Inday TrendingInday Trending
Pusong Takot at Pusong Mamon

Pusong Takot at Pusong Mamon

Hindi marunong magseryoso sa isang relasyon si Cara. Para sa kanya ay laro lang ang pakikipagrelasyon. Hangga’t masaya pa sila at maayos pa ang lahat ay “go” lang siya, ngunit pag nag-umpisa na siyang makakita ng mga sensyales na sumersyoso na at lumalalim na ang isang relasyon, bigla na lamang siyang bibitaw at hihiwalayan ang nobyo niya.

Parati siyang nakakanahap ng rason para wala nang magawa ang karelasyon, kundi ang bumitaw na rin at pumayag na makipaghiwalay. Ewan niya ba, pero parati siyang nakakahanap ng butas sa mga lalaking nakakarelasyon niya.

Sasabihin niya na masyadong seloso, nakakasakal, wala masyadong pakialam, at masyadong pakialamero. Ilan lang yan sa mga rason kung bakit siya nakipaghiwalay sa mga dating nakarelasyon.

Gusto niya din namang magseryoso, ang kaso nga lang sa tuwing parang papunta na roon ay bigla siyang nakakaramdam ng takot na kapag lumalim pa ang nararamdaman niya para sa isang lalaki ay mas masakit kapag bigla na lamang siyang bumitaw.

Siya na ang aalis bago pa siya ang maiwan, yan ang paniniwala ni Cara. Pinangako na sa sarili na hinding hindi na siya maiiwan ulit. Kaya naman hindi na natutong magseryoso sa isang relasyon ang dalaga. Kaya naman daw niyang mag-isa, kaya ayos lang.

Ngunit hindi alam ng dalaga na may darating palang isang tao na magpapabago ng kanyang paniniwala. Isang taong magpaparamdam sa kanyang gusto niya itong makasama pang-habangbuhay. Isang taong handa siyang papasukin sa isang pihikan niyang puso.

Si Seth. Gwapo, matipuno, at ubod ng talino. Lahat ay napapatingin rito kapag dumadaan ito. Nagkakilala sila sa isang bar. Kinukulit si Cara ng isa sa kanyang mga dating nobyo at hindi talaga tinatantan at muntik pa siyang saktan ng lalaki upang sumama lang siya rito.

Bigla namang sumulpot noon si Seth at pinagtanggol siya. Sinuntok ng binata ang dating kasintahan ni Cara at inilabas siya sa bar na iyon. Marami na rin siyang nainom noon kaya naman bigla nalang natumba ang dalaga pagkalabas ng bar.

Kinabukasan ay nagising na lamang siya sa isang unit ng isang condominium sa Makati. Agad niya namang tiningnan ang sarili kung may saplot pa ba siya at pinakiramdaman ang sarili kung may masakit ba sa kanya. Naisuko niya na ba ng bataan?

“Hoy! Pwede ba huwag kang feeling dyan? Hindi kita ginalaw no?! Mandiri ka naman, hindi tayo talo, teh!” maarteng saad ng lalaking nagligtas sa kanya kagabi. Napanganga naman si Cara sa kanyang narinig. Ano ba ito? Binabae pala ang kanyang tagapagligtas!

“Oh bakit? Gulat ka ba? Hindi ako yung knight in shining armor na akala mo kagabi. Matapang na prinsesa din ako no!” tatawa-tawa pa ang kanyang tagapagligtas habang siya ay hindi pa rin makapaniwala.

Hindi alam ni Cara kung bakit pero napakagaan ng loob niya kay Seth. Alam niyang iba ang hanap nito pero bakit parang hindi niya maiwasang mapalapit ang loob sa lalaki?

Simula ng araw na iyon ay parati niyang kinukulit ang lalaki hanggang sa halos araw-araw ay naging magkasama sila. Madalas ay nakabuntot siya dito. Hindi nagtagal, naging matalik na magkaibigan ang dalawa at mas naging komportable pa sa isa’t isa.

Hindi man aminin ni Seth ay talaga namang natutuwa siya kay Cara. Konti lamang ang nakakaalam na tunay niyang kasarian. Sinasadya niya talaga itong itago sa karamihan, lalo na sa kanyang pamilya.

Natatakot kasi siya na husgahan ng lipunan. Kapag mayroon kasing nakakaalam, bigla na lamang siyang iiwasan na para bang may nakakahawa siyang karamdaman.

Ngunit hindi si Cara. Napakulit ng babaeng ito. Hiyang-hiya ang bubble gum kung makadikit sa kanya. Ilang beses niya na din itong sinabihan na hindi siya ang prinsepeng hinahanap nito, dahil isa rin siyang prinsesa. Tinatawanan lang siya ng babae at sinasabing wala siyang pakialam kung ano man siya at tanggap siya ng dalaga.

