Siomai at Kanin Lang Lagi ang Kinakain ng Lalaki Kahit Malaki ang Sweldo, Nakakamangha ang Kanyang Dahilan
Nakasanayan na nang marami sa atin na kumain ng masarap lalo na kapag araw ng sweldo, ito na daw ang pinakapabuya nating maituturing sa araw-araw na pagtratrabaho.
“Artemeo, tara na. Mag-lunch tayo sa labas, pasok na raw ang sweldo. Sakto may bagong bukas na korean restaurant sa tapat,” wika ni Miguel, ka-trabaho ng binata.
“Hindi na, kayo na lang kasi may baon naman ako kaya sa canteen na lang ako kakain,” sagot ni Artemeo dito.
“Huwag mong sabihin na na siomai with rice na naman iyang pagkain mo?” tanong pang muli ni Miguel
“Paano mo nalaman! Gusto mo pa yatang makihati sa baon ko,” pabirong sagot ng binata dito.
“Diyos ko naman Artemeo, magdadalawang taon na tayong magkasama sa trabaho. Simula’t sapul ayan na ang kinakain mo. Kung hindi iyan ay gulay at kanin o kahit na anong hindi lalagpas sa isang daang piso. Malaki naman ang sahod mo pero bakit hindi ka kumakain ng masarap kahit minsan lang?” baling pang muli ni Miguel.
“Sige na, kumain na kayo at saka mo na lang ako awayin. Sayang ang lunch break,” taboy ng binata sa lalaki.
Hindi lamang si Miguel ang nakakapansin ng ganoong gawain ng binate, nakilala na nga siya sa opisina nang dahil sa kaniyang baon. Palaging gulay o di kaya naman pang agahan ang baon ng binata pero mas madalas na kainin nito ay siomai rice.
Hindi rin niya ito tinatago sa maraming tao at taas noo pa siyang kumakain kasabay ng ibang katrabaho na may masasarap na ulam. Palagi niyang dahilan na nagtitipid siya kaya ganon palagi ang pagkain niya.
“Grabe talaga iyang si Artemeo o, soimai rice na naman ang pagkain. Araw naman ng sahod, sobrang hirap ba niya para ganyan lagi at hindi niya kayang bumili ng pagkain na masarap?” bulungan ng babae ngunit masyadong itong malakas dahil dinig na dinig pa rin ng binata at natawa na lamang siya saka pa niya lalong binuksan ang kaniyang pagkain.
“Paano ba kita sasagutin niyan? Mukhang mahirap ka pa sa daga!” wika ni Dolly.
“Excuse me, ikaw ang may gusto sa akin. Saka tigilan mo na ako Dolly dahil hindi kita liligawan,” sagot ng lalaki.
“Hindi mo ako liligawan kasi wala kang pera o hindi mo ako liligawan kasi hindi mo afford ang magka-nobya?” tanong ng babae.
“Both,” sagot ni Artemeo.
Natawa na lang ang dalaga at sabay na kumain. Halos sabay na natanggap sa kumpanya sina Dolly at Artemeo, maaga pa lang din ay agad na nagtapat ng pag-ibig si Dolly sa binata ngunit hindi ito umubra dahil marami pa raw aasikasuhin ang binata bago ang puso nito.
“Artemeo sabay na tayong umuwi, mag-kape naman tayo. Huwag kang mag-alala libre ko, kailangan ko lang ng kausap,” pahayag ni Dolly sa binata.
“Sige, basta libre ay maasahan mo ako diyan,” sagot naman ni Artemeo dito.
Agad silang nagpunta sa mamahaling coffee shop, nag-order si Dolly ng dalawang kape at cake. Tapos ay umupo at nagkwentuhan.
“O tama na ang daldal ko, baka pwedeng ikaw naman ang magkwento sa akin tungkol sayo at diyan sa buhay mo,” saad ng dalaga.
“Naku, sabi ko na e. May kapalit ang libre na ito,” baling naman ng binata.
“Ito naman, gets ko naman na hindi mo ako type at magkaibigan lang tayo. Ano ba yung magkwento ka man lang kung bakit ka ganyan ka-barat sa sarili mo, wala ka namang pamilyang binubuhay. Kaunti na lang kasi iisipin kong may anak ka na sa sobrang pagtitipid mo diyan sa sarili mo,” wika ni Dolly dito.
“Alam mo hindi naman sa hindi kita type, gusto kita Dolly. Gusto ko yung personalidad mo at gusto kong makilala ka pa pero kailangan ko ring aminin na hindi ko pa talaga kaya,” baling ng lalaki.
“Hala siya, e ang laki ng sahod mo paanong hindi mo kaya?” saad ni Dolly.
“Tama ka, wala pa akong pamilya. As in wala, galing lang akong bahay ampunan. Inampon ako ng mga magulang ko na nasa birth certificate ko pero pinalayas din nila ako kaagad simula noong nagkaanak sila. Matatapos na ako sa kolehiyo noon at wala naman na akong mahihiling pang iba sa kanila kundi patapusin sana ako kaso hindi na daw talaga nila kaya, ako na lang kusa ang umalis,” sagot ni Artemeo.
“Natulog ako sa mga kaklase ko, teacher ko at sa mga eskenita para lang mabuhay kaya naman noong nakapagtapos na ako at nakahanap ng trabaho ay wala akong ginagawa kundi ang mag-ipon,”
“Nakatira lang ako ngayon sa bed space at tabi pa ng riles ng PNR kaya sobrang mura pero mapapamura ka rin sa gulo ng lugar,” dagdag pa nito.
“O mura naman pala ang bahay mo bakit hindi ka kumain ng masarap,” tanong ni Dolly dito.
“Kasi simula din nang sumahod ako ay inipon ko na ito lahat sa bangko para tumubo ng interest, Ang iba ay pinapautang ko sa mga kapitbahay, ako ang bumbay nila doon. Sa paraang iyon ay nakakaipon ako para makuha ko na yung bahay na rent to own, bago ako mag 26 anyos ay tapos ko na iyon at hindi na ako mag-aalala pa sa tutuluyan ng magiging pamilya ko,”
“Mas gugustuhin kong makuntento sa siomai rice na pinagtatawanan niyo basta makapag-ipon ako para sa pamilyang itatayo ko. Ayaw ko na kasing maranasan nila ang naranasan kong hirap,” paliwag pa ni Artemeo.
“T*ngina to, pinaiyak mo ako! Sobrang swerte ko pala sayo pag nagkataon dahil may bahay na agad tayo pag niligawan mo na ako,” sagot ni Dolly at nagtawanan ang dalawa.
Tinitigan lamang ng babae ang lalaki at sobra siyang namamangha sa dedikasyon nito para sa pamilya. Hindi siya kagaya ng ibang lalaki na basta na lamang titikman ang sarap tapos bahala na sa hirap. Pinagtatawanan man ito ng marami dahil sa pagkain nitong mumurahin, hindi naman nila alam na di hamak na mas mayaman ito.
Ngayon ay magkasintahan na ang dalawa at nakuha na rin ni Artemeo ang minimithing bahay. Sabay na nilang pag-iipunan ang mga susunod na gastusin para sa kanilang magiging pamilya.