Inday TrendingInday Trending
Walang Pinapakinggan ang Binatang Ito, Laking Pagsisisi Niya sa Naging Epekto ng Tigas ng Kanyang Ulo

Walang Pinapakinggan ang Binatang Ito, Laking Pagsisisi Niya sa Naging Epekto ng Tigas ng Kanyang Ulo

Habang nagce-celebrate ng ikalawang anibersaryo ng kanilang relasyon sina Bon at Nina ay hindi pa rin nila maiwasan na pagtalunan kahit ang mga simpleng bagay.

“Bakit ayaw mong ipahiram sa akin ‘yang cellphone mo? May tinatago ka ba?!” tanong ni Bon sa kanyang nobya.

“Bakit mo ba kailangang makita? Anong gagawin mo sa cellphone ko? May cellphone ka naman,” inis na sagot ng dalaga habang iniiwas ang telepono sa binata.

“Kung may tiwala ka sa akin, hindi mo na kailangan na pakialaman yung phone ko. Privacy, please! Hindi porket boyfriend kita, pati personal na buhay ko ay papasukin mo rin,” singit pa nito matapos makuha ng binata ang kanyang telepono.

“Oh! Ayan na! Isaksak mo sa baga mo. Sinabing may tiwala naman ako sa iyo. Gusto ko lang tingnan kung may mga nanggugulo sa iyo. Kalimutan mo na nga lang. Ayaw kong masira yung araw na ito dahil lang sa p*nyetang cellphone na ‘yan,” sagot ni Bon. Pagkatapos ay iniabot na nito ang phone sa dalaga at itinuloy ang kanyang pagkain.

Inihatid ni Bon ang dalaga sa bahay nito pagkatapos ng kanilang selebrasyon ngunit hindi pa rin sila nag-iimikan pagkatapos nito. Kaya naman pagkahatid ng binata ay dumeretso ito sa kanyang mga nag-iinumang mga kaibigan.

“Hintayin niyo ako. Libre ko na ang lahat. Bwisit na araw kasi ‘to e. Magwalwal na lang tayo!” aniya.

Umaga na natapos ang kanilang pag-iinuman, at dala ng labis na pagkalasing ay hindi na nito nagawang tingnan ang kanyang cellphone. Sanay na rin naman si Bon na hindi nagpapaalam sa kung sino man at tila ba walang paki-alam sa pag-aalala ng iba, kaya naman matapos mag-inuman ay dumiretso na ito ng uwi sa kanilang bahay upang makapagpahinga. Ngunit pagkapasok nito ng kanilang bahay ay nagulat ito ng makita ang kanyang magulang at nobya na nakaupo sa sala habang naghihintay sa pagdating niya.

“Kanina pa kami nag-iintay sa iyo, Bon. Maupo ka muna rito at kailangan nating mag-usap,” sabi ng kanyang ina. Bago umupo si Bon sa sala ay naghilamos muna ito para magising mula sa pagkalasing.

“Ano bang pag-uusapan natin? Bilisan niyo na agad kasi inaantok na ako,” sabi ng binata sa kanyang ina.

“Bon! Sobra mo kaming pinag-alala! Muntik na akong magpatawag ng barangay para ipahanap ka. Alam mo ba na kausap namin simula kagabi si Nina dahil ang sabi niya ay naihatid mo siya ng alas-onse ng gabi?! Wala ka talagang paki-alam sa mga tao sa buhay mo e, ‘no?!” galit naman na sabi ng ama nito.

“Gusto ka rin palang kausapin ni Nina ngayon at gusto niyang nandito kami ng ama mo para marinig ang sasabihin niya,” sabat naman ng ina nito.

“Ano namang sasabihin mo sa akin? Mag-iinarte ka na naman? Sa cellphone ba ulit ito? Oo na, hin…” ‘di niya na natapos ang sinasabi nang magsimulang magsalita si Nina.

“Lubos mo kaming pinag-alala kagabi, Bon. Alam mo bang hindi na ako nakatulog kakaisip kung nasaan ka na? Sobrang dami ko nang tawag at message sa iyo simula kagabi pero kahit isang sagot ay wala akong natanggap. Mukhang hanggang ngayon ay hindi ka pa rin seryoso sa relasyon nating dalawa,” ani Nina.

“Para akong nag-boyfriend ng menor de edad na hindi marunong makinig sa akin at sa sarili niyang mga magulang. Kaya sana maintindihan mo na gusto ka nang makipaghiwalay sa iyo. Hindi ko na kaya ang ugali na pinapakita mo,” patuloy ng dalaga. Nagulat naman si Bon at ang magulang nito ngunit nanatili silang tahimik.

“Ano bang sinasabi mo? Hindi ako papayag! ‘Di mo akong pwedeng iwan, akin ka lang,” galit na sagot ni Bon. Agad naman nitong hinablot ang kamay ng dalaga dahilan ng pagsakit nito.

“Bon! Bitawan mo si Nina. Hindi siya nararapat sa iyo. ‘Wag kang bata kung umasta,” sabi ng ama.

Agad naman na binitawan ni Bon ang dalaga dala ng biglaang pagkaawa nang makitang namumula na ang kamay nito sa higpit ng pagkakahawak niya. Pagkatapos ay nagpaalam na si Nina sa mga magulang ni Bon at tuluyang umalis. Umalis na rin ang kanyang mga magulang mula sa pagkakaupo at naiwan siyang tulala at luhaan. Sa pag-iisa, doon niya napagtanto ang lahat ng pagkukulang niya bilang kasintahan ni Nina at bilang anak sa kanyang mga magulang. Dahil naipon na ang mga atraso niya rito mula noon, tila ba sabay-sabay napuno ang kanilang mga tipan nang dahil sa ginawa niya nang araw na iyon.

Hindi akalain ng binata na dahil sa simple niyang hindi pagtetext upang magsabi ng kanyang lagay ay ang magiging dahilan ng pagkawala ng nobyang mahal na mahal niya. Simula nang araw na iyon, ipinangako niya sa kanyang sarili na susubukan niyang magbago upang hindi na maulit ang ganoong pangyayari sa kanyang buhay.

Advertisement