Inday TrendingInday Trending
Tila Ba Singdami Rin ng Butil ng Mais ang Problemang Kinaharap ng Dalagang Ito, Pero Mais Lamang Din Pala ang Magiging Daan Patungo sa Kanyang Tagumpay na Inaasam

Tila Ba Singdami Rin ng Butil ng Mais ang Problemang Kinaharap ng Dalagang Ito, Pero Mais Lamang Din Pala ang Magiging Daan Patungo sa Kanyang Tagumpay na Inaasam

Namulat sa isang mahirap na pamilya si Rachelle, pero lubos pa rin niyang pinagpapasalamat na nagagawa nilang kumain ng tatlong beses sa isang araw.

Ang kanyang ina ay tindera ng isda at gulay sa palengke habang ang kanyang ama naman ay katuwang din ng kanyang ina sa pagbebenta.

Bata pa lamang ay tinuruan na siya ng kanyang mga magulang na magbanat ng buto at tumayo sa sariling mga paa. Sa edad na anim na taon ay natutunan niyang maglako ng mga eco bags sa palengke. Labis na ang kanyang saya kapag kumita ng bente pesos sa isang araw. Ang kanyang mga magulang ang nagturo sa kanya kung paano ang dumiskarte sa buhay.

Di naging sapat ang kinikita ng kanyang mga magulang noon sa kanilang probinsiya kaya’t kinailangan nilang lumisan doon at subukan ang swerte sa lungsod ng Maynila, pero naging mailap ata talaga sa kanila ang kapalaran. Nalubog sa utang ang kanyang pamilya dahil sa mahal ng renta sa bahay at bagong palengke na kanilang inuupahan.

“Anak, pasensya na at asin lamang ang ulam natin ngayon. Pangako pag malaki ang kinita ni nanay, ipagluluto kita ng hotdog at longganisa na paborito mo,” nakangiting sabi ng ina ni Rachelle.

Napakahirap ng kanilang naging buhay subalit pilit pa rin nilang iginagapang ito sa pag-asang darating din ang suwerte sa kanila. Masaya na sila kung minsan ay makapag-ulam sila ng pritong isda o sardinas.

Muling ipinadala si Rachelle ng kanyang mga magulang sa mga kamag-anak sa probinsiya upang doon magtapos ng hayskul. Naging mahirap noong una para sa dalaga ang mapalayo sa kanyang magulang, subalit kanyang nakasanayan na rin ito.

“Pangako ko, darating ang araw na makakaahon ako sa kahirapang aming kinalulugmukan. Balang-araw ay magiging matagumpay din ako,” determinadong sabi ni Rachelle sa kanyang sarili.

Bilang kapalit sa mga hirap at pagpapagod ng kanyang magulang, mas pinagbuti ni Rachelle ang pag-aaral upang masuklian lahat ng sakripisyo ng kanyang magulang.

Bakasyon noon bago pumasok ng fourth year hayskul si Rachelle nang muli siyang isama ng kanyang mga magulang sa bagong bahay na kanilang nirerentahan sa may Sampaloc.

Laking gulat na lamang ng dalaga nang makitang parang kahon ng sapatos ang liit ng kwarto na inuupahan ng kanyang nanay at tatay.

“Nanay, bakit nagtitiis po kayo na umupa sa ganitong lugar gayong kumikita naman na kayo sa bagong pwesto ninyo sa palengke?” tanong ng dalaga.

“Kailangan namin magtipid at mag-ipon anak. Gusto ko kasi na makapagkolehiyo ka at makatapos para hindi na mahirapan ng ganito sa iyong pagtanda,” tugon naman ng ina ni Rachelle.

“Pero nay, hindi ninyo kailangang tipirin ang sarili ninyo ng sobra. Parang limang taong nakaupo lang, puno na agad ang kwarto ninyo sa sobrang liit,” reklamong muli ni Rachelle.

