nilang bahay. Kung mamasdan ang lalaki ay may edad na ito at hapung hapo na ang katawan, bugbog sa maghapong pagtatrabaho.

Namumula ang mga mata nito na halatang galing sa pag iyak, “Hindi naman tayo hihingi sa kanya eh, ang gusto ko lang masigurong maayos ang lagay nya Panya,” anito na ang tinutukoy ay ang panganay nilang si Jepoy.

Napabuntong hininga si Panya, nagkaligaw-ligaw pa sila sa Maynila isang taon na ang nakakalipas para lang hanapin ang anak. May nakapagsabi sa kanilang nagtatrabaho raw ito sa Makati kaya nilakasan nila ang loob na pumunta roon, grabe ang dami ng tao. Nakakalula ang mga building, nakita nila si Jepoy sa isang sosyal na kapehan at napakaganda ng suot nito. Nagkatinginan silang mag asawa noon, nahihiyang lumapit.

Kapansin-pansin rin ang bago nitong cellphone, ibig sabihin ay may paraan naman pala para tawagan sila pero baka nakalimot nalang talaga ang kanilang anak. Sino nga ba naman sila para ipagmalaki nito? Baka makasira pa sila sa imahe nito sa mga ka-opisina, mga magulang na magko-kopra na naligaw sa Maynila. Katawa-tawa diba?

Kaya napagpasyahan na lamang nilang umuwi na malungkot, silang mag-asawa lamang ang nakakaalam noon. Magsasalita sana si Panya nang humahangos na lumapit ang anak nilang si Jennifer.

“Nay! Sabi ni Kuya pumunta raw ho tayo sa Maynila, ito ang address!” sabi nito at iniabot sa kanila ang isang maliit na papel.

“H-ha? Ang kuya mo? Kailan mo nakausap?!” gulat na sabi ni Panya.

“Basta ho, doon nalang magpapaliwanag raw. May ano raw sya, party,” sabi ng dalagita.

Nagulat man ay napangiti ang mag asawa, pagkakataon na nila ito upang makasama ang panganay. Talaga namang nanghiram pa sila ng damit sa may kayang kapitbahay para lang maging presentable.

“Japorms ang magulang ko ah,” tatawa tawang sabi ni Jennifer habang lulan sila ng bus pa-Maynila.

Pagkababa nila ay sumakay sila ng taxi, sa tanang buhay ng mag asawa ay ngayon lang sila nakasakay sa kotse. Manghang-mangha sila, itatanong sana kung saan nanggaling ang pamasahe ng mga anak pero mas na-excite sila dahil ilang sandali lang ay bumaba sila sa isang napakalaking bahay.

“Aba, ito na ba ang bahay ng kuya mo? Kay gara ano?” sabi ni Lito, proud na proud.

“Ano ho, may event raw. Baka nirentahan lang, andyan mga ka-opisina nya,” sagot ni Joy.

Ang higpit ng hawak ni Panya sa braso ni Lito, nanliliit silang mag asawa sa sobrang laki ng bahay. May dekorasyon ang bakuran at agad nilang hinanap ang anak, nagulat na lamang sila nang magsalita ito sa unahan.

Tumingin rito ang lahat dahil naka-mikropono pa ito. Di namalayan ni Panya at Lito na sa kanila pala nakatutok ang spotlight.

“Aba nandito na pala kayo, ladies and gentlemen, ang mga pinakamahirap na magulang sa mundo!” sabi ni Jepoy.

Namutla ang mag asawa sa pagkapahiya, napuno ng bulungan ang paligid.

Nagtuloy sa pagsasalita ang lalaki, “Look at me everyone, aakalain nyo bang ganyan lang ang magulang ko? Tignan nyo nga ang suot, sampung taon na yatang hindi nakakabili ng bagong damit. Bulok ang sapatos, magaspang ang mga kamay at sunog at balat. Tignan nyo ako, manipis ang balat at walang bahid ng hirap. Ang layo diba?

Yang tatay ko, nagbebenta ng kopra yan. Nanay ko naman, naglalabada minsan. Kaya nga hindi ko na pinansin ang mga yan pagka-graduate ko eh,” sabi nito.

Napahikbi na ng iyak si Panya habang si Lito naman ay pinipigil ang maluha, nakatingin sa kanila ngayon lahat ng tao. Hinatak ni Lito ang misis at niyaya ang dalawang dalagitang anak na umalis na.

“Tena, mapapahiya lang tayo rito. Di ko na kilala ang kuya nyo,” bulong ng ama.

Palabas na sila sa gate nang magtuloy sa pagsasalita si Jepoy.Kataka-takang inulit lang nito ang sinabi kanina kaya napatigil ang mag-asawa.

“Look at me everyone, aakalain nyo bang ganyan lang ang magulang ko? Tignan nyo nga ang suot, sampung taon na yatang hindi nakakabili ng bagong damit,”

Lumingon si Lito sa anak at tila nagtatanong ang mga mata kung ano ba ang nais nitong mangyari at paulit ulit pa sa pangmamaliit sa kanila.

Nagtuloy sa pagsasalita ang binata, “Hindi na sila nakakabili ng bagong damit dahil tinitipid nila ang sarili para kaming magkakapatid ang mabilhan. Bulok ang sapatos, pinagtyatyagaan iyon para mabigyan ako ng matinong black shoes pampasok sa eskwela.

Magaspang ang kamay at sunog ang balat. Tignan nyo ako, manipis ang balat at walang bahid ng hirap. Ang layo diba? Dahil sinosolo nila ang pagdurusa, para komportable kaming magkakatapid. Sila ang nagsasakripisyo, para sa amin.

Yang tatay ko, nagbebenta ng kopra yan. Nanay ko naman, naglalabada minsan.Kaya nga di ko na pinansin ang mga yan pagka-graduate ko eh, dahil abala akong mag ipon para sa kanila. Kinukumusta ko nalang sila sa pamamagitan ng mga kapatid ko, nagpapadala rin ako ng pambaon para di na sila mahirapan.

Kaya Nay, Tay, sa inyo ho ang gabing ito. Ladies and gentlemen, ang mga pinakamahirap na magulang sa mundo, ay hindi na mahirap ngayon. Welcome po sa bagong bahay ninyo, inyong inyo ito,” lumuluhang sabi ng binata.

Hindi makapaniwala ang mag asawa at halos matumba pa si Panya. Humagikgik naman ang dalawang dalagita sa likod nila na kasabwat pala ng panganay nilang anak.

Patakbo silang niyakap ng binata, “Makakalimutan ko ba naman kayo, mahal na mahal ko kayo..” bulong nito.

Wala namang ibang hangad ang mag asawa kundi mapabuti ang anak nila, ni salapi ay hindi sila naghihintay ng kapalit mula rito. Pinag aral lang talaga nila dahil nais nilang gumanda ang buhay nito. Pero sabi nga nila, kung ano ang itinanim ay siya ring aanihin kaya ibinalik lamang ng anak ang kabutihan ng kanyang mga magulang.

Advertisement