Umagang-umaga, pero umaalingawngaw na naman ang bangayan nila Cass at Renz. Pinagtatalunan na naman nila ang isang bagay na matagal na sanang nakasarado. Isang bagay na kahit kailan ay hindi magiging katanggap-tanggap sa mata ng Diyos at tao.
“Kahit minsan lang ba ay naisip mo kung ano yung nararamdaman ko sa mga ginagawa mo? Hindi man ang ba sumagi sa isipan mo na kahit minsan lang ay ipaglaban mo naman ako? Kahit isang beses lang ha Cass?!” Malakas at puno ng emosyong tanong ng Kuya Renz niya sa kanyang ate Cass.
“Eh nakaka g*go ka naman pala Cass! P*tang *na lang, ano ba?! Alam mo naman kung gaano kita kamahal diba? Halos ikaw na yung buhay ko! Ikaw yung mundo ko!
Lahat gagawin ko basta para sayo. Pero hindi ito! Hingin mo na lahat wag lang ito. Dahil kailanman ay hindi kita makakayang palayain. Hindi ko kayang mawala ka sakin! Paano mo ba nagagawang saktan ako ng ganito ha, Cass?” Unti-unting kumalma ang kuya. Nilapitan naman ito ng kanyang Ate Cass at hinawakan ang dalawang pisngi at tinignan ng diretso sa mga mata.
“Maniwala ka sa akin Renz, mahal kita. Mahal na mahal. Pero mahal ko rin ang pamilya ko. Hindi ko sila makakayang saktan. Sa umpisa pa lamang ay alam na nating pareho na mali itong pinasok natin.
Hindi natin pwedeng ipagpatuloy ang relasyong meron tayo, mali ito! Naiintindihan mo ba yun? Mali lahat ng ito at kahit kailan ay hindi pwedeng maging tama dahil magpinsan tayo!” saad ng kanyang Ate Cass habang umaagos ang mga luha sa mga mata ng dalaga.
“Bakit, sa tingin mo ba hindi ko alam yan? Sa tingin mo ba hindi ko man lang naisip yan? Syempre, alam ko ang lahat ng yan! Pero may magagawa ba ako kung ikaw yung tinitibok ng puso ko?
Sinubukan ko naman! Alam mong sinubukan ko. Sinubukan kong maghanap ng iba at kalimutan ka, pero wala akong magawa dahil sa huli, ikaw at ikaw pa rin talaga ang laman ng puso ko.
Mula noon hanggang ngayon, ikaw lang. Ikaw pa rin at wala nang iba!” nagpipigil ng luhang sagot ng lalaki.
“Mahal na mahal kita Renz. Hindi ko kayang makita kang hawak ng iba. Gusto ko ako lang! Ako lang dapat ang para sayo, pero alam kong wala akong karapatan. Sapagkat, alam kong mali! Kaya bigyan man ako ng pagkakataong bumalik sa nakaraan ay wala akong babaguhin sa aking ginawa.
Wala akong pinagsisisihan. Pasensya na pero hindi pa rin kita magagawang ipaglaban. Alam kong duwag ako, pero hindi ko kayang saktang lahat ng tao sa paligid ko sumaya lamang ako!” patuloy pa rin ang luhang umaagos sa mata ni Cass. Nawawasak ang kanyang puso para sa dalawa.
“4 years ago, alam ko na ang dahilan kung bakit bigla ka nalang nakipaghiwalay at iniwan ako. Noong una ay halos mabaliw ako dahil hindi talaga kita maitindihan, bigla na nalang nawala na parang bula.
Alam ko at panatag akong mahal mo ako eh. And then, nalaman ko nalang, nalaman ko nalang pinatapon ka pala ng mga magulang mo sa France para mag-aral dahil nalaman nilang may namamagitan sa atin. At ikaw naman, sumunod ka lang!
P*tang *na naman kasi akala ko sapat na yung pagmamahal na meron ka para sakin para ipaglaban ako! Para ipaglaban mo kung ano yung meron tayo. Pero wala. Hindi pala ako kasing halaga sayo gaya ng akala ko,” sa pagkakataong ito ay hindi na napigilan pa ni Renz ang mga luhang kanina pa pinipigilan.
“At ngayon, sa pangalawang pagkakataon, nagpakatanga na naman ako at pinaglaban yung taong wala namang ibang ginawa kundi sukuan ako,” wala nang ibang maririnig sa kanilang paligid kundi ang iyak ni Cass.
Lumipas ang ilang buwan, ikinasal si Cass sa ibang lalaki. Hindi pa man sila ganoong katagal na magkarelasyon, napagdesisyonan na nilang magpakasal. Dahil na rin sa pag-uudyok ng kanilang mga magulang. Nasa tamang edad na naman sila at pwedeng pwede ng magpakasal kung nanaisin nila.
