Inday TrendingInday Trending
Hindi na Pinagbayad ng Binatang Taxi Driver ang Kanyang Matandang Pasahero, Sinuwerte Ito sa Ginawang Pagmamagandang-Loob

Hindi na Pinagbayad ng Binatang Taxi Driver ang Kanyang Matandang Pasahero, Sinuwerte Ito sa Ginawang Pagmamagandang-Loob

Nakakunot na ang noo dahil init na init na sa kanyang kinatatayuang waiting shed si Leonel. Wala pa rin siyang masakyan sa araw na iyon. Sa isip niya ay hindi naman holiday at kung bakit walang mga sasakyan.

“Ano ba ito, mahuhuli na ako sa meeting ko. Sana pala ay kinuha ko na lang ang ipinalinis kong kotse para hindi ako nahihirapan ng ganito,” bulong niya sa sarili.

Mayamaya ay may humintong taxi sa kanyang harapan at tinanong kung saan ang punta niya. Nang sabihin niya kung saan siya magpapahatid ay agad na tumanggi ang taxi driver dahil nalalayuan ito.

“Sandali, dodoblehin ko ang bayad, ihatid mo lang ako sa pupuntahan ko,” pakiusap niya sa driver.

“Pasensya na po. Mag-antay na lang po kayo ng ibang taxi,” anito.

Sa sobrang inis ay napapadyak na sa kinatatayuan ang matandang lalaki. Inip na inip na siya. Panay rin ang tingin niya sa suot na wristwatch at mag-aalas-otso na ng umaga. Dapat ay naroon na siya sa kanyang pupuntahan eksaktong alas-nuwebe.

Napapamura na sa isip si Leonel nang biglang may dumating ulit na taxi. Agad niya itong pinara. Hinintuan naman siya nito.

“Hijo, maaari mo ba akong ihatid sa lugar na ito?” aniya sabay abot sa driver ang isang maliit na papel.

“Alam ko po ito. Sige po sakay na po kayo at ihahatid ko kayo doon,” nakangiting sabi ng medyo bata-bata pang driver.

“Naku, salamat hijo. Mabuti na lamang at dumating ka, kasi kanina pa ako walang masakyan at ayaw naman akong ihatid nung isang taxi driver kanina, nalalayuan daw siya.”

“Ganoon po talaga, sir. Pasensya na po kayo sa iba kong kasamang driver,” anito.

“Teka, hijo parang ang bata mo pa para maging driver. Karamihan sa mga nakikita kong driver ay may edad na. Ilang taon ka na ba?” tanong niya rito.

“Disi-nuwebe po. Ang totoo po ay ang tatay ko po ang may-ari nitong taxi pero nang magkasakit siya at hindi na maaaring makapagtrabaho ay ako na po ang namasada nitong taxi. Malaking tulong din po ito sa aming pamilya at sa binabalak kong pagbabalik eskwela,” magalang na sabi ng binata.

“Bakit nahinto ka ba sa pag-aaral?” tanong ni Leonel.

“Opo. Mula po nang magkasakit sa bato ang tatay ko ay pinagbawalan na po siya ng doktor na maghanapbuhay kaya tumigil po muna ako sa pag-aaral para makatulong sa mga gastusin namin sa bahay at sa pagpapagamot niya,” hayag nito.

“Teka, sa anong antas ka ba nahinto? High school, college?” habol niyang tanong.

“Ikalawang taon ko na po sana sa kolehiyo.”

“Anong kurso mo?”

“Engineering po.”

“Naku hijo sayang nga,” wika ni Leonel habang napapailing.

Ilang minuto bago mag-alas nuwebe nang marating nila ang lugar na sinabi ni Leonel. Dinukot niya ang kanyang wallet sa bulsa ng kanyang pantalon ngunit laking gulat niya at bigla siyang may naalala.

“Hala, naiwan ko sa bahay ang wallet ko!” sabi niya sa malakas na tono.

“Bakit po sir, ano pong problema?” tanong ng binatang driver.

“Pasensya na hijo. Nakalimutan ko sa bahay ang wallet ko. Ang hirap kapag tumatanda na, hayaan mo at bumalik na lang tayo at ihatid mo ko sa bahay para mabayaran kita.”

“Ayos lang po sir. Alam ko pong nagmamadali na kayo sa pupuntahan niyo. Saka niyo na lang po ako bayaran kapag nagkita na lang po ulit tayo. Saka po ito gamitin niyo pong panggastos at pamasahe niyo mamaya pag-uwi niyo,” wika ng taxi driver sabay abot ng pera sa kanya.

“Naku, hijo. Maraming salamat. Hindi ko alam kung paano gagantihan ang kabutihan mo. Ano nga ulit ang pangalan mo?”

“Wala po iyon. Ako nga po pala si Theo. Hangad ko po ang makatulong. Iyan po kasi ang turo sa akin ni tatay. Kung may nangangailangan ng tulong at kaya mo namang tumulong ay tumulong ka na walang hinihinging kapalit,” anito.

Lubos ang pasasalamat ni Leonel sa binatang taxi driver sa ginawa nito sa kanya kaya nakaisip siya kung paano ibalik rito ang kanyang pasasalamat. Bago umalis ang taxi ay tinandaan niya ang plate number para madali niya itong matutunton.

Makalipas ang isang linggo ay may pumunta sa bahay ng binata.

“Ikaw ba si Theo Alcala?” tanong ng lalaki.

“Ako nga po. Ano po ang kailangan nila?” nagtatakang tanong ni Theo.

“Ako si Mr. Garcia. Ipinapatawag ka ni Dr. Leonel Nuevas sa opisina niya. Siya iyong sumakay sa taxi mo na hindi mo na pinagbayad ng pamasahe. Maaari ka bang sumama sa akin?” anito.

Ipinagtaka ng binata kung bakit siya gustong makausap ng matandang pasahero samantlang ayos lang naman sa kanya kung hindi na siya nito bayaran. Dahil sa kuryosidad ay napilitan siyang sumama sa lalaki hanggang humantong sila sa isang unibersidad.

“Teka, dito po ba ang opisina ni Dr. Nuevas?” tanong niya sa kasama.

“Oo. College Dean siya sa unibersidad na ito,” sagot ng lalaki.

Nang marating ang pribadong silid ni Dr. Nuevas ay agad siyang sinalubong ng matanda.

“Magandang umaga hijo. Ikinagagalak ko na nakarating ka!” bungad nito sa kanya.

Pinaupo siya nito sa upuan sa gilid ng mesa nito at may sinabi ito sa kanya na labis niyang ikinabigla.

“Dahil sa ginawa mo sa akin nang sumakay ako sa taxi mo ay hayaan mo na gantihan ko ang kabutihang loob mo sa akin. Gusto kong ipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral sa kolehiyo. Bibigyan kita ng scholarship para makapag-aral ka ng libre. Ako ang Dean ng College of Engineering sa unibersidad na ito. Dito ka na papasok. Huwag mong intindihin ang pamamasada mo ng taxi dahil maaari mo iyang gawin sa umaga at sa gabi naman ang pasok mo sa klase,” bunyag ng matanda.

Hindi nakapagsalita si Theo sa alok ng kanyang pasahero. Hindi niya inakala na ibabalik nito ang ginawa niyang kabutihan. Lubos ang kanyang pasasalamat kay Dr. Nuevas sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na muling makabalik sa pag-aaral. Ipinangako rin ng binata na paghuhusayan niya sa klase para hindi masayang ang magandang oportunidad na ibinigay nito sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement