Inday TrendingInday Trending
Isang Trahedya ang Halos Magpalugmok sa Mag-anak na Ito; Ganito Lumaban ang Isang Ulirang Ina at Asawa sa Pagsubok na Ito

Isang Trahedya ang Halos Magpalugmok sa Mag-anak na Ito; Ganito Lumaban ang Isang Ulirang Ina at Asawa sa Pagsubok na Ito

Umiiyak dahil sa pag-aalala si Pilar. Nang mga sandaling iyon dahil nag-aagaw buhay ang asawa niyang si Mike sapagkat aksidente itong nabagsakan ng nabasag na salamin sa trabaho.

Isa itong trabahador sa isang kompanyang gumagawa ng salamin. Nasa oras ito ng trabaho nang mangyari ang insidenteng naging dahilan upang ngayon ay malagay sa kapahamakan ang buhay nito.

Ilang oras nang nakaluhod si Pilar sa altar ng maliit na chapel na iyon ng ospital at nagdarasal na sanaʼy kayanin ng kaniyang nobyo ang hirap at sakit ng tinamo nitong pinsala. Sa ngayon ay tapos na ang operasyon para dito ngunit isang malungkot na balita ang isinaad ng doktor sa kaniya.

“Kayo po ba ang asawa ng pasiyente?” bungad ng doktor kanina nang lumabas ito sa operating room ng ospital. Sa ekspresyon pa lamang nito ay halatang hindi na maganda ang hatid nitong balita sa kaniya.

“Opo, doc,” sagot naman ni Pilar.

“Hindi na po ako magpapaligoy-ligoy pa. Malala po ang tinamong pinsala ng inyong kinakasama, misis. Dahil po sa pagkakabagsak ng salamin sa kaniyang hita ay hindi na ho namin iyon maaaring isalba. Kakailanganin na po naming putulin iyon, kundi ay magko-cause pa iyon ng mas malalang pinsala sa kaniya,” pagpapatuloy pa ng doktor na talagang ikinanlumo ni Pilar.

Nanginig ang kaniyang mga tuhod, habang sapo ang dibdib na umiyak sa waiting area na iyon, sa labas ng operating room ng Community Hospital. Umiiyak siya, hindi para sa sarili kundi para sa kaniyang asawa.

Bukod kasi sa pinuproblema niya ang nalalapit na pagkaputol ng paa nito, kinakabahan din siya dahil hindi niya alam kung saan kukuha ng perang ipambabayad sa nasabing operasyon.

Dahil doon, hindi na nag-aksaya pa ng oras si Pilar at agad siyang lumapit sa pinagtatrabahuhang kompanya ng kaniyang asawa upang humingi ng suporta…

“Naku, misis. Kasalanan ho ng asawa ninyo kung bakit siya naaksidente kaya hindi siya maaaring kumuha ng tulong mula sa amin,” ang sabi noon ng coordinator ng kompanya kay Pilar.

“Sa oras ho ng trabaho naaksidente ang asawa ko! Bakit ayaw nʼyo siyang tulungan?” agad namang tanong ng ginang ngunit talagang naninindigan ang mga ito na huwag tulungan ang kanilang trabahador.

Dahil doon ay kinailangan ni Pilar na lumapit sa kinauukulan upang maaksyonan ang kanilang hinaing. Ayon kasi sa kaniyang asawang si Mike ay ilang beses na nilang ini-report ang tungkol sa sirang mga kagamitan sa itaas ng kanilang ginagawaan. Iyong mga humahawak sa salamin ay nagkakandasira na dahil sa tagal nang hindi napapalitan ng mga iyon, ngunit tila walang pakialam ang management ng kompanya kaya naman nangyari na nga ang aksidente at naperwisyo si Mike.

Mabuti na lamang at naitago ng asawa ni Pilar ang ilang mga dokumento ng kaniyang reports tungkol sa nangyari kaya naman may ebidensya silang ang kompanya ang mismong may kapabayaan at hindi si Mike.

Dahil doon ay mabilis na nagkaroon ng hearing ang kasong ito ng pamilya nina Pilar. Labis na paghihirap man ang dinaranas nila ay patuloy nilang inilaban ang naturang kaso.

Malaki ang pasasalamat ni Mike sa napakalaking pagmamahal ni Pilar sa kaniya, na kahit wala na ang kaniyang isang paa ay hindi naging hadlang iyon upang silaʼy magbuklod pa rin bilang pamilya.

“Mahal, salamat sa pagsuporta mo sa akin kahit na naghihirap tayo ngayon,” ani Mike kay Pilar habang sinusubuan ito ng huli.

Ngumiti si Pilar at agad na sinagot ng isang yakap ang sinabi ng asawa. Naluluha siyang tingnan ang kalagayan nito ngayon ngunit kailangan niyang magpakatatag upang ipakitang magiging maayos din ang lahat. Sa kaniya ngayon kumakapit ang kanilang pamilya kaya naman hindi maaaring magpakita ng kahinaan.

Nasa ganoon silang tagpo nang biglang mag-ring ang telepono ni Pilar. Tumatawag ang kanilang abogado upang ibalita ang dumating na sulat mula sa piskal na humahawak ng kanilang kaso.

“Panalo tayo!” ang bulalas ng kanilang abogadong kahit nasa kabilang linya lamang ay halata ang tuwa sa tinig.

Nagtatalon sa tuwa si Pilar nang marinig iyon mula sa kausap at tila ba nawalang lahat ng kaniyang pagod. Maging ang kaniyang asawang si Mike ay maluha-luha habang nagpapasalamat sa Diyos.

Isang taimtim na dasal ang nilaanan ng oras ng mag-anak nina Pilar at Mike para sa kanilang pagtatagumpay sa pagsubok na ito ng kapalaran sa kanilang pamilya. Sinisigurado nilang kakayanin nila ang lahat bastaʼt patuloy lamang silang maging matatag at iyan ang pinatunayan ng ulirang ina at asawang si Pilar.

Advertisement