Lahat ay Hanga sa Pagmamahalan ng Magkasintahang Palaging Nagpopost sa Social Media, Laking Gulat Nila nang Malaman ang Katotohanan
Dalawang buwan pa lamang magmula nang sagutin ni Diane ang kanyang manliligaw na si Justin, ngunit hindi ito mapaghahalataan dahil sa dami ng kanilang mga posts na litrato at kung ano-ano pang mga nakakakilig na mensaheng nababasa ng publiko. Lahat-lahat, mula sa pagkain nila sa labas hanggang sa pagtulog nila ng magkasama, lahat ng iyon ay dokumentadong-dokumentado sa Facebook at Instagram ng dalawa.
Dumami ang mga tiga-hanga at tiga-subaybay ng dalawa mula nang i-post ni Justin ang bonggang sorpresa na inihandog niya kay Diane sa kanilang unang buwan ng pagiging mag nobyo at nobya. Bukod sa sandamakmak na tsokolate at rosas, isang madamdaming tula kasabay ng ilang bandang inarkila ni Justin ang humarana noong gabing iyon sa tapat ng bahay ng dalaga. Ang lahat ng iyon ay kuhang-kuha sa video sa cellphone ng binata. Mula nang i-upload niya iyon sa Facebook at napansin niyang sandamakmak ang humanga sa kanila, hindi na nila tinantanang dalawa ang paglalagay ng lahat ng ganap nilang magkasintahan sa lahat ng social media nila.
“Wow! Ang swerte naman ni ate. Parang deds na deds si kuyang pogi sa kanya oh! Sana all,” komento ng isang netizen sa kanilang post.
Lumipas pa ang ilang buwan, at patuloy pa rin ang naging gawi ng dalawa. Tila ba nagkakasundo sila sa pagtingin kung gaano na karami ang likes ng pictures na kanilang pinopost sa social media. Ilang mga kompanya, stores, at online shops na rin ang kumo-kontak sa dalawa upang gawing endorser dahil madalas ay mag-trending nga ang ka-sweetan ng dalawa. Dahil doon, pinagkakitaan na nila ang bawat post ng pictures sa social media.
Isang araw, dumating ang araw ng kanilang ika-isang taon ng anibersaryo. Kaya naman napagkasunduan ni Diane at Justin na gawin muling isang malaking pasabog sa Facebook ang kanilang selebrasyon. Tulad ng sabi ni Justin, nagpunta ang dalawa sa isang mamahaling restawran.
“O, ano na? Ganito lang? Kakain lang tayo?” tanong ni Diane sa nobyo nang mapansing wala man lang sorpresa ang binata.
“Biglang sumakit ang ulo ko kanina. Halika, magpicture na tayo. Ngumiti ka na parang masaya ah! Baka sabihin nila e palpak ang selebrasyon natin ngayon,” sagot naman ni Justin.
“Tang*na naman! Wala ka talagang kwenta! Kung hindi lang dahil sa pera na kinikita nating dalawa nang magkasama e matagal na kitang hiniwalayan e!” sigaw ni Diane.
“O sige, isigaw mo pa! Lakasan mo pa ang bunganga mo. Anak ka talaga ng palengkera e ‘no? Isigaw mo pa nang mawalan tayo ng mga endorsements! B*bo!” inis na inis na sagot ni Justin.
Dahil napagtanto nga ni Diane na tama si Justin, at dala na rin ng takot na mawala ang kanilang mga endorsements bilang “online couple”, pinilit ni Diane na ngumiti sa camera ng cellphone ng lalaki.
“Ayos na ‘yan. Ipakita mo sa picture ‘tong damit na suot natin. Malaki ang bayad ng kompanyang ‘yan e. Baka sabihin pa e hindi naman natin sila ineendorso ng maayos,” utos ni Diane.
“Alam ko! Dami mong kuda,” kunsumidong sagot ni Justin.
Wala pang ilang minuto matapos ipost ni Justin ang kanilang litrato, umabot kaagad sa libo ang likes, comments, at shares ng kanilang post. Ngunit napabalikwas sa pagkakaupo si Diane nang makita ang video na inilagay bilang comment ng isa nilang tiga-subaybay.
“P*ta!” sigaw ni Diane.
“Ano na naman?!” sagot ni Justin.
Isang tigasubaybay pala nila ang kumuha ng kanilang video noong sila ay nasa loob ng pinuntahang restawran. Malinaw na malinaw at rinig na rinig ang lahat ng pinag-usapan nila. Ilan pang minuto ang lumipas at nangibabaw ang video ng kanilang pag-aaway, labis itong pinagpiyestahan ng kanilang mga tiga-subaybay.
“Yuck! Nagpapanggap lang pala na sweet para sa pera!” komento ng isa.
“‘Di bale nang wala akong jowa! Kaysa naman ganyan!” wika ng isa pa.
“I-unfollow ko na sila. Malaking kalokohan pala ang mga pagpapakilig niyo!” dagdag pa ng isang netizen.
Matapos noon, nagsunod-sunod rin ang mga tawag na natanggap nila mula sa kanilang mga sponsor. Kung noon ay kaliwa’t kanan ang mga offer sa kanila na mag-endorso, ngayo’y kaliwa’t kanan rin ang pag-atras ng mga ito sa kani-kanilang kontrata sa magkasintahan.
“B*bo ka kasi! Eskandalosa ka pa kasi doon sa restaurant. Ayan tuloy!” sisi ni Justin sa babae.
“Tang*na mo! Mas bobo ka!” sagot naman ni Diane.
Nang bigla na lamang napagtanto ng dalawa na tama nga ang sinasabi ng iba. Na hindi nga sila tunay na masaya sa isa’t isa, at nagsasama na lamang sila nang dahil sa kinikitang pera mula sa mga sweet na larawang ipinopost nila araw-araw.
Natapos ang araw na iyon, ngunit napagkasunduan na rin ng dalawa na tapusin ang kanilang relasyon. Napagtanto nilang ni isang bagay ay wala naman talaga silang pinagkakasunduang dalawa. Naisip nilang mas mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng tunay na pag-ibig kaysa ang panloloko sa madla at sa kanilang mga sarili para lamang kumita ng malaking pera.