Bagong lipat ng eskwelahang pinapasukan na naman si Paul. Pang-ilang eskwelahan niya na ito, inilipat na naman kasi siya ng kanyang mga magulang dahil nasali na naman siya sa gulo. Nakipagbugbugan na naman siya sa dating pinapasukang eskwelahan. Palibhasa’y nag-iisang anak kaya naman spoiled si Paul at hindi magawang pabayaan ng mga magulang.
Pero sabi nga nila, lahat ng bagay ay may limitasyon. Ganun din ang kanyang mga magulang. Pinag-aral ulit siya ng mga ito sa kondisyong magtitino na siya at aayusin ang kanyang buhay.
At dahil nga sa bago pa lang si Paul sa eskwelahang iyon, wala siyang kilala sa eskwalahan maliban sa kanyang mga pinsan na doon rin nag-aaral. Nakaupo lamang siya sa pinakadulong upuan ng kanilang silid at pinagmamasdan ang kanyang mga kaklase na masayang nagkwekwentuhan.
“Hi, bago ka lang ba rito? ngayon lang kasi kita nakita rito eh,” tanong kay Paul ng isang magandang dalaga na marahil ay kaklase niya sa subject na iyon.
“Ah oo, transferee ako. Kakalipat ko lang galing sa ibang eskwelahan,” nakangiti niyang sagot sa dalaga.
“Ganun ba? I’m Marie,” nakangiting iniabot ng dalaga ang kamay nito sa kanya.
“Paul,” pagpapakilala din ng binata sa kanyang sarili at inabot ang kamay na nasa harapan niya.
Halos magkaklase pala sa lahat ng subjects sina Paul at Marie, kaya naman naging malapit sila sa isa’t isa. Ipinakilala din ni Marie ang binata sa kanilang mga kaklase at mga kaibigan, kaya hindi nagtagal ay dumami na rin ang naging mga kaibigan ni Paul.
Kahit magulo ang mga kaklase ni Paul ay natutuwa siya sa mga ito, dahil mababait naman ito. Naging parte siya ng isang tropa. Napakasaya niya at may mga kaibigan na siya sa bagong paaralan.
Isang araw habang hinihintay nila ang kanilang guro sa subject, tinawag ni Marie si Paul at kinausap. Sinabihan siya ng dalaga na wala naman daw masama sa pakikipagkaibigan o pakikisalamuha sa kanilang mga kaklase pero sana daw ay huwag naman masyado. Naguluhan siya sa inasta ng dalaga at tinanong ito.
“Bakit naman?” naguguluhang tanong ni Paul sa dalaga.
“Eh kasi matagal ko ng kilala ang mga kaklase natin, alam ko kung ano ang meron sa kanila. Lalong lalo na iyang sila Mark. Wag ka nalang makipaglapit sa kanila para hindi ka mapasama,” saad ng dalaga sa kanya. Ang tinutukoy ni Marie ay ang bagong mga tropa ni Paul na puro lalaki din.
“Bakit? Ano ba ng meron sa kanila?” sagot niya naman sa dalaga.
“Mga basagulero. Ewan ko ba at mahilig makipag-away ang mga iyan sa kung sinu-sino lang,” napatingin naman si Paul sa dalaga sa sinabi nito.
“Ha? Eh nakikipag-away na din naman ako dati pa, kaya nga ako palipat-lipat ng eskwelahang pinapasukan. Pero itinigil ko na at nangako sa mga magulang ko na hindi na magbabago na at hindi na uulit pa, kaya nga ako nabigyan ng huling pagkakataon na mag-aral ngayon eh. Para umayos,” tinignan siya ng dalaga at tumango.
“Mabuti naman. Friendly reminder lang naman bilang kaibigan mo,” malugod na saad ng dalaga bago bumalik sa upuan nito dahil dumating na ang kanilang hinhintay na guro.
Lumipas ang mga araw at mas lalong napalapit pa si Paul kay Marie, hanggang sa napagdesisyonan niyang ligawan ang dalaga. Sa una ay nag-aalinlangan ang dalaga dahil hindi nga raw niya prayoridad ang pakikipag relasyon.
Nangako raw kasi si Marie sa ama niya bago ito lumisan sa mundo, na mag-aaral siyang mabuti at tutulungan niya ang ina lalo na at may dalawa pa siyang nakababatang kapatid.