“Basta anak, mag-aral ka lamang ng mabuti. Iyon lamang ang kayamanang pwede naming maipamana sa iyo,” nakangiting sagot ng ginang.

Napatahimik si Rachelle na tila ba ay kung anung kurot ang naramdaman niya sa kanyang puso. Sa ilang araw naman niyang pananatili sa kanilang bahay sa Maynila ay napansin niyang palaging wala ang kanyang ama, kung uuwi man ito ay madaling-araw na.

Hanggang isang araw ay nadiskubre niyang nambababae pala ito at sobrang sugapa na sa alak at sugal. Lingid sa kaalaman niya ay matagal na pala itong alam ng kanyang ina, subalit pinili na lamang na ilihim.

“Paano mo nagawa ito? Ang ipon natin para sa anak natin ay nasaid ng dahil lamang sa kakasugal mo? Alam mo bang kinabukasan ng anak natin ang nakasalalay dito?” malakas na sigaw ng ina ni Rachelle ang bumulabog sa kanilang tahanan isang umaga.

“Pasensya na kayo. Akala ko kasi ay mapapalago ko ang pera natin,” nahihiyang tugon naman ng mister.

Dahil sa sobrang pagkahumaling sa alak at sugal ay pati ang ipon na gagamitin sana ni Rachelle sa kolehiyo ay nagastos na pala ng kanyang ama ng hindi nila nalalaman.

Tuluyan silang iniwanan ng padre de pamilya at saka sumama sa ibang babae na nakilala lamang sa isang club.

Matapos ang pangyayaring iyon ay bumalik na ang mag-ina sa probinsiya upang doon na lamang muling magtinda sa palengke. Kailangan nilang makipagsapalarang muli upang mabuhay sa araw-araw.

Huling taon ni Rachelle noon sa hayskul nang maramdaman niyang hindi na sila muli pang makakabangon. Lalo pang lumubog ang kanyang pamilya sa utang, pero dahil sa sakripisyo at determinasyon ay nakapagtapos pa rin siya ng hayskul.

Ilang linggo matapos ang pagtatapos ay natagpuan na lamang ni Rachelle ang kanyang sarili na umiiyak dahil sa katotohanang hindi siya makakapag-aral ng kolehiyo.

“Ang pangarap ko ba ay mananatili na lamang na pangarap? Sa panaginip na lang ba talaga matitikman ang tagumpay?” awang-awa na tanong ng dalaga sa kanyang sarili.

Labis ang determinasyon ni Rachelle na maiahon ang pamilya’t makapag-aral, kaya halos lahat ng raket ay kanya nang pinasok.

Naging tagabantay siya ng bata minsan kung saan kumikita siya ng walumpung piso bawat araw. Pinasok din niya ang pagiging tindera ng school supplies sa palengke kung saan kumikita siya ng isang daang piso kada araw.

Pinaghusay niya ang kanyang pagtratabaho kaya’t tumagal siya ng halos dalawang buwan din. Napilitan lamang na paalisin siya ng may ari ng tindahan dahil naging mahina na ang kanilang benta simula noong magpasukan.

Matapos noon ay hindi pa rin tumigil sa pagkayod ang dalaga. Pinasok na rin niya ang pagbebenta ng mga pagkain sa palengke. Sinamahan pa niya ng ibang kakanin at meryenda na pumapatok sa mga taong nandoon.

Magkaganun man, di pa rin sapat ang kanyang ipon para makapag-aral ng kolehiyo. Kaya panibagong ideya na naman ang pumasok sa kanyang isipan na makakadagdag sa pera na kanyang kikitain.

Sinubukan niya ang paglalako ng mais sa palengke. Maaga siyang gumigising upang maihanda na ang mga panindang lulutuin. Saktong alas siyete ng umaga ay nakapwesto na siya upang maglako ng madidilaw at matatamis na mais.

