Inday TrendingInday Trending
Walang Ibang Ginawa ang Lalaki Kundi Sirain ang Babae sa Mga Manliligaw Niya, Iba naman Pala ang Pakay Nito

Walang Ibang Ginawa ang Lalaki Kundi Sirain ang Babae sa Mga Manliligaw Niya, Iba naman Pala ang Pakay Nito

Isang mainit na araw noon habang naglalaro ang batang si Rain, sa playground, ilang hakbang lamang mula sa kanilang bahay, ay pumukaw ng atensyon niya ng isang batang babae.

Matagal nang naglalaro si Rain doon, ngunit ito ang unang pagkakataon na makita niya ang bata.

Napatigil na lamang siya sa paglalaro dahil lahat ng atensyon niya ay nakasentro na ngayon sa batang babae na may kulay rosas na sapatos at stripes na damit.

Napakagat siya ng labi at napakamot ng ulo. Gusto niyang lapitan ang batang babae, ngunit nahihiya siya. Isinira niya kanyang kamay at lakas loob ng tumakbo papunta doon.

“Hi, anong pangalan mo?” tanong ng nakangiting si Rain.

Napatingin naman sa kanya ang batang babae.

“Di naman kita kilala, bakit ko sasabihin?” sagot ng bata.

“Rain, ang pangalan ko,ikaw?”

“Ako si Summer,” sabay ngiti ng malaki.

Napansin ni Rain, na walang ngipin sa harapan ang batang si Summer, kaya natawa siya nung ngumiti ito. At nang dahil sa ngiting iyon, nasabi na lamang ni Rain sa sarili niya na, “siya ang babaeng papakasalan ko balang-araw.”

Nalaman ni Rain na ang pamilya pala ni Summer ang bago nilang kapitbahay na kakalipat lamang noong isang araw.

Palagi niyang pinupuntahan ang batang babae sa kanilang bahay upang makalaro. Ginawa niya ito araw-araw. At dahil doon, naging matalik silang magkaibgan.

Lumipas ang ilang taon, naging ganap na dalaga’t binata na ang dalawa. Napangalagaan naman nila ang pagkakaibigan at mas lalo pang tumindi ang kanilang samahan.

Ang cute na batang si Rain, ay lumaking sobrang gwapo at matipuno. Naging habulin siya ng mga kababaihan sa paaralan, ngunit kahit isa sa mga iyon ay wala siyang nagustuhan. Isang babae lang kasi ang gusto niya, at iyon ay si Summer.

Sino naman ang mag aakala na si Summer, ang batang bungi noon ay magtataglay ng kakaibang kagandahan nang lumaki. At tulad ni Rain, madami ang humanga sa lakas ng kanyang dating.

Madami ang nagtangkang manligaw kay Summer, ngunit wala sa kahit isa sa kanila ang nagtagal, at nagtuloy ng panliligaw, na hindi naman maintindihan ng dalaga ang dahilan.

Ang hindi alam ng dalaga, ay hinaharang pala ni Rain at pinipigilan lahat ng ito upang hindi ituloy ang panliligaw.

“ Bro, ikaw yung manliligaw ni Summer, di ba?” pagtawag ni Rain sa morenong lalaki, na nakatayo sa may tapat ng waiting shed malapit sa paaralan.

“Ah oo, bakit may problema ba bro?” sagot nito sa kanya.

“Wala naman. Gusto ko lang sabihin sa’yo na malakas ang putok ni Summer. Yan yung dahilan kaya wala pa rin siyang boyfriend hanggang ngayon,” mahinang bulong niya sa morenong lalaki.

“Totoo ba iyan, bro?” tanong muli ng lalaki na halatang gulat na gulat naman.

“Oo, bro. Kaya kung ako sa’yo, wag ka nang tumuloy sa panliligaw,” dagdag pa ni Rain.

“S-sige bro. Salamat ah,” tugon ng lalaki na bakas sa mukha ang pagkadismaya.

