Nangholdap ng Ginang ang Binata Upang May Pangdate Sila ng Kanyang Nililigawan, Hindi Niya Inaasahang Magkikita pa Muli Sila ng Ninakawang Babae
Sadlak sa kahirapan ang nakagisnang buhay ni Jopet. Bunso siya sa apat na magkakapatid, at lahat ng kapatid niya’y may sari-sarili nang binubuhay na pamilya. Siya na lamang ang natira sa kanilang bahay kasama ng kanyang amang pumapasada ng tricycle, at ang inang labandera sa kanilang baranggay.
Sa apat na magkakapatid, tanging si Jopet lamang ang nakatuntong ng kolehiyo. Siya lamang kasi ang nag-iisa sa apat na magkakapatid na nahilig sa pag-aaral, kaya naman todo sikap pa rin ang kanyang mga tumatandang magulang para lamang matustusan ang kanyang mga pangangailangan. Gayunpaman, saktong-sakto lang din ang kinikita ng dalawa para sa pag-aaral ni Jopet at para sa araw-araw nilang pangangailangan.
Huling semestre na ni Jopet sa kolehiyo. Kaunting-kaunti na lamang ay makakapagtapos na siya ng pag-aaral at sa wakas ay makakatulong na sa kanyang mga magulang. Ngunit sa huling semestre na iyon, doon niya nakilala ang napakagandang binibini na si Maricel. Dahil nasa wastong edad naman na ang binata, naisipan niyang ligawan ang dilag na napag-alaman niyang bagong lipat pa lamang pala sa kanilang eskwela.
“Pare, sigurado na ako. Liligawan ko na si Maricel,” kwento ni Jopet sa kaibigang si Mark.
“Sigurado ka? Nako, p’re! Mayaman ang pamilya ni Maricel. Baka hindi ka pansinin noon kapag hindi mo napantayan ang binibigay ng mga manliligaw niya sa kanya,” sagot ni Mark.
“Para ka namang hindi kaibigan e! Wala ka bang tiwala sa’kin? Makikita mo!” natatawang sagot ni Jopet.
Kinabukasan, maagang pumasok sa eskwela si Jopet. Suot niya ang natatanging maayos na polo na ibinili sa kanya ng inang si Tonya noon. Nang makita si Maricel na naglalakad sa corridor ng eskwela, naglakas loob na siyang lapitan ito.
“Maricel? Pwede ka bang mayayang lumabas mamaya? May aaminin kasi sana ako sa’yo e,” aniya.
“Mamaya? Sorry, Jopet. Naka-oo na kasi ako kay Jerry e. Pwedeng-pwede naman sa susunod,” sagot ng dalaga.
Labis ang panlulumo ni Jopet. Hindi niya alam na kasalukuyan palang nililigawan ng pinaka-mayamang binata sa kanilang eskwela na si Jerry. Nang lumakad nang papalayo si Maricel, agad siyang nilapitan ng kaibigan si Mark na kanina pa pala nanonood sa kanila.
“Ano, pare? Sabi sa’yo e. Ang alam ko, sa isang mamahaling restawran niyaya si Maricel ni Jerry. E kung ikaw, baka sa isawan mo lang siya dalhin!” panunukso ni Mark sa kaibigan.
Hindi na nakasagot pa si Jopet. Agad na itong nagpaalam na uuwi na lamang siya ng maaga matapos ang kanilang klase.
Habang naglalakad pauwi at malalim na nag-iisip, umagaw sa pansin ni Jopet ang isang mayamang babae na nag-aabang ng taxi sa harapan ng isang maliit na grocery store. Napansin niyang walang katao-tao sa paligid, at wala masyadong nagdaraang mga sasakyan ng mga oras na iyon.
Dala ng labis na kagustuhang mapasagot si Maricel, isang masamang plano ang nabuo sa kanyang isip. Dali-dali niyang inilabas ang maliit na kutsilyong madalas niyang baon.
