Inday TrendingInday Trending
Mahilig Manakot ang Dalaga sa Mga Bata Niyang Kapatid, Isang Gabi Ay Tumalbog sa Kanya ang Kanyang Biro

Mahilig Manakot ang Dalaga sa Mga Bata Niyang Kapatid, Isang Gabi Ay Tumalbog sa Kanya ang Kanyang Biro

Labing pitong taong gulang na si Karen, panganay siya sa tatlong magkakapatid. Hindi sila mayaman pero hindi rin naman mahirap. Maaga silang naulila sa ama, mabuti na lamang ay nariyan ang kanilang tiyo Rodel na siyang tumayong ikalawang tatay nila. Kapatid ito ng kanilang ina.

“Ano ba naman iyang ubo mo Rodel, dapat ay magpa-check up kana eh,” umiiling na sabi ng kanyang ina nang marinig na dinadalahit na naman ng ubo ang kanyang 55 years old na tiyuhin.

“Ayos lang ito, kaysa ipa-check up ko edi kakainin na lang natin ang gagastusin roon.” sagot nito, bago umubo na naman nang sunud-sunod at dumahak pa sa banyo.

Si Karen naman ay abalang nagtatago sa loob ng aparador, maya-maya lang ay narinig niyang dumating na ang dalawang nakababatang kapatid. Pinipigilan niya ang tawa, saktong daan ng dalawa sa tapat ng aparador ay tumalon siya at ginulat ang mga ito.

“Boo!”

“Nay!” sabay na sabi ng kanyang mga kapatid bago nagtatakbong palapit sa kanyang ina.

Ang sakit naman ng tiyan ni Karen kakatawa, paborito niya talagang asarin ang mga nakababatang kapatid. Talaga namang tinadtaran niya pa ng pulbos ang mukha at nagbalot ng kumot para mas nakakasindak.

“Diyos ko naman Karen! Kinakabahan itong kapatid mo o! Pag ito nanaginip,” matalim ang mata na sabi ng kanyang ina.

“Ang arte mo! Parang joke lang eh,” nakangiti pa ring sabi niya.

Walang tigil sa pag-iyak ang kanilang bunso habang nakanguso pa rin ang sumunod sa kanya. Nakangiting nilapitan siya ng kanyang tiyo Rodel.

“Ayos lang iyang biru-biro, pero wag mong kalilimutang ate ka nila. Dapat ikaw ang magtatanggol sa mga kapatid mo, hindi mananakot ha?” bilin nito.

Tumango naman siya, malaki ang respeto niya sa tiyuhin. Madaling araw na ay walang tigil ang pagdalahit ng ubo nito, narinig niya na lang na sumigaw ang kanyang ina dahil sumuka raw ng dugo ang lalaki.

Ilang sandali pa ay tulung-tulong na ang kanilang mga kapitbahay na isakay ang tiyo niya sa tricycle. Isinugod ito sa ospital.

Maghapon siyang walang balita sa kanyang ina, wala naman kasi siyang cellphone. Di rin siya makasunod sa ospital dahil siya ang nagbabantay sa dalawang kapatid.

Alas siyete na ng gabi ay wala pa ring kasama ang tatlo. Umiral ang kapilyahan ni Karen at naisipan niya na namang gulatin ang kanyang mga kapatid. Nagtago siya sa banyo pero hindi niya isinara ang pintuan upang magmukhang walang tao, nakasara rin ang ilaw.

Ginigigis siya habang hinihintay na dumaan ang kahit isa sa mga kapatid, pero sa halip ay nakarinig siya ng ilang pag ubo. Kahoy lang ang kanilang bahay kaya rinig niya iyon na nagmumula sa itaas.

“Tiyong? Nakauwi na kayo?” tanong niya pero walang sumagot. Tuloy-tuloy lang ang pag-ubo.

Ilang sandali pa ay dumahak ito at nakita niyang may lumagpak na dura sa tabi niya.

“Yuck! Tiyong naman eh! Binibiro ko lang naman ang mga bata!” sabi niya. Siya pa yata ang napagtripan ngayon, aba malay niya bang uuwi ito agad.

“Karen?” boses ng kanyang ina.

Wala na siyang choice kung hindi ang lumabas sa banyo. Nagkakamot pa siya ng ulo habang tatawa-tawa.

“Gugulatin ko sana si Kimira at JR. Nagtatago ako sa CR ‘Nay, ito namang si Tiyo Rodel nakikisali sa biro namin. Dumura ba naman sa tabi ko! Kadiri eh!” kwento niya habang tumatawa.

Muli pa siyang sumigaw na pilit ipinaririnig sa nasa itaas ng kanilang bahay, “Huy Tiyong nakalabas na ako sa taguan ko! Magpahinga ka dyan at kagagaling mo lang sa ospital!” sabi niya na naiiling.

“A-Anak ano ang sinasabi mo?” litong tanong ng kanyang ina. Noon niya lang natitigan ang ginang, namamaga pala ang dalawang mata nito at halatang kagagaling lamang sa pag-iyak.

“Sabi ko ho, si Tiyo Rodel ay kakaiba kung magbiro-” hindi niya na naituloy ang sasabihin dahil sunud-sunod na iling ang ginawa ng kanyang ina.

“Imposible. Wala na ang Tiyo Rodel mo, iniwan na niya tayo..” sabi nito, tapos ay napahagulgol na.

Binalot ng lungkot at sakit ang pagkatao ni Karen, pero kalakip noon ay ang pagtataka.. kung wala na ang kanyang Tiyo, bakit may umuubo pa rin siyang narinig kanina?

Biglang nagtayuan ang balahibo niya, tapos ay hindi niya alam kung guni-guni lang pero tiyak niyang may narinig siyang bumulong sa kanyang tenga.

“Ayos lang iyang biru-biro, pero wag mong kalilimutang ate ka nila. Dapat ikaw ang magtatanggol sa mga kapatid mo, hindi mananakot ha?”

Mula noon ay hindi na tinakot pa ni Karen ang kanyang mga kapatid, sumunod na siya sa bilin ng kanyang tiyuhin. Naging mabuti siyang ate at mas naging close pa silang magkakapatid, hindi na rin kailanman nagmulto ang kanyang tito.

Advertisement