Napangisi na lamang si Rain, pagkatapos noon. Palagi niya itong ginagawa sa tuwing nalalaman na may manliligaw ang dalaga. Alam niyang mali ito, pero nais lamang niya maprotektahan ang nagugustuhang binibini.

Pumunta naman si Summer sa bahay ng matalik na kaibigan upang ibalita na nawalan na naman siya ng manliligaw. Kita sa kanyang mukha ang paglungkot dahil walang manliligaw ang nagtatagal sa kanya.

“ Ang hindi ko lang kasi maintindihan eh, maganda naman ako, tapos sexy naman ako, pero bakit lagi na lang nauudlot pag may nanliligaw sa’kin?” Nakasimangot nitong sabi sa kaibigan.

Napangiti lamang si Rain nang marinig ito. Tagumpay na naman ang plano niya. “Eh baka hindi mo lang talaga sila deserve. Hayaan mo na, malay mo may taong totoong nagmamahal talaga sa’yo.”

“ Sino naman? Ikaw?” tanong muli ng dalaga.

Natigilan naman si Rain sa narinig at napalunok ng isa. “ Mahiya ka nga sa sinasabi mo summer!” at saka ito tumawa.

Makalipas pa ang ilang araw ay kumalat sa paaralan ang balitang, kaya walang nagiging boyfriend si Summer ay dahil ‘hindi daw ito naliligo, malakas ang putok, at mabaho ang hininga.’ Napag-alaman niyang ang mga dating manliligaw ang nagkakalat nito.

Lubos naman niyang ikinagulat at ikinasama ng loob nang malaman niyang sa bibig pa ng matalik na kaibigan mismo nanggaling ang mga maling balita. Kanyang pinuntahan at hinarap kaagad si Rain.

“Bakit mo ginawa yun ha? Bakit ka nagkakalat ng maling balita tungkol sa akin, Rain?” galit na tanong ng dalaga.

“Kasi ano,” tila hindi malaman ng lalaki kung anong sasabihin.

“Kasi ano?!” umuusok na sa galit ngayon ang dalaga.

“Kasi gusto lang kitang protektahan, okay!?” madaling sagot naman ng binata.

“Bakit nga? Bakit mo ako gustong protektahan? May gusto ka bang sabihin o ipagtapat sa akin?” naguguluhang tanong ng babae.

Hindi naman makaimik ngayon si Rain. Hindi makalabas sa kanyang bibig ang mga salitang nais sabihin.

“Wag na. Kalimutan mo na yung tanong ko, pero simula ngayon, Rain, wag ka nang lalapit sa akin. Hindi na tayo magkaibigan. Ayoko nang makita ka pa,” umiiyak na saad ni Summer. Agad naman itong umalis at hindi na nag-intay pa ng paliwanag pa mula sa kaibigan.

Sinubukan ni Rain na puntahan ang kaibigan sa kanila, ngunit hindi siya nito pinapasok. Sinubukan niyang lapitan sa paaralan, pero iniwasan lamang siya. Alam niyang nagkamali siya, pero nagawa niya iyon, dahil mahal na mahal niya ang dalaga.

Isang gabi habang naglalakad kalsada ay nakasalubong ng nakainom na si Rain, ang matalik na kaibigan, kasama nito ang bagong manliligaw niya. May presensya siya ng alak, ngunit alam niya ang kanyang ginagawa at tama ang kanyang nakikita.

“ Boyfriend mo na ‘to?” tanong ng binata habang nakaturo sa lalaking kasama ni Summer. “ Ano boyfriend mo na ba ‘to, Summer?” tanong niyang muli.

Napansin naman ni Summer na lasing ito. “Umuwi ka na Rain, lasing ka lang,” seryosong sagot niya.

