
Napansin ng Guro ang Pagiging Balisa ng Isa sa Kaniyang mga Estudyante; Maninindig ang Balahibo Niya sa Malalamang Dahilan
Regular lamang ang araw na iyon para kay Mrs. Greganda. Maaga siyang pumasok sa pinagtatrabahuhang eskuwelahan kung saan siya ay isang guro sa Filipino, katulad ng kaniyang nakasanayan. Habang naglalakad ang ginang papasok sa kanilang eskuwelahan ay binabati siya ng mga nakakasalubong na estudyante na agad naman niyang ginagantihan din nang nakangiting pagbati.
Kilala si Mrs. Greganda sa eskuwelahang iyon bilang isang mahusay at mabait na guro. Sa katunayan, hindi lingid sa kaniyang kaalaman na karamihan sa kaniyang mga nagiging estudyante ay siya ang sinasabing paborito nilang guro dahil sa kaniyang magaan at masayahing personalidad. Manghang-mangha ang lahat sa kaniyang estilo ng pagtuturo dahil sa tuwing siya ay umapak na sa unahan ng kanilang silid paaralan, lahat ng kaniyang mga estudyante ay nakatutok na sa kaniya at masiglang nakiki-join sa kanilang kuwelang talakayan.
Ngunit tila kaiba ang araw na ito sa karaniwang araw ng kaniyang pagtuturo…
“Madeline? Bakit ka nakayukod diyan sa likod? Masama ba ang pakiramdam mo, anak?” sa kalagitnaan ng kanilang talakayan ay naitanong niya sa isa sa kaniyang mga estudyante. Kahit nakaupo ito sa dulong bahagi ng kanilang classroom ay pansin na pansin pa rin ito ni Mrs. Greganda, dahil isa ang dalagita sa pinakamatatalino niyang estudyanteng hinahawakan sa section na ’yon.
Napansin niyang matamlay ang dalaga. Bukod doon ay tila tulala ito at malalim ang iniisip. Kapansin-pansin din ang pagiging balisa nito dahil kanina pa ito pabaling-baling. Yumuyukod, tumutunghay, umuub-ob, lumilinga-linga at tumitingala at tila kanina pa nag-uulap ang mga mata.
Umiling ang dalagitang kaniyang tinanong bilang tugon. Hindi ito makatingin nang diretso sa kaniyang mga mata. Nagpasya si Mrs. Greganda na ipagpatuloy muna ang kaniyang pagtuturo at mamaya na lamang kausapin nang masinsinan si Madeline. Kaya naman nang matapis na ang kanilang klase, agad niyang ipinatawag si Madeline sa kanilang opisina upang doon ito kausapin nang masinsinan.
“Ma’am, ipinatawag n’yo raw po ako?” nakayukod na tanong sa kaniya ni Madeline pagkarating nito sa opisina at faculty room ng mga Filipino teachers sa kanilang eskuwelahan.
“May problema ka ba?” Hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang guro. Hindi sumagot ang estudyante sa kaniyang tanong. Matagal na namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa, ngunit maya-maya ay ang dalagita rin ang bumasag niyon.
Maririnig ang impit na pag-iyak ng dalagita sa kaniyang harapan. Ikinagulat iyon ni Mrs. Greganda. Nagtataas-baba na ang balikat ni Madeline dahil sa sobrang pag-iyak nito kaya naman agad na hinagod ng guro ang balikat nito.
“Ano’ng problema, anak?” nag-aalalang tanong ng guro. “P’wede kang magsabi ng problema sa akin. Huwag kang matakot, tutulungan ka ni teacher,” dagdag pa niya upang magkaroon ito ng lakas ng loob. Nakatingin na rin sa kanila ang iba pang gurong naroon din sa opisina nang mga sandaling iyon at naghihintay ng sagot mula sa dalagita. Maging sila ay nabahala na rin dahil sa reaksyon nito.
“M-ma’am…” humihikbing panimula nito. “Ma’am, p-pinagsamantalahan po ako ng tito ko kagabi… wala pong gustong maniwala sa akin nang magsumbong po ako sa mga kaanak namin!” dagdag pa nito at tuluyan na itong napahagulhol matapos isiwalat ang kaniyang pinagdaraanan.
Nabigla ang mga gurong nakarinig sa kaniyang pagtatapat, ngunit agad ding nag-isip ng paraan ang mga ito upang maaksyunan kaagad ang nangyari. Nagpasya silang tumawag agad ng barangay assistance upang mas maging maayos ang bawat hakbang na kanilang tatahakin. Mabuti na lamang at naisipan ng gurong si Mrs. Greganda na i-video ang nangyaring pagtatapat noong mag-umpisa nang umiyak si Madeline. Ipinaalam niya sa dalagita na ibibigay nila bilang ebidensya ang video na ’yon upang lalong lumakas ang laban nito sa kaso at agad namang pumayag ang dalagita.
Mabilis na naisailalim sa medico legal ang dalagita at doon ay nakumpirma nga ang nangyaring pananamantala sa kaniya. Dahil doon ay agad na nasampahan ng kaso ang tiyuhin nitong hindi na rin naman tumanggi sa kaniyang nagawa.
Sinuportahan ng mga guro sa paaralang iyon ang laban ng kanilang estudyante, sa pangunguna na rin ni Mrs. Greganda na noon ay lalo pa ngang hinangaan ng karamihan dahil sa nangyari. Nagbigay iyon ng matinding lakas ng loob sa biktima ng karahasang si Madeline at dahil doon ay nagawa nitong humarap nang may tapang sa korte upang maipakulong sa likod ng bakal na selda ang kaniyang tiyuhin. Sa huli ay nagbunyi ang lahat nang manalo ito sa kaso! Salamat sa kaniyang ulirang guro.

Pinagtawanan Siya ng mga Dating Kaibigan nang Sabihin Niyang Pagguhit ang Kaniyang Trabaho; Napanganga Sila nang Malaman ang Halaga ng Kaniyang mga Obra
