Inday TrendingInday Trending
Walang Kakayahang Magbuntis si Misis, Hanggang Isang Araw ay May Kumatok na Estranghero Bitbit ang Bata na Anak Daw ng Kanyang Mister sa Iba; Ano Kaya ang Kanyang Gagawin?

Walang Kakayahang Magbuntis si Misis, Hanggang Isang Araw ay May Kumatok na Estranghero Bitbit ang Bata na Anak Daw ng Kanyang Mister sa Iba; Ano Kaya ang Kanyang Gagawin?

Isa si Lyn sa milyun-milyong babae na nangarap na lumakad sa altar ng simbahan at ikasal sa lalaking lubos na iniibig, magkaroon ng sariling anak at bumuo ng isang masayang pamilya. Madalas ay nagmumuni-muni siya habang iniisip ang tema ng pinapangarap na kasalanan. Tila ba ay pumapasok siya sa ibang dimensyon habang nakangiting iniisip ang perpektong pamilya na kanyang inaasam-asam.

Third year college si Lyn noon nang una niyang maranasang magmahal. Tumagal ng halos isang taon ang kanyang naging relasyon sa isang kamag-aral. Akala niya ay ang lalaking iyon na ang kanyang mamahalin panghabang buhay pero nabigo siya. Niloko siya ng kanyang karelasyon at ipinagpalit sa iba. Tinamaan siya ng matinding kalungkutan at nalugmok ng tuluyan dahil sa hirap na makalimot. Subalit naging mapait man ang buhay pag-ibig, sinubukan na lamang ni Lyn na pagtuunan ng atensyon ang kanyang pag-aaral. Sa awa ng Diyos, siya’y nakapagtapos naman.

Lumipas ang halos dalawang taon, muling umibig si Lyn. Nakilala niya sa trabaho ang isang maginoong binata. Nagkapalagayan sila ng loob at nabuksan ang pagkakataon sa kanilang puso na magtagpo at mag-ibigan. Naging mundo nila ang isa’t isa at masayang-masaya sila sa naging takbo ng kanilang relasyon. Naniniwala sila na itinakda sila para sa isa’t isa.

Tuwang-tuwa ang dalaga sa pakiramdam ng araw-araw na kinikilig at parang minu-minuto bang nahuhulog ng paulit-ulit. Hindi naman nagtagal ay nagplano na rin sila magpakasal, pero sa kasamaang palad, isang aksidente ang naghiwalay sa kanilang dalawa dahil iyon din ang ikinasawi ng maginoong binata.

Halos gabi-gabing umiiyak si Lyn. Nakatulala sa kawalan kung minsan at para bang tuluyan nang nawalan ng pag-asa sa buhay, lalong-lalo na sa pag-ibig.

“Maging matatag ka lamang, anak. Patuloy ka pa ring lumaban. Madami pang bukas ang darating kaya’t huwag na huwag kang susuko. Ibinigay ng Diyos sa iyo ito dahil alam niyang kaya mo. Huwag kang matakot na magmahal muli,” payo ng ina ni Lyn habang nakayakap sa umiiyak na anak.

“Bakit ganun, ‘nay? Bakit kung kailangan mangyari lahat ng ito? Ayaw ba talaga ng tadhana na sumaya ako?” lumuluhang tugon ng dalaga.

“Tahan na, anak. Siguro ay mahirap maintindihan sa ngayon, pero pag dumating ang pagkakataon, muli mong buksan ang iyong puso para sa bagong pag-ibig. Masakit man, ngunit sadyang hindi kayo siguro ang itinakda para sa isa’t isa,” muling paliwanag naman ng ina.

Lumipas pa ang mga araw, linggo at buwan, hanggang sa sumapit ang isang taon. Tuluyan nang nakausad ang dalaga sa masalimuot na pangyayaring iyon sa kanyang buhay. Mahirap man ngunit unti-unti niyang tinanggap ang pagkawala ng kanyang yumaong nobyo.

