Hindi Kasundo ng Babae ang Biyenan Niya, Nang Sumalangit ang Kanyang Mister ay May Hiwagang Naganap
Simula nang maging mag-asawa ni Mona si Rey ay kasama na nila sa bahay ang kaniyang biyenan. Maaga kasing nawala ang tatay ng lalaki noon kaya naman siya na ang nag-alaga sa kaniyang nanay.
Katulad ng marami ay naging napakahirap din ng pakikisamang ginagawa ni Mona sa ale para lamang hindi sila sumabog sa iisang bahay.
“Mona, yung mga bata nga paliguan mo na. Tanghali na ay mas inuuna mo pa iyang pakikipag-chismisan!,” sigaw ni Aling Fina.
“Opo ma,” maiksing sagot ng babae.
“O ayan na naman yung biyenan mo, bilisan mo na bago ka pa ratratin niyan,” wika ni Melissa, kapitbahay ng babae.
“Naku, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, mukhang hindi na darating na magkakabati kami,” saad niya sa babae at natawa na lang.
Pagpasok niya sa bahay ay nakita niyang pinupunasa na ng tuwalya ni Aling Fina ang panganay na anak ng babae.
“O, sabi ko naman po ako na magpapaligo sa mga bata,” wika ni Mona.
“Hihintayin pa kitang matapos ang chismisan niyo? Anong oras na o, sabi ng doktor ay hindi maaring tanghaliin ng ligo ang bata kasi mainit na. Wala kang pinagkatandaan,” baling sa kaniya ng ale.
“O tapos ganyan, ang dami dami niyong sasabihin kapag kayo ang nagpapaligo. Hirap naman kasi sa inyo ay lagi niyo akong pinapangunahan pagdating sa mga anak ko,” pahayag ni Mona at kinuha ang isa pa niyang anak na tatlong taong gulang.
“Kung makapagsalita ka akala mo naman ay hindi para sa ikakabuti nila ang ginagawa ko, nagmamalasakit lang ako sa mga apo ko at kung ayaw mo yun edi huwag!” galit na sagot ng ale.
Napailing na lang si Mona dahil alam niyang makakarating na naman ito sa kaniyang asawa at mapagsasabihan na naman siya mamaya. Dahil doon ay parehas nilang hinintay si Rey na umuwi, halos magha-hatinggabi na rin ngunit wala pa ang lalaki.
Hindi nila inaasahan na iyon na pala ang huling araw ng kaniyang asawa sa lupa, nahold-up ang ibina-byaheng taxi ng kaniyang asawa at natagpuan na lang itong walang buhay sa loob.
“Ma, kain na,” saad ni Mona sa matanda at ibinigay ng lugaw.
“Ayaw ko niyan, baka may lason. Baka unti-unti mo na akong nilalason dahil wala na ang anak ko, wala na akong silbi sayo. Pabigat na lang ako,” sagot ng ale at nakitang niyang umiiyak ito.
“Ma, hindi po totoo iyan. Kahit araw-araw tayong nag-aaway noon ay mahal na mahal kita, kaya kumain ka naman na po o,” sabi ni Mona.
Hindi nagtagal ay napilit rin niya ang ale, halos tatlong araw na itong hindi kumain simula nang malibing nila si Rey. Naiitindihan niya na napakasakit nang pinagdadaanan ng kaniyang biyenan, walang kahit sinong magulang ang gusto na mauna ang anak nila sa hukay. Ngunit hindi siya maaring magpadala sa lungkot dahil kailangan niyang kumayod.
Agad na nagtrabaho si Mona, dahil maganda pa naman ang kaniyang pangangatawan ay pumasok siyang muli sa pagmo-modelo ng mga sasakyan. Ito lang ang naiisip niyang paraan upang mapunan ang kanilang mga gastusin, hindi kasi kaya ng minimum na sahod upang mabuhay niya ang dalawang anak at ang biyenan.
“Ano ba iyang mga suot mo! Para kang walang anak. Kung narito lang si Rey ay baka nag-away na kayo. Ang pangit-pangit ng trabaho mo,” iritang-iritang saad ni Aling Fina.
“Alam mo ma, kung andito lang si Rey ay malamang hindi po ako nagtratrabaho at nag-aaway lang tayo dito sa bahay. Sige na po papasok na ako, kayo na ang bahala sa mga bata ha,” wika ni Mona sabay mano sa matanda.
