Pambayad Utang na Lang Nga Raw ang Dalagang Ito sa Ale ay Naging Pabigat Pa, Sa Huli’y Mapapalambot Pala Nito ang Matigas Niyang Lihim

“Alam ba ng mga magulang mo na buntis ka, Marta? Lintik naman na buhay ‘to!” inis na tanong ni Aling Penelope.

“Mabuti sana kung kamag-anak kita para kupkupin ng gan’yan pero alam mo bang bayad utang ka lang sa akin ng tatay mo? Ang usapan namin ay magtratrabaho ka sa factory at ang sweldo mo ay mapupunta sa akin, hindi ‘yung ako pa ang gagastos para sa’yo! Ano sa tingin mo ang pagbubuntis, gan’yan gan’yan lang? Hoy, hija, marami kang kakailanganin, kaliwa’t kanan na check-up saka isang katerbang mga bitamina at gamot. Hindi ako hunghang upang arugain ka!” napaupo at napapikit na baling pang muli ng ale sa kaniya nang matuklasan nito ang lihim niyang pagdadalantao.

“Nasaan ang tatay niyan?” tanong muli ng ale.

“Nag-aaral pa ho ng kolehiyo kaya hindi ho ako papabayaan no’n pero kailangan ko po talaga ng tulong niyo kasi usapan namin ay kailangan niya munang makapagtapos bago namin sabihin ang batang ito para hindi raw ho siya patigilin ng mga magulang niya sa pag-aaral,” paliwanag kaagad ni Marta.

“Isa pa, mahal na mahal na mahal po namin ang isa’t isa,” dagdag pang muli ng dalaga.

Ngunit imbes na sumagot si Aling Penelope ay isang malakas na tawa lamang ang ibinigay ng ale sa kaniya. Tumawa lamang ito nang tumawa saka titingin kay Marta at tatawang muli na may kasabay pang laway sa paghalakhak nito.

“Panginoon, patawarin Mo ako,” unang sinabi ng ale ng matapos ang kaniyang paghalakhak.

“Alam mo, Hija, ang mga lalaki, lahat sila sa totoo lang ay magsasabing mahal na mahal ka nila sa oras na gusto nilang makipags*ping. Ipapakita at ipaparinig nila lahat ng matatamis na salita sa mga sandaling iyon ngunit kapag nagbunga na ang kapusukan na iyon ay maswerte ka na kung isa ka sa makakatagpo ng lalaking pananagutan ka lalo na kung hindi naman kayo kasal at napakababata niyo pa!” baling muli ng ale sa kaniya habang natatawa pa rin ito kay Marta.

Advertisement

Hindi na nagsalita pa si Marta at wala siyang nagawa kung ‘di tanggapin ang pang-uusig na iyon ng ale dahil alam niya sa sarili na wala siyang mapupuntahan kung makikipaglaban siya rito.

Katulad ng marami ay salungat din ang mga magulang ng dalaga sa relasyon nila dahil gusto lamang daw makuha ng lalaki ang kaniyang puri at iiwan din ito dahil wala naman daw siyang pinag-aralan at mababang klase lamang ng pamilya ang mayroon sila. Pero malaki ang paniniwala ni Marta na tunay na pag-ibig ang mayroon sila ni Augusto.

“Aling Penelope, nakita niyo ho ba ang telepono ko?” naiiyak na tanong ng dalaga sa ale ng makauwi ito galing sa pamilihan.

“Wala na, binenta ko na. Isa pa, nakaisip na ako ng solusyon sa dinadala mo. Mamili ka, ipapalaglag mo ‘yang bata o magpapakasal ka sa kliyente ko?” tanong ni Aling Penelope sa kaniya.

“Ho? Bakit ho ninyo itinapon, ayon lamang ang katangi-tanging paraan ko para makausap si Augusto!” naiiyak at naiinis na sagot ni Marta sa kanya.

“Maganda ka lang talaga pero bobita ka! Kung ako sa’yo, pipiliin ko ang magpakasal dun sa kliyente ko tutal matanda na ‘yun at gusto na magka-anak kaya hindi ‘yun magtataka kung mabubuntis ka kaagad,” sagot ng ale saka siya dinuro sa ulo.

“Pananagutan ho ako ni Augusto, kaunting puso at pag-intindi lang naman ho ang hinihingi ko sa inyo. Pangako, susuklian ko ang kabutihan ninyo,” paki-usap ng dalaga.

“Tigilan mo ako sa puso at pag-ibig na ‘yan dahil hindi ka mabubuhay nun. Basta, ipapakasal kita kung ayaw mong magpalaglag,” sagot ng ale sa kaniya saka siya tinalikuran.

Advertisement

Dumaan pa ang ilang linggo ngunit labis na naglulupasay si Marta huwag lamang siyang maibenta ng ale at kahit nga pasakit siya sa ulo nito ay buong puso niyang tinitiis ang pangmamaltr@to ng babae. Hanggang sa  natameme si Aling Penelope nang biglang lumitaw si Augusto at kinuha si Marta sa kaniya. Wala siyang ibang sinabi at pinaalis na lamang ito.

“O, bakit bumalik ka pa rito? Ipapamukha mo ba sa akin na may forever ka? Huwag na, magbayad ka na lang ng utang niyo, umalis ka na,” sabi ni Aling Penelope nang magpakitang muli si Marta sa kaniya kasama ang mag-ama nito.

“Gusto ko lang hong magpasalamat sa inyo dahil kahit na masasakit ang mga sinasabi niyo sa akin ay alam kong mabuti ang puso niyo. Nararamdaman ko iyon pero hindi ko alam kung ano ang pumipigil sa inyo para ipakita ang busilak ninyong damdamin. Sana po, dumating ang araw na makapagpatawad kayong muli at maniwalang may magmamahal sa inyo,” sabi ni Marta at niyakap ang ale.

“Tse, mamahalin lang nila ako kung may pera ako. Sige na, umalis na kayo, huwag mo na akong bayaran,” iritableng sagot ng ale saka niya pinagtabuyan ang mga ito. 

Lingid man sa kaalaman ng lahat, nagkaroon ng karelasyon noon si Aling Penelope ngunit hiniling ng lalaki na ipalaglag niya ang bata sa kadahilanang pera lamang daw ang gusto nito sa kaniya hanggang sa kasawiang palad ay nawala nga ang nasa sinapupunan ng ale at doon na nag-umpisa ang pagiging bato ng puso niya at wala na itong inatupag kung ‘di ang magpayaman.

Hindi nagtagal ay napalambot ni Marta at ng kaniyang anak ang puso ng ale sa patuloy na panunuyo nito at pagpaparamdam na hindi pa huli ang lahat pagdating sa pag-ibig. Habang si Aling Penelope naman ay masayang-masaya dahil nagkaroon siya ng isang matuturing na pamilya na hindi siya gagamitin lamang nang dahil sa pera.