Nangalakal ng Basura ang Ale Para Lamang Mapakain ang Kanyang mga Supling, Makalalasap Pa Kaya Siya ng Kaginhawahan sa Mapait at Mapaglarong Buhay na Ito?
Madalas ay nakatulala at nakatingin lamang sa kawalan si Jerome. Nag-iisip, nangangarap at nagtatanong ng mga bagay na hindi kayang sagutin ng kanyang isipan o imahinasyon.
“Ano kaya ang pakiramdam na magkaroon ng ama? Ang saya-saya siguro na magkaroon ng tatay na nakikita at nakakasama sa pang araw-araw na buhay. Ang sarap sigurong maramdaman ang pagmamahal ng isang ama,” mga bagay at tanong na bumulabog sa payapang isipan ni Jerome.
Bata pa lamang silang magkakapatid ay ibinabahagi ay ipinapaunawa na sa kanila ng kanilang ina na si Maribell na mayroong iba at una na pamilya ang kanilang ama. Dahil doon ay naging single mother ang kanilang nanay at napilitang itaguyod silang mag-isa.
Madalas ay naiiwan lamang sila sa kanilang mga lola at lola dahil kailangan maghanapbuhay ang kanilang ina upang maitaguyod silang magkakapatid.
Nakatagpo naman ng tapat na lalaki ang ina ni Jerome. Nagsama ang kanyang ina at ang bagong lalaking iniibig nito sa iisang bubong, pero kahit na may kinakasama na ay patuloy pa rin sa pagkayod ang kanilang nanay para may ipangtustos sa pangangailangan nilang magkakapatid.
“Grade 4 lamang ang natapos ko, anak. Pero hindi ko naman sinisisi ang mga lolo at lola naman ninyo dahil alam ko kung gaano kahirap ang buhay namin noong araw.
Kaya parati kong pinapaalala at sinasabi sa inyo na mag-aral kayong mabuti. Hangga’t malakas pa ako, hangga’t kaya ko pa, aking igagapang para lamang sa kinabukasan ninyo,” malumanay na paliwanag ng ginang sa anak na si Jerome.
Napakasipag ni Maribell, “Kuracha” na nga ang halos itawag sa kanya ng mga tao dahil sa kakakayod dito at kayod doon. Hindi niya inasa sa stepfather ng mga bata ang obligasyon para sa mga anak.
Nagkaroon pa ng dalawang kapatid sina Jerome noon, subalit hindi naman naging iba ang kanilang turingan kahit na magkaiba ang kanilang mga ama.
Dahil sa padami sila nang padami, lalong naging mahirap ang kanilang buhay. Naranasan nilang kumain ng kanin na sinabawan ng tubig at asin at kung minsan naman ay mantika at toyo lamang.
Kung walang pambili ng toothpaste ay tanging matatalas na asin ang kanilang ginagamit na pangsipilyo. Naranasan din nila ang gumising na napakaaga upang maglakad ng halos isang oras at kalahati upang makapasok lamang sa klase.
Dumating ang panahon kung saan nag hayskul na si Jerome, subalit dahil kapos sa pera ay kailangang paulit-ulit na pumunta at makiusap ng kanyang ina sa administrasyon ng paaralan upang makapasok at makapag-aral lamang.
“Nanay, hindi po ba kayo napapagod sa paulit-ulit na paghingi ninyo ng promisorry note tuwing enrolment?” mahinang tanong ni Jerome sa kanyang ina.
“Alam mo anak, lahat kaya kong tiisin at gawin para sa inyong magkakapatid. Kung kailangan kong kalimutan ang hiya ko para lamang maigapang ang pag-aaral ninyo, gagawin ko. Ganyan ko kayo kamahal,” nakangiting tugon naman ni Maribell sa kanyang anak.
Hindi kailanman ipinapakita ni Maribell na napapagod siya. Basta para sa anak ay kaya niyang suungin ang lahat. Bilang kapalit naman ay mas pinagbuti pa ng kanyang mga anak ang pag-aaral.
Sa awa ng mahabaging Diyos ay nakatapos naman ng hayskul si Jerome, subalit dahil sa kahirapan ay pinili niyang magtrabaho na lang muna upang makatulong sa ina at ibang pangangailangan ng kanyang mga kapatid.
Nagsimula siyang magtrabaho sa isang burger stand na malapit sa kanila. Madalas panggabi ang kanyang iskedyul kaya hindi siya nawawalan ng sakit. Halos buwan-buwan ay parati siyang may ubo.
Nang magpasuri sa doktor ay nalaman nilang may problema na pala sa baga si Jerome. Ang akala nilang simpleng trangkaso at ubo ay nauwi na pala sa TB.
“Nay, paano na ito? Nagkasakit ako ng ganito. Paano kayo? Paano ang mga kapatid ko? Paano kung hindi na po ako makahanap ng trabaho dahil dito?” nag-aalalang tanong ni Jerome.