Mas malaki ang kanyang kinita noon na halos doble ng kinikita niya kumpara sa ibang raket kaya’t laking saya niya dahil busog na busog ang kanyang pitaka at alkansya sa sobrang laki ng kanyang naiipon. Dahil sa pagtitinda ng mais ay binansagan na din siyang “Bb. Mais” sa palengke kung saan siya naglalako.

Sumapit ang buwan ng Hunyo subalit hindi pa rin sapat ang kanyang ipon.

“Diyos ko, tanging ikaw na lang ang malalapitan ko sa pagkakataong ito. Kung nakikinig ka man, dinggin mo ang aking dalangin,” mahinang dasal na kanyang

Hindi naman siya binigo ng Diyos sa kanyang panalangin. Ilang araw bago magpasukan ay nakatanggap siya ng sulat mula sa sa alkade ng kanilang bayan. Siyang ipinatatawag para sa isang miting.

Isang iskolarsyip pala ang ibinibigay sa kanya dahil sa angking talento niya sa pagsulat. Magaling na manunulat siya noong hayskul sa dyaryo ng kanilang paaralan at swerte namang nabasa ng alkalde ang ilan sa kanyang mga gawa.

“Nabanggit sa akin ng iyong ina na baka hindi ka makapasok ngayong darating na pasukan dahil sa problemang pangpinansyal, tama ba hija?” tanong ng alkalde.

“O-opo, pero nagtatrabaho din po ako upang may ipangdagdag sa aking mga pangangailangan,” magalang na sagot naman ng dalaga.

“Natutuwa ako sa ipinapakita mong determinasyon, kaya’t sana ay maging malaking tulong ang iskolarsyip na ito sa’yo at sa iyong ina. Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral at malayo pa ang mararating mo,” nakangiting sabi ng alkalde sa dalaga.

Tinulungan ng alkalde si Rachelle na makapasok sa isang magandang paaralan. Bukod sa pinansyal na tulong ng mayor ay nag-alok din ng isa pang iskolrsyip ang paaralan sa dalaga upang wala na siyang bayaran sa kanyang matrikula, pero kapalit nito ay ang serbisyo niya sa paaralan.

Tuwing bakanteng oras ay nagsisilbi siya sa canteen, paminsan-minsan ay sa library ng school o kaya naman ay assistant ng mga dean ng paaralan.

Sa tuwing magkakaroon ng araw ng pahinga at gumigising pa rin ng maaga si Rachelle upang magbenta pa rin ng mais. Tila ba nasa sistema na niya ang magbenta nito sa tuwing walang pasok.

Taong 2018, habang tinatanggap ni Rachelle ang diploma sa entablado ay labis na luha ang timutulo mula sa kanyang mga mata. Napakadami na rin ng kanyang pinagdaanan upang makamtan lamang ang inaasam na pangarap.

Nakagraduate siya sa kursong Bachelor of Science in Business Administration at nagpapatakbo na ngayon ng sariling negosyo. Lahat ng kanyang naipon sa pagbebenta ng mais ay kanyang ipinuhunan upang makapagbukas ng negosyo.

Naging matagumpay siya at naging mabenta ang negosyo na kanyang pinatayo kung saan mais at iba’t ibang kakanin ay mabibili. Unti-unti ay natutupad na ang kanyang mga mithiin.

Pumanaw naman na ang kanyang ama anim na buwan lamang matapos siyang magtapos. Kahit na ganoon ang ginawa ng kanyang ama sa kanila ay alam niya na sa kaibuturan ng kanyang puso ay napatawad na niya ito.

Madami man siyang pinagdaanan sa buhay, madami man naging hadlang para makatapos siya, kahit kailan ay hindi niya naisipan ang sumuko. Itinuloy lamang niya ang laban. Dahil ang bawat isa sa atin na may pangarap, ay hindi dapat tumigil hangga’t hindi natin ito nakukukuha.

Sa ngayon ay hindi pa rin tumitigil si Rachelle sa pagbubukas ng mga bagong negosyo. Ang dating tindera ng mais lamang noon, isa nang matagumpay na businesswoman ngayon.

Advertisement