Ipinakita naman ni Paul kay Marie na seryoso siya sa panliligaw at nag-aral talaga siya ng mabuti para maipakita sa dalaga kung gaano siya kaseryoso sa kanya. Dumaan ang ilang buwan at dinala siya ng dalaga sa bahay nila at ipinakilala siya sa mommy nito.
Laking gulat naman ni Paul ng ipakilala siya ng dalaga bilang nobyo. Sinagot na siya ni Marie! Sila na! At talaga namang napakasaya niya.
Naging maayos naman at masaya ang relasyon ni Marie at Paul. Hanggang sa isang araw, dahil na rin sa mga kaibigan ni Paul, nasangkot na naman si Paul sa mga away at gumulo na naman ang buhay niya.
Dahil na rin sa nasira ni Paul ang kanyang pangako sa kanyang mga magulang, itinakwil siya ng mga ito at nagsimula na namang masira ang buhay niya. Pero hindi nawalan ng pag-asa si Marie sa nobyo. Ginawa niya ang lahat para lamang umayos ito.
Nagpaalam si Marie sa kanyang ina at nagsimula silang magsama ni Paul. Pinatigil na rin si Paul ng kanyang mga magulang sa pag-aaral kaya naman si Marie na ang kumayod at gumawa ng paraan para makapagtapos siya.
At dahil nga sa hindi makaalis si Paul sa mga gulong kanyang pinasukan at hindi pa rin nagtitino, halos araw-araw umiiyak si Marie dala na rin ng takot para sa buhay nila at hirap ng kanilang buhay. Ipinagsasabay ng dalaga ang kanyang pamilya at ang nobyo.
Ilang beses pinagsabihan si Marie ng ina at mga kaibigan na iwanan na ang kinakasama, dahil napaka walang kwentang tao naman daw nito. Pero kahit na kailan ay hindi siya binitawan ng dalaga.
Isang araw ay nakatanggap nalang siya ng tawag sa ina ni Marie. Tinanong siya nito kung alam niya ba kung nasaan ang dalaga.
“Nasa trabaho po?” sagot niya sa ina ni Marie.
“P*tang ina mo. Nasa hospital ang anak ko ngayon g*go ka! Napaka walang kwenta mo talagang tao!” Sunod-sunod na mura ng ina ni Marie sa binata.
Agad siyang sumugod sa hospital na kinaroroonan ni Marie at pinuntahan sa ICU. Nakita niya ang kasintahan na nakaratay sa kama. Biglang tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata at hindi alintana ang mga tao sa paligid niya ay humagulhol siya ng iyak.
Para bang bigla siyang nagising at napagtanto kung gaano niya kamahal si Marie at hindi niya kakayanin kung sakaling mawala ito sa kanya.
Na-aksidente pala si Marie habang papauwi na galing sa trabaho. Napag-alaman din nilang mahigit dalawang buwan na pala itong buntis. Kritikal ang kondisyon ng kanyang mag-ina. Hindi alam ni Paul ang ganyang gagawin at bigla na lamang siyang napaluhod at sa huling pagkakataon, muli siyang nagdasal ng taimtim at ng buong puso, nagmamakaawa sa Diyos na iligtas ang kanyang mag-ina.
“Oh Diyos ko, gagawin ko po ang lahat. Pangakong magbabago na talaga ako at aayusin ang buhay ko. Magiging mabuting asawa’t ama po ako sa aking mag-ina, buhayin niyo lamang po sila,” humahagulhol na pagmamakaawa niya sa Poong Maykapal.
Hanggang isang araw, naluluhang pinagmamasdan ni Paul ang nobya habang naglalakad papalapit sa kanya, hawak-hawak ang isang tangkay ng puting mga rosas at nakasout ng puting gown, na may matatamis na ngiti sa mga labi.
Walang katapusang pasasalamat sa Poong Maykapal ang kanyang nararamdaman habang nakatingin sa napakagandang asawa. Napatingin din siya sa munting anghel na hawak ng ina ni Marie at tuluyan ng napaluha sa labis na kaligayahang nadarama.
Naging matagumpay ang operasyong isinagawa sa kanyang mag-ina noon at tila ba isang himala na pareho itong nakaligtas. Tinupad naman ni Paul ang kanyang pangakong magbabago, tuluyan na siyang tumigil at umiwas sa mga walang kabuluhang away at pakikipagbasag ulo at at naging mabuting asawa’t ama sa kanyang mag-ina. Namuhay sila ng masaya at pinalaki ng puno ng pagmamahal ang kanilang anak.