Tinapakan ng Dalaga ang mga Chicken Neck na Paninda ng Manliligaw Niya, Laglag ang Panga ng Babae nang Mabunyag ang Isang Lihim
Mula sa probinsya ay lumipat si Mary sa Maynila upang mamasukan bilang tindera ng isang ukay-ukay. Pinatos na niya iyon basta lang makaluwas. Tutal ay panandalian lang dahil naniniwala siyang makabibingwit agad siya ng mayamang lalaki at iyon ang mag-aahon sa kaniya sa kahirapan.
Maraming nahumaling sa babae dahil sa taglay na ganda niya, ngunit mabait lamang siya kapag may pera at gwapo ang lalaki.
“Hoy ikaw Roberto, tigilan mo na iyang kaka-text mo sa akin. Mamaya niyan ay isipin pa ng misis mo na babae mo ako, Diyos ko naman hindi ako papatol sayo,” saad ni Mary sa lalaking nagtitinda ng tsinelas na katabi ng kanilang pwesto.
“Hindi naman kami kasal Mary, baka naman pwedeng tayo na lang,” baling pa ng lalaki.
“E kung isaksak ko kaya sa mata mo itong panungkit nang magising ka? Gwapo lang at mayaman ang gusto ko, ni isa wala ka doon kaya huwag ka nang umasa,” sagot pa ng dalaga.
Nanahimik na lang ang lalaki at bumalik sa pagtitinda. Hindi niya alam na lihim rin siyang gusto ni Badong, ang lalaking nagtitinda ng chicken neck sa tapat ng kanilang pwesto.
Simula noong pumasok si Mary sa ukay-ukay ay araw-araw nya itong pinapadalhan ng kaniyang tinda at tinatanggap naman ng dalaga.
“Mary, para sayo o. Baka gusto mong ituwang ang chicken neck na ito diyan sa ulam mo, bagong luto. Sinamahan ko na rin pala ang softdrinks baka nauuhaw ka na e,” pahayag ni Badong.
Agad naman na tinanggap ng babae ang bigay ng binata.
“Hoy, Badong, itong mga pabigay-bigay mo ng leeg ng manok ay hindi uubra sa akin. Baka mamaya isipin mo nagpapaligaw na ako sayo,” wika ng babae.
“Akala ko nagpapaligaw ka na sa akin kaya tinatanggap mo palagi yung mga bigay ko,” sagot ni Badong sa babae.
“Alam mo Badong kahit sinong babae ngayon ay hindi na tatanggi sa libre. Saka ayaw kong saktan ka sa ganun, gwapo ka Badong pero wala akong magiging kinabukasan sa mga paleeg-leeg na ito,” baling pang muli ni Mary saka tinapak-tapakan ang bigay ng binata.
“Hindi ako papatol sa mga katulad mo, dahil kahit na gwapo ka ay hindi ako mabubusog sa chicken neck lang,” dagdag pa ng dalaga.
“Napakasakit mo naman magsalita. Hindi mo kailangang tapakan iyang tinda ko at sana hindi mo na lang din ako ininsulto ng ganito dahil pwede naman tayong maging magkaibigan,” baling pa ni Badong dito.
“Ay hindi, baka mamaya ay utangan mo lang ako. Saka ayaw ko rin sa mga walang kwentang kaibigan na hindi ko matatakbuhan sa pera,” saad pa ni Mary.
Hindi na sumagot pa si Badong at bumalik na lang sa kaniyang pwesto. Simula din noon ay hindi na nag-usap ang dalawa.
Dalawang buwan na rin ang nakalipas, pinatawag si Mary ng kaniyang amo.
“Mary, pakibigay mo nga itong upa ng pwesto natin sa lalaki diyan sa tapat,” pahayag ni Aling Marta, ang amo ng dalaga.
“Kanino po? Doon ba sa magandang bahay madam?” nakangiting tanong ng babae.
“Naku hindi dun, matanda na may-ari nun. Dun sa binata na gwapo,” sagot pang muli ng Aling Marta.
“Alam ko na madam, doon sa lalaking nasa hardware shop? Yung intsik? Teka lang madam ha, magbibihis lang ako maganda,” baling pang muli ni Mary sa kaniyang amo.
“Hindi, doon sa lalaking nagtitinda ng chicken neck, si Badong,” saad ng babae.
“Bakit sa kanya madam? Boss din ba niya ang may-ari ng pwesto natin?” naiiritang tanong ni Mary.
“Loka-loka, iyon kamo ang may-ari. Siya may-ari ng talipapa na ito at isa sa mga negosyo niya yung chicken neck. Ibili mo na rin ako ng sampu,” wika pang muli ng ale.
“Madam, seryoso kayo? Baka naman alam niyong binasted ko yung tao kaya pinagtritripan niyo po ako,” saad ng dalaga.
“Ha? Niligawan ka nun? E malas ka, nagpakawala ka ng pera, mayaman yun si Badong,” baling ni Aling Marta at natawa na lang ito.
Natulala si Mary sa kaniyang nalaman at tinanaw ang gwapong si Badong, naisip niyang baka hindi pa huli ang lahat.
“Badong, ito na pala ang bayad namin sa renta. Saka pabili na rin sana ako ng chicken neck, ikaw naman hindi mo sinabing mayaman ka pala edi sana,” pahayag ng babae.
“E di sana ano? Naging mas maayos ang pakikitungo mo sa akin? Pera lang ba ang mahalaga para sayo Mary? Dahil sa akin hindi, mas mahalaga sa akin ang ugali ng isang tao,” sagot ni Badong sa kaniya.
Hindi na napagtagumpayang akitin muli ni Mary si Badong at lumipas na rin ang limang taon ay wala pa siyang nakikilalang mayaman na mag-aahon sa kaniya sa kahirapan.