Pinagtyagaang Kausapin ng Estudyante ang Pasyenteng Tulala at Wala sa Katinuan, Napaiyak Siya nang Mabunyag ang Pagkatao Nito
Magkakahalong kaba, excitement at takot ang nararamdaman ni Jill. Ngayon kasi ang unang araw ng kanyang training, isa siyang graduating student at Psychology ang kursong kinukuha niya. Nais niya kasing mas maunawaan pa ang takbo ng utak ng tao at ang sanhi ng iba’t ibang ugali ng mga ito.
“Ewan ko ba sa iyo, sa dinami-rami ng kurso riyan. Pwede namang nursing, o mag midwife ka na lamang. Bakit Psychology pa? Nakakatakot ang mga training ninyo! Tingnan mo, pupunta ka sa mental hospital at magdu-duty! Eh kung mapaano ka roon,” nag-aalalang sabi ng Tita Rose niya na umiiling-iling pa.
Napangiti naman si Jill, alam niya naman na mahal lang siya ng ginang kaya ito nagkakaganoon. Kahit naman kasi sermon ito nang sermon ay suportado pa rin siya sa kanyang mga desisyon.
“Hayaan mo na tita, ilang kembot na lang ay ga-graduate na rin ako. Basta ma-kumpleto ko lang ang required na oras ng training. Ito talaga ang gusto ko,aralin ang utak ng tao.” paliwanag niya.
“O kapag naaral mo na, ano na?”
“Edi atleast po alam ko na po. Baka sakaling maunawaan ko rin sa wakas ang takbo ng isip ni nanay kung bakit niya ako iniwan,”
Sa sinabi niyang iyon ay hindi nakasagot ang ginang, kaya nagpakawala ng tawa si Jill.
“Joke lang, si tita naman. Sige po, male-late na ako.” sabi niya. Hinalikan niya ito sa noo at naglakad na palabas.
Habang naghihintay ng masasakyan ay napaisip siya. Kung tutuusin, dinadaan niya lamang sa biro pero totoo ang sinabi niya kanina. Hindi niya kasi maintindihan eh.
Bata pa lamang siya nang masawi ang kanyang ama, kaya kinailangang magtrabaho ng kanyang nanay. Limang taong gulang siya noon at tandang-tanda niya kung paano sila nag-iyakan nito sa airport dahil nag-abroad ang babae.
Niyakap siya nito nang pagkahigpit-higpit at pinangakuang uuwi rin ito agad. Pero lumipas ang mga araw, buwan..hanggang sa naging taon na kahit sulat ay wala siyang natanggap mula rito. Ang tita Rose niya ang nagpalaki sa kanya.
Ano ba ang nangyari? Napagod na ba itong buhayin siya? Nakapag-asawa na ba roon? Bakit hindi man lang sinabi, para sana hindi na siya umasa. Para sana hindi na siya umiiyak tuwing Pasko o birthday niya na wala ito. Bakit may mga inang kayang tiisin ang anak?
Nagising siya sa pag-iisip nang mapansing nasa tapat na siya ng meeting place nila. Naroon na rin ang dalawa pa niyang makakasama sa training, inihatid sila ng school service papunta sa ospital.
Nagtayuan ang mga balahibo ni Jill nang sa wakas ay makarating rin sila.
“Hi guys. I am Monica, nurse ako rito. Mamaya ang ay iiikot namin kayo sa mga pasyente pero ayon sa inyong adviser ay may isang ma-aassign sa inyo. Aaralin nyo lang ang behavior niya at iyon ang gagawan ninyo ng report. Ready na ba kayo?”
Kinakabahang tumango ang tatlo, napahaplos si Jill sa rosaryo na nasa kanyang bulsa. Ilang sandali pa ang lumipas ay nag ikot na sila sa pasilidad.
Sinalubong sila ng kakaibang amoy. Pinaghalu-halong regla at ihi, halos maduwal ang dalawa niyang kasama. Si Jill naman ay mahigpit na nagtakip ng ilong, nakakaawa ang sitwasyon ng mga pasyente.
“Araw-araw ay may naglilinis naman pero mahirap talagang i-maintain ang ganitong lugar lalo at kulang kami sa tao,” paliwanag ni Monica, nakatakip rin ang ilong.
Habang naglalakad sila sa gitna ay nakatingin sa kanila ang mga pasyente.
“S-Sa kanila ba kami ma-assign?” tanong ng isang kasama ni Jill.
“Hindi. Medyo hindi pa maayos ang lagay ng mga narito, maaari silang manakit. Dito tayo sa kabila,” sabi ni Monica at binuksan ang isa pang pinto.
Di tulad sa isa na naka-kandado, ang mga pasyente rito ay malayang naglalakad-lakad. Sabi ni Monica, ang mga ito raw ang stable at hindi biglaang nananakit. Nakakausap nang maayos.
Inihatid nito ang dalawa niyang kasama sa mga pasyente habang siya naman ay iniakay palapit sa isang ale na nakaupo sa isang tabi, “Siya ang patient mo, si Mochang. Mahilig siyang gumuhit. Interviewhin mo, minsan sumasagot, kadalasan ay hindi. Pero mabait naman siya.”