“Holdap ‘to! ‘Wag na ‘wag kang kikilos, kundi ay ituturok ko ito sa’yo. Akin na ang lahat ng alahas at wallet mo!” bulong ni Jopet sa ginang habang nakaakbay rito.
Sa takot ng ginang, dali-dali itong sumunod sa lalaki. Nang maiabot na ang lahat sa kanya, nagmadali na rin si Jopet na umalis at umuwi sa kanilang bahay.
Kinabukasan, agad niya muling niyaya si Maricel. Gawa ng perang nakubra niya sa masamang gawain noong nakaraang araw, nagawa niyang makapagpa-reserve sa isang mamahaling kainan. Pumayag naman ang dalaga dahil wala naman siyang gagawin sa araw na iyon.
“Maricel, maaari ba kitang ligawan?” agad na tanong ni Jopet habang kumakain sila ng dalaga.
“Alam mo ba? Matagal na kitang gusto, Jopet. Bilib kasi ako sa sipag at talino mo. Alam ko ang estado mo sa buhay, kaya’t hangang-hanga ako sa pagsisikap mong makatapos ng kolehiyo,” sagot ni Maricel.
“At isa pa, sa susunod na date natin, pwede bang sa iba naman tayo? Ayoko na sa mga ganitong lugar e! Nakakasawa na. Lahat ng mga manliligaw ko ay dito ako dinadala. Sa totoo lang ay mas gusto ko pang subukan ‘yong mga street foods e!” dugtong pa ng dalaga habang malaki ang ngiti sa kanyang mga labi.
Hindi makasalita si Jopet sa kilig. Hindi niya akalaing ganoon pala ang nararamdaman ng dalaga para sa kanya, at lalong hindi niya inaasahan na hindi naman pala ito nadadala sa mamahaling mga gamit at pagkain.
Matapos ang araw na iyon, ilang buwan niya pang niligawan si Maricel. Tulad ng kagustuhan ng babae, madalas ay dinadala niya ito sa mga bilihin ng street foods. Isaw, fish ball, kwek-kwek, lahat ng iyon ay nasubukan nila. Tuwang-tuwa si Maricel dahil sa tanang buhay niya’y si Jopet pa lamang ang nakapagdala sa kanya sa mga ganoong kainan.
Makalipas ang tatlong buwan, sa wakas ay nakamit na ni Jopet ang matamis na oo ni Maricel. Sa loob din kasi ng tatlong buwan na iyon, napagtanto ng dalawa na sobrang “compatible” sila sa isa’t isa. Siguradong-sigurado na si Maricel na pang-seryosohan na si Jopet. Kaya naman napagkasunduan nilang dalawa na sa wakas ay ipakilala na si Jopet sa mga magulang ng babae.
“Mommy? Daddy? Si Jopet po, ang aking nobyo,” pakilala ni Maricel sa harap ng kanyang mga magulang.
Namutla ng labis si Jopet. Hindi niya akalain na sa oras na iyon pa niya nakitang muli ang ginang na hinoldap niya noon. Ang nanay pala ni Maricel ang ginang na ninakawan niya ng pera at mga alahas dati.
“Jopet? Parang kilala kita… Teka…” wika ng nanay ni Maricel.
Nais pa sanang magsinungaling ni Jopet, ngunit para bang isang anghel ang bumulong sa kanya na magsabi na ng totoo sa mga oras na iyon.
Gulat na gulat si Maricel at ang kanyang nanay at tatay nang bigla na lamang lumuhod si Jopet sa harapan nila.
“Patawarin niyo po ako! Opo, nagkakilala na tayo. Hindi sa magandang paraan, dahil ako po ang binatang na nangholdap sa inyo noong nakakaraang buwan,” umiiyak na pag-amin ni Jopet. Ipinaliwanag niya ang lahat: na nagawa lamang niya iyon upang makuha ang loob ng dalaga, dahil takot itong maunahan ng ibang mayayamang manliligaw ni Maricel. Agad na nanlaki ang mata ng tatlo sa narinig na rebelasyon.