Tinignan ni Rain ng masama ang lalaki, at saka ito inupakan ng isang suntok. Gumanti naman ang lalaki at binigyan din niya ng isang kamao ang binata. At dahil nga nakainom, hindi niya makontrol ang katawan. Bumagsak si Rain sa kalsada.

“Rain!” sigaw ni Summer. Agad niyang nilapitan ang kaibigan. “ A-ayos ka lang ba?” bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala.

Umalis naman agad ang lalaking kasama ng dalaga nang mapansin nitong mas nag-alala ang dalaga sa kaibigan nito.

Ibinangon ni Summer ang kaibigan at dinala ito sa playground kung saan sila unang nagkakilala. Medyo nahimasmasan naman na si Rain at medyo kalmado na ito.

“ Bakit mo ba kasi ginagawa ang mga ‘to Rain?” seryosong tanong ng kaibigan.

Nakatingin lamang si Rain sa magagandang mata ng kaibigan. “ Hindi mo pa rin ba naiintindihan ang lahat, Summer?”

“Ang ano ba? Kasi gulong-gulo na ako Rain, hindi ko na alam kung bakit mo ginagawa lahat ng ito,” saad ni Summer habang nakahawak sa mukha.

“ang totoo kasi niyan…” nagtama ang mata ng dalawa. “Matagal na kitang gusto, Summer. Mahal na nga kita. Unang araw na nakita pa lamang kita ay gusto na kaagad kita.

“Hindi ko lang masabi sa’yo kasi natatakot akong masira ang pagkakaibigan natin. Pinigilan ko yung ibang manliligaw mo, kasi ayokong mawala ka sa’kin. Gusto ko sa’kin ka lang Summer, sa akin lang. Mahal na mahal kita, alam mo ba yun? Mahal na mahal kita!”

Napangiti si Summer sa narinig. Naluluha siya dahil hindi niya maintindihan ang saya na darama sa kanyang puso.

“ Matagal na din kitang gusto Rain, pero wala kasi akong ideya sa totoong nararamdaman mo noon kaya hindi magawang ipagtapat, natakot din akong maging iba ang turing mo sa akin pag nalaman mo.

“Pero ngayon, gusto kong malaman mong mahal na mahal din kita. Ang tagal na panahon ang inintay ko para sa pagkakataong masabi lahat ng ito sa’yo,” nakangiting pagtatapat niya sa kaibigang lalaki.

Tumayo si Rain at lumapit kay Summer na nakaupo sa katabing duyan. Hinalikan niya ito sa noo at dahan-dahang bumaba sa labi ng dalaga. Binigyan niya ito ng isang napakatamis na halik.

“Simula ngayon ay aalagaan kita at patuloy na proprotektahan. Handa akong iparamdam sa’yo ang pagmamahal ko, dahil wala akong ibang gustong makasama sa buhay kong ito kundi ikaw lang, Summer,” mga matatamis na salitang lumabas sa labi ni Rain.

Lumipas pa ang mga taon, nakapagtapos na ng pag-aaral ang dalawa, may magagandang trabaho at handa nang harapin ang buhay bilang mag-asawa.

Sa ilalim ng maliwanag, ngunit maulan na tanghali ay lumakad si Summer patungo sa altar habang nag-iintay doon ang lalaking nagmamahal sa kanya ng tunay.

Doon ay sumumpa si Summer na tulad ng tag-araw, siya ang magsisilbing init ng kabiyak sa gabing malalamig at ang magsisilbing tanglaw nito sa tuwing darating ang gabing madilim.

Sumumpa naman si Rain na tulad ng ulan ay siya ang magbibigay kaginhawan sa buhay ng asawa at at tulad ng malamig na ihip ng hangin ay nangako siyang magbibigay kapahingaan sa asawa sa tuwing ito’y makakaramdam ng kapaguran.

Ang tunay na pag-ibig ay tulad ng pag-iibigan ni Rain at Summer, ito ay nakakapag-intay, marunong mag protekta at wagas.

Advertisement