Pinagtawanan Siya ng mga Dating Kaibigan nang Sabihin Niyang Pagguhit ang Kaniyang Trabaho; Napanganga Sila nang Malaman ang Halaga ng Kaniyang mga Obra

Handang-handa na si Jorel para sa dadaluhang reunion party ng kanilang batch noong highschool. Nakasuot lamang siya ng hindi naman ganoon kagarang damit dahil mas komportable siya sa mga ganitong kasuotan kaysa sa mga pormahang pang mayaman. Ganoon pa man, lumilitaw pa rin naman ang kaniyang kakisigan sa ganoong estilo.

Nagpaalam siya sa kaniyang nobya na siya ay aalis na. Binilinan niya ang kaniyang mga tauhan na asikasuhin nang maigi ang kanilang printing shop dahil nga baka gabihin na siya nang uwi.

Nakarating si Jorel sa venue ng kanilang reunion nang eksakto sa oras ng kanilang usapan, ngunit marami nang mga taong naroon. Hinanap niya ang pwesto ng kanilang section noong sila’y fourth year highschool at nagsimulang kausapin at batiin ang kaniyang dating mga kaklase na halos kumpleto nang naroon.

“Ikaw na ba ’yan, Jorel?” tila manghang anang isa sa kanilang mga kaklaseng babae. Si Trisha na noon ay kaniyang tinangkang ligawan ngunit hindi pa man siya nag-uumpisa ay agad na siyang tinanggihan. Nakangiti lamang na tumango si Jorel.

Masayang nagbalik-tanaw sa kanilang mga nakaraan ang magkakaklase. Iyon nga lang ay hindi maiwasan ng iba sa mga ito na magpayabangan sa kalagitnaan ng kanilang usapan.

Hindi man gusto ni Jorel ang nagiging takbo ng kanilang usapan at mga paksang sinisimulang buksan ng kaniyang mga dating kaibigan at kaeskuwela ay wala na siyang nagawa kundi ang sakyan na lamang ang mga ito. Wala naman siyang pagpipilian dahil kung hindi ay maa-out of place lamang siya sa kanilang reunion.

“Jorel, ikaw naman ang magkuwento ngayon sa amin. Ano na ba ang career mo ngayon? Kumusta ang love life? May asawa ka na ba?” Sunod-sunod ang naging tanong ng isa sa kaniyang kaklase. Si Leonard na noon ay madalas niyang katunggali sa halos lahat ng aspeto ng kanilang pag-aaral. Sa patalinuhan man o sa pagalingan sa iba’t ibang bagay ay palagi na lamang siya nitong ginugustong pantayan na hindi naman nito madalas magawa dahil lagi itong itinatanghal na pangalawa lamang sa kaniya.

“Isa akong animator,” taas-noong sagot naman ni Jorel. Proud naman kasi siya sa kaniyang napiling career dahil iyon ang kaniyang dream job noon pa.

Advertisement

“Ano kamo?” tila natatawa namang ani Leonard sa kaniya. “Animator? Ibig sabihin, nagdo-drawing ka para kumita?” tanong pa nito.

“Parang ganoon na nga,” muli ay maayos pa ring sagot ni Jorel. Ngunit nawala ang bahid ng ngiti sa kaniyang labi nang biglang tumawa nang nakakainsulto si Leonard.

“Bakit naman ’yan ang napili mong trabaho, Jorel? Ikaw ang pinakamatalino sa batch natin noon, hindi ba? Tapos sa ganiyan ka lang pala mapupunta?” dagdag pang pang-iinsulto nito sa kaniya. Dahil doon, maging ang iba nilang mga kasama sa mesang iyon ay natatawa na rin.

Sinikap ni Jorel na huwag mapikon sa inaasta ng dating kaklase.

“Bakit? Ano’ng masama sa trabaho ko?” nakangiting tanong niya.

“Mababa ang kitaan diyan, hindi ba? Akala ko pa naman, katulad namin ay makakakuha man lang ng mga trabahong may mataas na posisyon kahit papaano. Tingnan mo ako, manager na sa isang kompanya. Maganda ang sahod kaya ang mga anak ko, sa private school nag-aaral at maganda ang buhay nila,” pagmamalaki pa nito sa kaniya.

Ngayon ay si Jorel naman ang biglang ngumiti.

“Maayos naman ang kita ko, e. Isa pa, wala pa naman akong anak, so—”

Advertisement

Biglang pinutol ni Leonard ang sasabihin niya pa sana.

“Huhulaan ko, wala ka ring girlfriend, ano?” pagkatapos ay bigla itong humalakhak ulit nang malakas!

“Wait—” biglang sumingit sa usapan ang isa sa kanilang mga kaklase. Si Trisha ulit. “Nakita ko ang pangalan ni Jorel, ngayon lang, sa isang article kung saan binibigyang pagkilala ang lahat ng animators ng isa sa pinakasikat na animation company sa mundo! Sinasabi rito na dahil sa katatapos lang na movie na kanilang inilabas ay kumita sila ng ilang milyong dolyar!” pagsisiwalat ni Trisha na biglang nagpatahimik sa kanina ay humahagalpak na si Leonard.

Doon ay napangiti nang muli si Jorel. “Yes, tama ka. Isa nga ako sa kanila. Alam n’yo, wala naman akong dapat ikahiya sa trabaho ko dahil sa pamamagitan nito, napagtapos ko ang lahat ng mga kapatid ko. Bukod doon, nakabili na rin ako ng sarili kong bahay at lupa at nakapagpundar na ng sarili kong mga negosyo. Isa pa, pinaghandaan talaga namin ng partner ko ang magiging kinabukasan namin para sa magiging anak namin. Pero this year ay plano na naming magpakasal ulit, pero ngayon ay dito na sa Pilipinas.”

Nabigla ang lahat sa isiniwalat ni Jorel. Halos wala na silang masabi. Lahat sila ay natahimik habang si Loenard ay halos lamunin na ng lupa sa sobrang kahihiyan at panliliit.