Inday TrendingInday Trending
Inggit na Inggit ang Babae sa Kaniyang Mayamang Kaeskuwela; Grabe ang Kaniyang Gagawin Para Lamang Makamit ang Ganoong Pamumuhay

Inggit na Inggit ang Babae sa Kaniyang Mayamang Kaeskuwela; Grabe ang Kaniyang Gagawin Para Lamang Makamit ang Ganoong Pamumuhay

Nakanguso na naman nang mga sandaling iyon si May habang nakatitig sa kaniyang kaeskuwelang si Lovely. Paano ay ipinararangya na naman ng dalaga ang kaniyang bagong biling gadgets… gadgets dahil hindi lang iisa ang bagong gamit nito kundi tatlo! May bago itong cellphone, laptop at camera na pawang mula sa magagandang brands na namamayagpag ngayon sa market at alam ni May na malaki ang halaga ng mga iyon!

“Sana magkaroon din ako n’on. Nakakainggit naman.” Malungkot ang mukhang kinakausap niya ang kaniyang sarili. “Hindi naman ako mabibigyan ng gan’on nina mama at papa, e. Siguradong mamumroblema lang sila kapag sinabi kong gusto ko ng mga ganitong bagay,” dagdag pa niya.

Napayupyop siya sa kaniyang puwesto. Alam ni May na kahit humingi siya nang ganoon sa kaniyang mga magulang at kahit gustuhin man nilang bigyan siya ay hindi naman nila kakayanin. Ito nga at kulang na kulang na sa kanilang tatlong magkakapatid ang kinikita ng kanilang sari-sari store na naipundar pa nila mula sa perang ibinayad sa kaniya ng kompanyang dating pinagtatrabahuhan ng kaniyang ama nang ito ay maaksidente noon sa trabaho na naging dahilan ng pagkaputol ng isa sa mga paa nito.

Ngayon ay umaasa na lamang ang kanilang pamilya sa tindahang patuloy na inilalaban ng kaniyang ina bukod sa paglalabandera nito.

“Balang araw, magkakaroon din ako ng mga ganiyan,” impit na bulong ni May sa kaniyang sarili habang inggit na inggit pa ring nakatitig sa mayamang kaeskuwela. “Gagawin ko ang lahat para balang araw ay hindi ko na kakailanganing mainggit.”

Hindi palaasa sa kaniyang magulang si May simula pa noon, lalo na nang maaksidente ang kaniyang ama. Sa katunayan, upang matustusan ang sariling pag-aaral at makatulong na rin kahit papaano sa kanilang mga gastusin ay nagtatrabaho bilang isang cashier si May sa isang tindahan ng mga damit. Mabuti na lang din dahil half day lang naman ang pasok niya sa eskuwela kaya naman may pagkakataon pa siya para pumasok sa kaniyang part-time job.

Hindi lang iyon ang pinasok na trabaho ni May. Bukod kasi roon ay masipag din siyang magbenta ng mga kung anu-ano sa online simula nang mag-uso iyon. Dahil doon ay malaki-laki na rin ang kaniyang kinikita ngayon sa naturang mga trabaho kaya naman kahit papaano ay nababawasan na ang kanilang paghihirap.

Gaano man kaabala ang dalaga sa kaniyang mga pinagkakakitaan, hindi naman niya kailan man nagawang pabayaan ang kaniyang pag-aaral. Para kasi sa kaniya ay iyon ang susi sa tagumpay na kaniyang minimithi. Alam niyang ang pagtatapos niya ang magiging daan upang makamit niya ang pangarap na magandang buhay hindi lang para sa kaniyang sarili, kundi para na rin sa kaniyang mga kapamilya.

Madalas na nakadarama ng inggit si May sa kaniyang mga kaeskuwela lalo na at karamihan sa mga ito ay may kakayahan sa buhay. Hinahayaan lang naman ng dalaga ang kaniyang sarili na makadama nang ganoon sa kaniyang kapwa, hindi para siya ay matuksong gumawa ng masama, kundi dahil itinuturing niyang inspirasyon ang inggit na iyon upang lalo siyang magsikap sa buhay at upang hindi siya magsawang magsipag sa kabila ng dami ng kaniyang mga iniintindi.

Dahil doon, hindi nagtagal ay naka-graduate si May nang may magandang record sa kaniyang pag-aaral dahil itinanghal siya bilang isa sa pinakamahuhusay na mag-aaral. Nagtapos siya sa kursong accountancy at nang makapagsimula sa trabaho ay sinikap niyang makaipon agad upang palaguin ang negosyong noon pa man ay kaniya nang sinisimulan.

Pagtatayo ng isang cosmetics line ang naisipang gawin ni May, lalo na at ngayon ay sobrang in demand ng mga pampaganda kahit pa sa mga kabataan. Paano ay nauuso na rin kasi ang vlogging kaya marami nang taong natututong bumili ng mga produktong dati ay hindi nila masiyadong pinapansin.

Pinagsabay ni May ang pagtatrabaho at pagnenegosyo at nag-ipon siya nang nag-ipon. Lalong sinipagan ng dalaga ang kaniyang laban sa buhay kaya naman kalaunan ay kaniya ring nakamit ang pangarap na kumita nang malaki.

Hindi akalain ni May na dahil sa kaniyang inggit ay magkakaroon siya nang ganito kalaking inspirasyon kaya naman sa loob lang ng maiksing panahon ay agad niya nang nakamtan ang kaniyang pangarap na buhay para sa kaniyang mga kaanak at kapamilya. Dahil doon ay walang pagsidlan ng tuwa ang bawat araw na dumaraan sa buhay ng dalaga.

Advertisement