Matagal nang Minamahal ng Torpeng Binata ang Kaibigan, Nang Magtatapat na Siya ng Pag-Ibig ay Isang Masamang Balita ang Sumalubong sa Kanya
Ilang beses na sinipat ni Noel ang sarili sa salamin, siniguro niyang maayos ang kanyang buhok at mabango ang kanyang hininga. Ngayong hapon ay kikitain niya si Aurora, ang babaeng laman ng kanyang puso.
Matagal na silang magkaibigan nito at halos lahat yata ay nakakahalata na sa damdamin niya para sa babae, siya lang itong may problema dahil hindi niya magawa-gawang magtapat ng pag-ibig. Ewan niya ba, panalo siya sa mga debate at kilalang matalino noong kolehiyo, maging ngayong may trabaho na sila ay mabilis siyang na-promote.
Confident naman siya kung tutuusin, pero pagdating sa dalaga ay ubod siya ng torpe. Napakurap-kurap pa nga siya nang makita itong naglalakad na palapit sa kanya, nauna lang siya ng ilang minuto rito sa restaurant.
“Hi!” nakangiting wika nito.
“H-Hello Auri, upo ka.” sabi niya. Nasagi niya pa ang isang kutsarita sa ibabaw ng mesa nang tumayo siya upang ipaghila ito ng upuan. Diyos ko kakasimula palang ay palpak na.
“Nag-order ka na ba? Alam mo na naman ang paborito ko eh,” masayang sabi ng babae.
“Oo,” sabi niya at in-adjust ang suot na salamin. Nakabibinging katahimikan ang kasunod. Tumikhim ang dalaga at nagsalita.
“So, may sasabihin ka kamo?” sabi nito at naghihintay na sa kanyang sagot.
Ilang buntong hininga ang pinakawalan ni Noel. Heto na, magtapat kana. Sabihin mo lang na mahal mo siya, hindi ka naman naghihintay ng kapalit. Hindi mo rin inaasahan na mahal ka rin niya. Pero kung oo, salamat. Kung hindi naman, ayos lang. Okay lang talaga, promise. Kahit masakit..
“Noel?”
“H-Ha?” sa dami ng tumatakbo sa isip niya, ni isa ay wala pa pala siyang nasabi.
“Ano na yung sasabihin mo?” natatawang sabi ng dalaga.
“About you, about us. Gusto ko lang sabihin na..masayang-masaya ako sa friendship natin at sana ay maging magkaibigan tayo habangbuhay. Kung malungkot ka rin ay pwede kitang hanapan ng boyfriend, marami akong ire-reto sayo.” dire-diretso niyang sabi.
Sht. Bobo, ggo. Palpak! Kung anu-anong katarantaduhan na ang nasabi niya.
“What?” bakas sa mukha ng dalaga ang pagkagulat.
“Well alam mo na, may mga ipapakilala ako sayo-“
Hindi niya na naituloy ang sasabihin dahil tahimik na tumayo si Aurora at naglakad palabas ng restaurant.
“Tanga!” bulong ni Noel sa kanyang sarili.
Magdamag siyang hindi nakatulog. Tinatawagan niya ang dalaga pero hindi ito sumasagot, kahit mga text nya rito ay wala ring reply. Nang sumikat ang araw ay tulala pa rin siya sa ibabaw ng kanyang kama.
Bumuntong hininga siya tapos ay dinampot ang cellphone, “Eto na talaga.”
Idinial niya ang numero ng babae, ang laki ng ngiti niya nang sa wakas ay sagutin nito iyon.
“Hello? Auri? Oh God, thank you at sinagot mo. I am really really sorry kagabi, ang tanga tanga ko. Kung anu-ano ang pinagsasabi ko. Alam ko this is awkward pero kailangan mong malaman na-“
“Noel?”
Napakunot ang noo ng lalaki nang hindi si Aurora ang sumagot, sa halip ay nanay nito. “Tita?”
Humikbi ang ale sa kabilang linya, gulong-gulo siya pero nabitawan niya ang cellphone nang marinig ang kasunod na sinabi nito.
“Noel, wala na si Auri. Iniwan na tayo ng anak ko, binangungot siya kagabi.”
“H-Hindi..”
Hindi na siya nagbihis pa, dali-dali siyang lumabas at pumunta sa bahay ng mga ito. Inabutan niya pa si Aurora na payapang nakahiga sa kama pero nakatalukbong na ng kumot. Sa gilid nito ay ang ina at kapatid na binatilyo na parehong umiiyak.
Wala nang pakialam si Noel, hindi niya na napigilan ang damdamin.
“Bakit naman ganyan Auri? Hindi mo man lang ako nahintay, hindi mo man lang ako nabigyan ng pagkakataon. Patawarin mo ako sa lahat ng oras na sinayang ko, nagsinungaling ako. Hindi ako masaya na maging magkaibigan nalang tayo habangbuhay dahil higit pa roon ang gusto ko.
Gusto kong mahalin ka.. yakapin ka, halikan ka. Pakasalan ka, tumanda kasama ka.” umiiyak na sabi niya. Napaluhod na siya sa sobrang sakit ng nararamdaman. Pero ganoon nalang ang pagkagulat niya nang bumangon ang babae.
“Hay salamat, umamin rin!” sabi nito at hinalikan siya.
Napapalatak ang binatilyong si Nori, “Ibig sabihin ganoon ka ka-confident mommy?” tanong nito sa ina.
Humahagikgik naman si Aurora habang hinigpitan ni Noel ang hawak sa kamay ng misis, maraming taon na ang nakalipas nang mangyari iyon. Tatlo na ang anak nila at mag-18 na nga ang kanilang panganay.
“Torpe kasi ng daddy mo eh,”
“Kaya nga anak, tama nang yung kapogian ko nalang ang manahin mo. Wag ang ka-torpehan ko.” biro ni Noel. Kinurot naman ito sa tagiliran ng misis.
Natatawa pa rin sila kapag naaalala ang kakaibang kwento ng kanilang pag ibig, buti nalang ay malakas ang loob ng kanyang misis na siyang nang gumawa ng paraan mapaamin lang siya.
Iyon ang pinakamagandang nangyari sa kanyang buhay.