Noong una, nag-alinlangan pa si Cass, pero naisip niya sa paraang ito ay maaaring tuluyan nang matapos ang kanilang ugnayan ni Renz at baka sakaling pakawalan na talaga siya ng lalaking minamahal. Lubos man niyang minamahal si Renz ay alam niya naman na mali ang kanilang nararamdamang pag-ibig para sa isa’t isa.
Hindi siya kasing tapang at lakas ng binatang minamahal, hindi niya kayang ipaglaban ang kanilang pag-ibig kung ang kapalit nito ay ang saktan ang kanilang buong pamilya. Hindi niya kayang gawin iyon. Sobrang mahal niya ang kanilang pamilya, at handa siyang isuko ang binata at ang sariling kaligayahan para gawin kung ano ang tama.
Habang kinakasal si Cass at ang lalaking napangasawa ay makikita ang unti-unting pagguho ng kakarampot na pag-asa na mayroon sa mga mata ni Renz. Hindi rin mawari ni Renz kung saan siya kumukuha ng lakas at kung paano niya nakayanan na makita ang babaeng pinakamamahal niya na ikasal sa ibang lalaki.
Hindi niya alam kung paano niya nagagawang panoorin na ikasal ang pinakamamahal na babae sa iba ng hindi bumubuhos ang kaniyang mga luha, kung paano niya naitatago ang sakit sa likod ng kanyang mga nakangiting mga labi.
Pagkatapos ng kasal ay agad na umuwi si Renz sa kanyang sariling condo unit sa Ortigas. Doon niya na inilabas ang lahat ng sakit na itinago niya ng buong araw.
Nagpakalunod siya sa alak at kung sino man ang makakakita rito ay talaga namang maawa sa kanyang itsura. Durog na durog. Wasak na wasak.
Bata pa lamang ay alam na nila Cass at Renz na higit pa sa magpinsan ang kanilang nararamdaman para sa isa’t isa. Sinubukan naman nilang pigilan pero nauwi pa rin sila sa isang relasyon.
Sadyang hindi nga raw napipigilan ang puso. Naging sila at itinago nila ang sekretong iyon ng limang taon. Hanggang sa nalaman nga ng mga magulang ni Cass ang kanilang lihim.
Ipinadala siya ng kanyang mga magulang sa France at doon na pinag-aral. Hindi namang magawa ng dalagang makipaghiwalay sa kasintahan kaya naman ay umalis na lamang siya ng walang paalam. Makalipas ang apat na taon ay bumalik na nga si Cass ng Pilipinas at muli na namang nagtagpo ang landas nila ng lalaking iniibig.
Ngunit sa pangalawang pagkakataon ay hindi niya magawang ipaglaban ang lalaking minamahal. Alam niyang pagpinilit nila ang kanilang gusto ay sila rin lang sa huli ang magdudusa, sapagkat umpisa pa lamang ay alam na ni Cass na mali talaga ang kanilang pag-iibigan. Hindi lamang ang sila at ang kanilang pamilya ang masasaktan kung hindi pati na rin ang kanilang magiging mga anak kung saka-sakali. Yun ang dahilan kung bakit hindi magawang lumaban ni Cass.
Bumalik ng France si Cass kasama ang kaniyang asawa at namuhay ng masaya. Samantalang nagpunta naman ng Amerika si Renz at doon nagtrabaho. Ngunit, makalipas lamang ang tatlong taon ay bumalik din ang lalaki sa Pilipinas at muling nanirahan dito.
“Mahal! Pumutok na ata ang panubigan ko! Dalhin mo na ako sa hospital!”
Agad namang namang napatakbo si Renz sa babaeng sumigaw at inalalayan itong sumakay sa kanilang sasakyan at sinugod ito sa hospital. Matapos lamang ang ilang oras ay nailabas na rin ng kanyang asawang si Carla ang kanilang panganay na anak.
Napangiti na lamang si Renz habang pinagmamasdan ang bagong silang na anak. Parang hinahaplos ang kanyang puso at pakiramdam niya ay nawala na lahat ng sakit na kanyang naramdaman sa nakalipas na mga taon.
Labis man siyang nasaktan sa kanyang nakaraan na pag-ibig dahil sa pagkabigo, wala namang papantay sa kasalukuyang kaligayahang kanyang nadarama sa piling ng kanyang bagong pamilya.
Lahat naman tayo ay mayroong mga karanasan na labis tayong nasaktan, sa puntong tayo ay nawasak ng sobra. Hindi natin malaman kung saan tayo nagkulang dahil ginawa naman natin ang lahat para ipaglaban ito, pero sana lagi nating pakakatandaan na ang mali ay mananatiling mali ano man ang mangyari.
Gawin natin ang tama at sa tamang panahon, makakamit din natin ang kaligayahang nararapat para sa atin.