Sa paglipas ng panahon ay muling binigyan ni Lyn ng pagkakataon ang kanyang sarili na muling bumangon hanggang sa makilala niya si Albert na siyang tumulong sa kanya na tuluyang makalimot. Napakabait at pasensyoso ni Albert kaya naman agad na nabihag ang puso ng dalaga.

Isang taon ang lumipas at sa wakas ay matutupad na ang kasalan na matagal nang pinapangarap ni Lyn. Dumating na ang araw kung saan magiging ganap na siyang misis sa lalaking pinaka-iibig ng lubos. Walang patid ang mga luhang bumabagsak galing sa kanyang mga mata habang tinatahak ang altar kung saan nag-iintay ang lalaking kanyang papakasalan.

Nagsama ng matiwasay ang mag-asawa subalit taon na ang lumipas, pero hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak. Dumating si Lyn sa punto na naging sobrang desperado na siya, galit na siya sa mga bata at mga buntis dahil sa sobrang inggit na nadarama.

Kung saan-saang doktor na sila kumonsulta at nagpatingin, naubos na rin ang kanilang ipon upang makabuo lamang ng anak, pero wala kahit ano sa mga ito ang nagtagumpay. Isang malaking dagok na naman ito sa buhay ng babae na kailangan niyang harapin.

“I am sorry po misis, pero hindi po kayo makakapagdalang-tao. May problema po kayo sa bahay-bata kaya naman mahirap para sa inyo ang magkaroon ng anak,” malumanay na sabi ng babaeng doktor.

“P-pero paano? Anong gagawin ko?” mangiyak-ngiyak na tugon na lamang ng babae.

Isang araw habang nagmumukmok sa isang tabi ay nakarinig si Lyn ng isang malakas na katok mula sa kanilang pintuan. Agad siyang nagtungo at marahang pinagbuksan ang kumakatok. Tumambad lamang sa kanyang harapan ang isang matandang babae karga ang batang babae na siguro ay nasa edad dalawa hanggang tatlo.

“A-anong pong kailangan ninyo?” magalang na tanong ni Lyn.

“Gusto ko lang sanang malaman kung dito nakatira si Albert Benavidez?” tanong matanda.

“Asawa ko po siya, bakit po? Maari ko po bang malaman ang inyong pakay?” tugon naman ng babae.

“Nais ko sanang iwanan sa inyo itong batang ito. Kabiln-bilinan kasi ng kanyang ina na dito ko daw dalhin ang bata dahil nandirito daw ang ama niya, si Albert,” paliwanag ng matandang babae.

“Ay baka nagkakamali po kayo. Wala po kaming anak ng asawa ko kaya’t hindi maaaring sa’min ang batang iyan. Baka ibang albert po ang tinutukoy ninyo?” naguguluhang tanong ni Lyn.

“Pumanaw na kasi ang kanyang ina magmula ng magkasakit ito ng malubha kaya’t kabilin-bilinan niya bago siya mawala ay dalhin ko ang batang ito sa kanyang ama, dahil wala naman na siyang ibang pang pwedeng pag-iwanan dito. Eto ang address at pangalan na ibinigay ng ina ng bata upang matunton ko ang inyong tahanan,” muling paliwanag ng matanda habang iniaabot ang maliit na piraso ng papel na mayroong sulat-kamay.

Ilang saglit pa ay nagpaalam na ang matanda dahil baka abutin pa raw ito ng gabi sa daan. Malayo pa daw kasi ang kanyang uuwian. Kaya’t iniwanan niya ang bata kasama ang ilang mga gamit nito. Hindi naman din makapaniwala ang babae sa mga nangyayari.

Nang makauwi si Albert sa kanilang tahanan ay agad namang bumungad sa kanya ang tahimik na batang nakaupo at ang gusot na mukha ng kanyang misis na para bang bomba na sasabog na sa kahit anong oras.

“Sino itong batang ito? At bakit ganyan ang mukha mo, mahal?” mahinahong tanong ng lalaki.

“Paano mo nagawa iyon Albert? Paano mo nagawang magtaksil sa akin noon ha? Iyan batang nasa harap mo, anak mo daw!” pabulyaw na sagot naman ng babae.