Pilit na lang iniintindi ng babae ang kaniyang biyenan at iniisip na magbabago din ito kapag humupa na ang sakit ng pagkawala ni Rey.
Lumipas ang isang taon at nakilala ni Mona si Eric, pinigilan man niya ngunit muling tumibok ang puso sa lalaki.
“Grabe ka naman Mona, isang taon pa lang nawawala si Rey agad mo na siyang napalitan? Anong klaseng babae ka, anong klaseng asawa ka,” galit na pahayag ni Aling Fina sa babae nang ipaalam niya dito na nobyo na niya si Eric.
“Ma, sana maintindihan mo. Ginagawa ko rin ito para may makatulong ako sa mga gastusin ko sa bahay. Mahal ko si Rey at alam nang Diyos iyan, pero masama bang umibig ulit? Mahal ko si Eric Ma, sana respetuhin mo po iyon,” paliwanag ni Mona sa matanda.
“Sino ba naman akong matandang palamunin para pagsabihan ka, sige na. Ihahanda ko na ang mga gamit ko dahil alam kong isang araw ay papalayasin mo na ako kapag may bago ka nang pamilya,” baling ni Aling Fina.
Hindi na lang nagsalita si Mona at pumasok na lang ito sa trabaho. Sa kanila na rin natutulog paminsan-minsan si Eric upang matanggap ng mga bata at ni Aling Fina.
Isang araw, gabi na noon at kakauwi lang ni Mona mula sa trabaho. Agad niyang sinilip ng mga bata at nakitang tulog na ang mga ito. Nagtataka naman siyang wala sa salas si Aling Fina, doon na kasi ito natutulog simula noong mawala si Rey.
“Ma, nakauwi na ako, saan ka po?” wika ng babae. Agad siyang nagpunta sa likuran at naabutan na sinasaktan ni Eric ang matanda.
“Eric, anong ginagawa mo kay mama?” galit na pahayag ng dalaga nang makitang umiiyak ang ale sa isang tabi.
“Napakasama kasi ng bibig, hindi daw niya ako matatanggap bilang asawa mo. Akala mo naman kung sino makapagsalita e wala namang kwenta, pasalamat nga siya at kinukupkop mo pa. Gusto mo ba bugbugin na lang natin yan para makabawi ka na rin sa lahat ng hirap mo,” sagot ni Eric sa kaniya.
“Lumayas ka ngayon din! Baka ikaw pa ang bugbugin kong hayop ka,” sigaw ni Mona sabay yakap kay Aling Fina.
“Mas pipiliin mo pa iyang palamunin na iyan kesa sa akin?” hindi makapaniwalang tanong ni Eric.
“Oo! Mas pipiliin ko siya at paulit-ulit kong pipiliin ang matandang ito kaya lumayas ka na bago pa magdilim ang paningin ko,” sigaw muli ni Mona.
Mabilis na nakaalis si Eric at tinulungan niyang makapag-ayos si Aling Fina.
“Ma, sorry ha. Nasaktan pa kayo ng hayop na iyon,” pahayag ni Mona habang sinusuklayan ang matanda.
“Bakit hindi mo na lang ako pinalayas at pinili mo siya? Wala naman akong silbi at palamunin talaga, wala na rin naman si Rey kaya wala nang pipigil pa sayo para mag-asawa ulit,” wika ni Aling Fina.
“Alam mo Ma, kahit wala na si Rey ay nanay ko pa rin po kayo. Kayo kaya ang the best lola sa buong mundo, saka wag niyo pong isipin na wala kayong kwenta dahil kahit mahirapan po akong alagaan kayo ay hindi ko po kayo susukuan. Mahal ko kayo Ma,” baling ng babae at niyakap niya ang ale.
“Saka aanhin ko ang ganoong klase ng lalaki? Mas gugustuhin ko pang kumayod na lang nang kumayod kaysa naman binibugbog niya tayo,” dagdag pa niya.
“Ang swerte ko pala talaga,” natatawang sagot ng ale. Sabay na din silang tumawa at natulog nang magkatabi.
Doon napatunayan ng ale na napakabuting babae ni Mona at mas naiintindihan na niya ito ngayon. Hindi na rin niya inaaway pa ito at mas tinulungan pa niya lalo sa mga gawaing bahay. Ngayon ay masaya silang nagsasamang apat.