Nabasag ang katahimikan nang bigla na lamang humalakhak ang ama ni Maricel na si David.
“Susmaryosep, Maricel! Masyado mo bang iniidolo ang love story namin ng mommy mo?” natatawang sabi ni David sa anak.
“Po?” sabad ni Jopet.
Ikinuwento ng mag-asawa na ganoong-ganoon din sila nagkakilala noong kabataan pa nila. Galing kasi sa mayamang pamilya ang nanay ni Maricel, habang ang ama niyang si David ay mula sa mahirap na pamilya lamang. Halos parehong-pareho ang nangyari sa dalawa, kaya hindi mapigilan ni David ang labis na paghalakhak sa pangyayari.
“Alam mo, Jopet? Nakikita ko ang sarili ko sa’yo. Katunayan ay madalas ko ring makita ang pangalan mo sa mga nangunguna sa eskwela ninyo ni Maricel. Alam kong may maganda kang kinabukasan dahil sa sipag at tiyaga mo sa pag-aaral. Ngunit isa lamang ang sasabihin ko bago mo makuha ang pagsang-ayon ko sa relasyon ninyo,” wika ni David.
“Ano po ‘yon?” tanong ni Jopet.
“Mangako kang hindi ka na uulit sa ginawa mo. Matagal ko ring pinagsisihan ang ginawa kong ganyan noon. Matapos noon ay nagsumikap ako sa buhay, at kailanma’y hindi na umulit pa sa paggawa ng masama sa ibang tao,” ani David.
“Makakaasa ba kami sa’yo?” tanong naman ni Erika, ina ni Maricel.
“Pinapangako ko po. Mahal na mahal ko po ang anak ninyo. Malaki po ang paghanga ko sa inyo dahil sa kabila ng estado ninyo sa buhay, napalaki niyo pong mabait at mapagkumbaba si Maricel. Kaya ipinapangako kong gagawin ko ang lahat upang hindi kayo magsisi kung sakaling ipagkatiwala ninyo sa akin ang anak ninyo,” sagot ni Jopet dito.
Tuluyan ngang binasbasan ng mga magulang ng dalaga ang relasyon nilang dalawa. Makalipas ang tatlong taon lamang, isa nang matagumpay na accountant si Jopet. Nang dahil sa sipag at talino, sinamahan pa ng kagustuhang maisakatuparan ang mga pangako niya sa mga magulang ni Maricel, mabilis niyang nakamit ang tagumpay sa buhay.
Matapos mabilhan ng sariling bahay, mabigyan ng sariling negosyo, at mabigyan ng maginhawang buhay ang kanyang sariling mga magulang, naisipan ni Jopet na yayain na ng kasal ang kasintahan. Hindi naman nakakagulat na agad itong pumayag. Si Maricel din kasi ang naging saksi sa pagkamit ni Jopet ng tagumpay.
“Maraming salamat po sa pagpapatawad sa akin noon. Salamat din po at pinagkatiwalaan ninyo ako sa kabila ng mga maling desisyon ko noon,” wika ni Jopet sa mga magulang ni Maricel nang ihatid nila ang babae sa gitna ng altar.
“Walang anuman. Ramdam naming mabuti kang tao. Kaya’t ngayon ikakasal na kayo, huwag na huwag mo sana kaming bibiguin sa pag-aalaga sa aming unica hija,” sagot ng dalawa at iniabot ang kamay ni Maricel sa lalaki.
Sa wakas ay naikasal na ang dalawa. Ipinangako ni Jopet sa sarili, at maging sa kanyang asawa, na kailanma’y hinding-hindi na siya gagawa ng kahit na anong masama laban sa kanilang kapwa. Dahil para sa kanya, maituturing niyang naging napaka-swerte niya. Alam kasi niyang hindi lahat ng nagkasala ay may “happy ending” na gaya niya.