Kahit anong taboy ang ginawa niya sa dalaga pero hindi talaga siya nito nilubayan hanggang sa napagod na rin siya at hinayaan na ang dalaga sa tabi niya.

Sa paglipas ng panahon, lalo pang lumalim ang kanilang samahan. Isang araw gumising na lamang si Seth na may nararamdaman na pala sa dalaga.

“Ayokong magpakasal sa taong hindi ko kilala!” sigaw ni Cara habang magkausap sila ni Seth sa unit ng condo nito. Sinabi niya sa binata ang planong pagpapakasal sa kanya ng kanyang mga magulang sa anak ng isang matalik na kaibigan at kasosyo nito sa negosyo.

“Ayaw mo ba talaga sa akin Seth?” hinawakan ni Cara ang kanyang mga kamay at tinitigan siya sa mga mata.

“Ayaw mo bang magpakasal nalang sa akin? Takasan natin ang pamilya ko. Tanggap kita maging sino o ano ka pa man. Kung gusto mong mang lalaki ay ayos lang din sa akin, basta ba sa akin ka parin uuwi. Pangako ko yan sayo,” puno ng emosyong saad ng dalaga kay Seth. Para namang hinaplos ang puso ni Seth sa narinig. Ano ba ang nakita ng babaeng ito sa kanya? Hindi siya karapatdapat sa pag-ibig ng dalaga

Mahal niya na rin si Cara ngunit gaya ng dalaga, nais na rin siyang ipakasal ng kanyang lola sa mga kasosyo nito sa negosyo. Nag-iisang apo lamang siya ng matanda kaya naman wala siyang ibang pwedeng pagpilian kundi ang sumunod.

“Cara, sabi ko naman sayo, hindi tayo talo,” pilit niyang pinasigla ang kanyang boses para hindi mahalata ng babaeng minamahal na nahihirapan din siya sa kanilang sitwasyon. Sunod-sunod na tumulo ang luha ng dalaga. Binitawan nito ang mga kamay niya at umalis ng walang imik.

Hindi na sila nag-usap mula ng araw na iyon, hanggang sa dumating ang araw ng pagkikita nila ng babaeng mapapangasawa. Nasa isang kilalang restawran sila ng kanyang lola at hinihintay ang pamilyang ipagkakasundo ng kasal.

Nagpaalam muna siya sa lola niya at nagpuntang banyo para pakalmahin ang sarili niya. Kung titignan ay walang makikitang bakas ng kanyang tunay na kasarian sa itsura niya. Mukha siyang normal at kagalang-galang na lalaki. Bigla namang naalala ni Seth ang masaya at makulit na mukha ni Cara. Nasasabik na siyang makita ito.

Pagkabalik niya sa lamesa, naroroon na ang pamilyang kanina pa nila hinihintay. Laking gulat niya na lamang ng makita ang babaeng kanina lang ay iniisip niya! Nanlalaki din ang mga mata ng dalaga na parang hindi rin makapaniwala. Natawa na lamang silang dalawa ng dalaga.

Naging maayos ang usapan noong gabing iyon. Nagkasundo ang dalawang pamilya na ipakasal ang dalawa upang ng sa ganoon ay mas maging matatag ang pundasyon ng malalaking negosyo ng kanilang pamilya. Pero sa huli, nasa kila Seth at Cara pa rin ang desisyon, tatakasan ba nila ang responsibilidad na ipinataw sa kanila.

“You may now kiss the bride!” anunsyo ng pari sa kasal ng dalawa. Hinalikan naman ni Seth si Cara sa labi na ikinagulat naman nito.

“Maraming salamat sa pagtanggap sa kung ano man ako. Mahal na mahal kita,” bulong ni Seth sa asawa at niyakap ito ng mahigpit.

“Maraming salamat din sa pagsagip sa duwag kong puso. Maraming salamat sa pagpaparamdam sakin na deserve ko rin ang forever,” malambing at sinserong saad din ni Cara sa mahal na asawa.

Pinili ni Seth na sundin ang tinitibok ng puso niya. At hindi naman siya nagkamali sa ginawa. Dahil alam niyang mahal na mahal siya ng kanyang misis at ganoon naman din siya dito.

Nabuhay ng masaya ang dalawa. Sinubukang magbago ni Seth para kay Cara. Hindi naman na kailangan ayon kay Cara dahil tanggap niya naman ang asawa maging ano o sino pa man ito. Wala namang pinipiling kasarian ang pag-ibig. Pero pinatunayan ni Seth na sa huli, siya pa rin talaga ang knight in shining armor ng mahal na asawa.

Advertisement