“Huwag kang mag-alala anak, malakas pa si nanay, kayang-kaya ko pang magtrabaho. At saka iyang sakit mo ay nagagamot naman yan. Magpagaling ka lamang at wag nang mag-alala pa,” tugon naman ni Maribell habang nakangiti sa kanyang anak.
May tila ba mahika sa mga salita ng kanyang ina na humahaplos sa kanya puso at kalooban. Nakaramdam si Jerome ng paglalas ng loob at kapayapaan sa kanyang isipan.
Huminto na muna siya pansamantala sa trabaho at namalagi na lamang muna sa bahay upang magpagaling. Sa kanyang pagpapahinga ay hindi naman inaasahan makakaalitan niya ang kanyang stepfather.
Pinalayas si Jerome sa bahay kaya pansamantala siyang nakitira sa bahay ng kanyang lolo at lola at doon itinuloy ang pag gagamot sa karamdaman.
Dahil sa hirap ng buhay, dumating ang binata sa punto na wala na siyang maibili ng gamot. Para makatulong sa sitwasyon ay pinasok ni Maribell ang gawaing hindi niya alam na kakayanin niya para sa kanyang mga anak.
Nangalakal ng mga bakal at bote ang ginang, pero ang malala pa rito ay pati pagkalakal sa basura ay pinasok na rin niya maipagamot lang ang anak na may sakit.
Kitang-kita ni Jerome ang paghihirap ng kanyang ina na mabilad sa kainitan ng araw habang nangangalakal, ang madumihan at tiisin ang matinding amoy ng basura para lamang may ipangtustos sa mga gastusin.
Halos madurog naman ang puso ni Jerome nang makitang nakikipaghabulan sa mga bagong dating na truck ng basura ang kanyang ina upang mauna sa mga kalakal na kalakip ng bawat truck.
Magmula ng araw na iyon ay naging pursigido ang binata at ipinangako sa kanyang sarili na magpapagaling siya at agad na maghahanap ng trabaho upang matulungan ang kanyang pinalamamahal na ina.
Lumipas ang anim na buwan at tuluyan ngang gumaling si Jerome mula sa karamdaman. Gaya ng ipinangako ay agad namang naghanap ng trabaho ang binata.
Nagtrabaho sa isang restawran si Jerome, habang ang dalawang kapatid na babae naman ay kasambahay at isang tindera sa palengke. Di pa rin tumitigil sa pangangalakal si Maribell at paminsan-minsan ay umeekstra siya ng paglilinis ng bahay at paglalaba sa ibang tao.
Madami pang ibang naging trabaho si Jerome. Pinursigi talaga niya na makabawi sa kanyang ina at sa lahat ng sakripisyong ginawa nito para sa kanila.
“Nay, lahat naman kaming magkakapatid ay may trabaho na. Baka pwede magpahinga na lamang kayo sa bahay at wag nang kumayod pa,” nag-aalalang pakiusap ni Jerome.
“Hindi kayang alagaan ng isang dosenang anak ang kanila ina, pero kayang-kaya ng isang ina na alagaan ang isang dosenang anak. Ganyan ko kayo kamahal anak ko,” maluha-luhang sabi naman ni Maribell.
Kahit na salat sa buhay ay swerte pa rin maituturing ang magkakapatid nila Jerome, dahil kahit ganoon ay lumaki silang mababait, may takot sa Diyos, at marunong sa buhay. Lahat ng iyon ay dahil sa kanilang pinakamamahal na ina.
Dahil sa angking lakas ng loob, sipag at tiyaga ni Maribell ay pinatunayan niyang kaya rin pala ng ilaw ng tahanan na tumayo bilang haligi rin ng tahanan.
Nagkaayos naman si Jerome at ang kanyang stepfather kaya ngayon ay sama-sama silang nakatira sa isang malaking apartment at masayang namumuhay ng matiwasay.
Nakapagtapos na ang dalawa sa mga kapatid ni Jerome ng kolehiyo, ngayon ay isa nang teacher at IT professional ang mga ito. Sa kanilang pagtutulungan ay nakapagpatayo sila ng maliliit na negosyo.
Nakapagbukas sila ng maliit na karendirya, isang bigasan at isang sari-sari store kaya’t hindi na kailangan pa ng kanyang ina na maglabada at mangalakal ng basura. Nagpapatuloy naman sa kolehiyo si Jerome sa tulong ng kanyang mga kapatid at ngayon ay kumukuha ng kursong Civil Engineering
Ibang-iba ang pagmamahal ng isang ina para sa kanyang mga anak. Lahat ay kaya nitong suungin at hamakin para lamang may maibigay na suporta para sa kanyang mga supling.
Ngayong nakakaginhawa na sila sa buhay, nananatili pa ring mapagkumbaba ang puso ng buo nilang pamilya. Konting panahon pa at makakamtan na din ni Jerome ang pinapangarap na tagumpay kasama ang buo niyang pamilya.