Napatahimik lamang si Albert at saka tumingin sa batang nakatitig sa kanila ngayon. Kutis, ilong, labi at hulma ng mukha ng bata ay kuhang-kuha kay Albert. Sa pagkakataong iyon ay inamin niya na nakahawa siya ng malaking pagkakamali noong magkasintahan pa lamang sila ni Lyn.

Hindi sinasadyang malasing si Albert noon, ilang araw bago ang kanilang kasal. May nakasama siyang matulog na babae sa kwarto ng isa niyang kaibigan at doon nabuo ang batang nasa kanilang harapan ngayon.

Upang makasiguro ay kanilang pinasuri ang DNA ng bata. Tumugma ito sa DNA test ni Albert. Kaya’t tunay ngang anak niya ang batang sa kanila’y dinala. Mayroong anak si Albert sa ibang babae, na ikinasama ng loob ni Lyn. Ilang araw ding umiyak si Lyn dahil hindi niya matanggap ang pagtataksil na noo’y nagawa ng asawa.

Naging malamig at matamlay ang misis sa kanyang mister. Halos hindi naman niya pinapansin ang kawawang bata na sa kanila’y nakatira na. Wala na siyang naging pakialam sa mga bagay-bagay dahil sarili lamang niya ang kanyang iniisip.

“Palagi na nga akong sawi, hindi na nga mabuntis-buntis, tapos heto na naman ang pinabagong problema sa buhay ko,” inis hanang lumuluhang sabi ng babae.

Maya-maya ay lumapit ang bata sa kanya sabay pinanusan ang kanyang mga luha. Yumakap ng mahigpit ang bata at saka siya tinignan. May kung anong hangin na tila ba humaplos sa kanyang kaibuturan na nagpapatak pang lalo ng kanyang mga luha.

Marahan niyang kinuha ang bata at saka niyakap ng mahigpit. Sa unang pagkakataon sa napakahabang panahon, naramdaman niya ang saya ng pagiging isang ina na matagal na niyang inaasam-asam. Sa pamamagitan ng pagyakap ng bata ay tila ba napunan sa kanya puso at katauhan ang kay tagal niyang ninanais.

“Wala ka namang kasalanan. Wala ka namang nga malay sa mga nangyayari. Patawad kung naging masungit at malupit ako sa iyo,” bulong ni Lyn sabay halik sa noo ng bata.

Naabutan naman ni Albert ang pangyayari at agad na napaluha sa kanyang nakita at narinig. Dahan-dahan siyang lumapit sa asawa at lumuhod sa harapan nito.

“Mapatawad mo pa sana ako sa naging pagkakamali ko. Hindi ko alam at hindi ko sinasadya, pero nangangako ako na hindi na muli pang mauulit. Mahal na mahal kita,” malungkot na pagkakasabi ni Albert.

“Tinatanggap ko ang paghingi mo ng paumanhin at tinatanggap ko din ang batang ito bilang anak mo at magiging anak ko. Hindi ko man siya dinala ng siyam na buwan sa aking sinapupunan, pero dadalhin ko siya sa aking puso magpakailanman,” tugon naman ni Lyn.

Nagkaroon ng kapatawaran sa puso si Lyn at maluwag niyang tinanggap at kinupkop ang naging bunga ng pagkakamali ng kaniyang asawa noon. Hindi naman siya nagkamali sa ginawang desisyon dahil doon lamang niya naramdaman ang maging isang tunay na ina.

Lumalaking mabait at masunurin naman ang bata kaya’t mas lalo siyang minahal ng kanyang mga magilang. Ngayon ay masasabi na nilang buo na ang kanilang pamilya. Natutunan ni Lyn na tanggapin ang kanyang kapalaran at magpasalamat sa kung anung meron siya.

Dahil sa karanasan niyang ito, napatunayan niya na wala pala talagang perpektong buhay at walang perpektong pamilya. Pero bawat tao ay biniyayaan ng kakayahang magmahal at magpasaya sa mundong ito kahit na gaano pa kapait ang mga naging karanasan nila sa nakaraan.

Advertisement