Tumango si Jill at kinausap na ang ale, may bitbit itong manika. Sunog ang mukha nito pero hindi naman nakakatakot, siguro ay mas nananaig ang awa ni Jill sa sinapit nito. Napakatinding trahedya siguro, kaya nasubok ang pagkatao nito.
“H-Hi,” wika niya, “Ano’ng pangalan niya?” tanong niya ulit, ang tinutukoy ay ang manika nito.
“Baby ko.” simpleng sagot nito pero hindi tumitingin sa kanya.
Tumango si Jill. Ang hirap pala kapag aktwal na, kapag sa eskwela ay kay bilis niyang makasagot sa guro pero dito ay hindi siya makaisip ng sunod na itatanong.
Inilabas niya ang mga crayola at papel na ipinahiram sa kanya ni Monica kanina, “Mochang, gusto mong mag-drawing? Tingnan mo, guguhit ako ng puno.”
Nakailang guhit siya pero hindi na sumasagot pa ang babae.
“Pwede ko bang malaman kung ano nasa isip mo?” usisa niya.
Nilawayan nito ang mga labi, “Pamilya ko.”
“Bakit..nasaan ba ang pamilya mo?” tanong niyang muli.
“Nasa isip ko nga.”
Oo nga naman.
Hay, ilang araw pa ang lumipas. Ang mga kasamahan ni Jill ay matagumpay nang nakakagawa ng report pero siya ay wala pa rin, hindi pa rin kasi madalas makipag-usap si Mochang.
“Alam mo, diba sabi ko sayo ay magkaibigan tayo? Kung ayaw mong magkwento ay ako nalang ang magkukwento,” wika niya isang araw na nagpapahangin sila sa hardin ng ospital.
“Bata pa lang ako noon nang iwan ako ng nanay ko. Hindi ko nga maintindihan eh kung bakit. Buti ka pa nga, love na love mo iyang baby mo. Pero alam mo, kahit kailan hindi ako nagalit sa nanay ko. Naghihinanakit lang siguro kasi miss na miss ko na siya.
Kahit nga ang tagal na ng panahong nakalipas ay di ko pa rin nalilimutan ang mukha niya, ang mga kanta niya bago ako matulog,” nakangiting wika niya.
Napansin niyang lumingon nang kaunti si Mochang, nagtuloy lang siya sa pagkukwento. Hinimig niya pa nga ang paboritong kanta ng nanay niya noon.
“Ikaw ang ligaya ko, panaligan mo, O giliw ko.. Ngayon at kailan pa man Ang aking pag ibig, di magbabago..” tumutulo na pala ang luha ni Jill habang kumakanta.
Nagulat na lamang siya nang pahiran iyon ni Mochang, nang tingnan niya ito ay umiiyak na rin ang ginang.
“J-Jill ko..baby ko.” bulong nito.
Bigla ang dagsa ng damdamin ni Jill, hindi niya maintindihan ang nangyayari. Bigla na lamang siyang niyakap ni Mochang at paulit-ulit itong bumubulong ng ‘baby ko.’
Sakto naman na dumating si nurse Monica, bitbit nito ang files ng pasyente.
“Pasensya ka na. Alam kong matagal mo nang hinihingi ito, kaya lang ay ang hirap talagang hanapin ng record ni Mochang. May nag-iwan nalang sa kanya sa tapat ng ospital at may nakalakip na passport. Sinubukan naming puntahan ang number at bahay pero wala nang nakatira,” paliwanag nito. Medyo nagulat pa nang makitang nagyayakapan sila.
Dali-dali niyang kinuha ang mga dokumento, agad rin niyang nabitiwan nang mabasa ang totoong pangalan ni Mochang.
Jenaliza Reyes
“Nay!” sabi niya at niyakap itong muli.
Napag-alaman nila na hindi ginusto ng kanyang ina ang iwan siya, matinding dagok ang inabot nito sa ibang bansa. Bukod sa nilapastangan ng amo ay binugbog pa at binuhusan ng kumukulong mantika kaya nasira ang mukha nito.
Iyon rin ang dahilan kung bakit natulala ang babae at nawala sa katinuan, nagmagandang loob ang ilang Pinoy na iuwi ito sa Pilipinas pero dahil hindi ma-contact ang pamilya ay iniwan nalang rin sa ospital.
Iyon kasi ang mga panahon na naghirap sila ng tita Rose niya kaya naibenta nila ang bahay.
Lalong pinagbuti ni Jill ang kanyang pag-aaral hanggang sa maka-graduate siya. Unti-unti ay gumaling rin ang kanyang ina, napawi lahat ng hinanakit niya dahil kahit na mawala ang isip nito ay siya pa rin na ‘baby’ nito ang laman ng puso ng ginang.
Bumawi sila sa mga panahong di sila magkakasama. Masayang namumuhay ngayon ang tatlo. Laking pasasalamat ni Jill sa Diyos dahil kahit na sinubok sila ay muli rin naman silang pinagtagpo.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!