
Agaw Pansin ang Matandang “Elevator Man” Dahil Palagi Itong Nakatitig sa Kaniyang Selpon; Nakalulungkot pala ang Dahilan sa Likod Nito
“Magandang araw po!” bati ng matandang nagpapagana ng elevator sa condo kung saan ako naninirahan.
Simula nang mabili ng daddy ko ang condo unit namin ay naroon na siya. Siguro ay isang dekada na rin ang nakararaan. Sa tuwing umaga, bago ako pumasok sa trabaho ay magiliw siyang bumabati sa amin. Ngunit may isang ugali siyang hindi ko maiwasang pansinin.
Madalas ay hawak niya ang kaniyang lumang selpon at nakatitig lamang siya doon. Minsan ay gusto ko na siyang tanungin kung ano ba talaga ang kaniyang tinitingnan ngunit nahihiya ako. Siguro, isang araw ay magkakalakas din akong tanungin sa kaniya. Hindi pa ngayon dahil maraming tao sa elevator.
Lumipas ang mga araw at naghahanap pa rin ako ng tiyempo na tanungin siya. Hanggang sa isang araw nga, pagbukas ng elevator ay walang ibang sakay kung hindi siya.
“Maligayang araw, hijo, anong palapag ba ang pupuntahan mo?” tanong niya.
“Mang Ambo, sa ground floor po,” sagot ko naman.
Malugod naman niya akong isinakay sa elevator. Nais ko sana siyang kausapin ngunit hawak na naman niya ang kaniyang selpon at muli niyang pinakatititigan. Hanggang sa hindi na ako nakapagpigil pa“Mang Ambo, napapansin ko ay panay ang tingin ninyo sa inyong selpon. Maaari ko po bang malaman kung bakit?” tanong ko.
Napatingin na lamang siya sa akin na wari mo’y nangungusap ang kaniyang mga mata. Tila ayaw niyang sagutin ang aking tanong ngunit marahil ay napilitan na rin siya.
“Hinihintay ko kasing mag alas nuwebe y medya. Parang kay tagal kasi ng oras. Kailangan ko pang maghintay ng tatlumpung minuto pa,” nakayukong sambit ng matanda habang nakatitig muli sa kaniyang lumang telepono.
“Aalis na po ba kayo ng alas nwebe? Pasensya na po at ang dami kong tanong. Ngayon ko lang po kasi kayo naabutan ng ganitong oras. Kadalasan po kasi ay maaga akong umaalis para sa aking trabaho,” muling wika ko.
“Oo nga, napansin ko rin na ngayon lang kitang nakita ng ganitong oras dito. Ano nga ba ang pangalan mo?” tanong ni Mang Ambo.
“Ako nga po pala si Christian. Matagal na po kaming naninirahan dito ng pamilya ko. Pero si Mommy, ayaw niya po ng condo dahil naliliitan siya. Kaya ayon, lumipat sila muli ng daddy ko sa dati naming bahay at naiwan na lang ako rito. Malapit kasi ito sa aking trabaho kaya mas mainam nang dumito ako,” paliwanag ko naman.
Nagkwento lang ako ng kaunti kay Mang Ambo nang sa gayon ay hindi siya mahiya sa akin.
“Ibig sabihin ay malayo ka na rin sa mga magulang mo? Tinatawagan mo pa ba sila? Madalas mo pa rin ba silang kausapin o kumustahin man lang?” tanong muli ng matanda.
Napaisip ako. Oo nga, napakadalang kong tawagan ang mga magulang ko. Madalas nga silang magtampo sa akin. Pero ano ang magagawa ko? Lagi akong abala sa trabaho. Pag-uwi ko naman sa bahay ay patang-pata na ang katawan ko sa labis na pagod.
“Sana ay tawagan mo sila. Alam mo bang hinihintay ko pa ang mag-alas nuwebe ng umaga? Sa oras lang kasi na iyon ko p’wedeng tawagan ang anak ko. Sigurado kasing wala ang asawa niya at abala sa trabaho. Ayaw kasi ng mister niyang kinakausap ako ng anak ko. Sa palagay ko ay sa tingin niya’y nanghihingi lang ako sa anak ko. Pero, wala akong kailangan sa kaniyang salapi. Ang kailangan ko lang ay malaman ko kung kumusta ang buhay niya. Baka mamaya kasi ay nasasaktan na pala ang anak ko, hindi ko pa alam,” kwento pa ni Mang Ambo.
Nasa unang palapag na ako at kailangan ko nang bumaba ng elevator. Pero hindi ko kayang hindi itanong sa kaniya ang dahilan. Kaya naman hindi pa ako bumaba ng pagkakataon na iyon.
“May nakalimutan po pala ko sa unit ko, Mang Ambo. Sa ika-tatlumpung palapag po ulit.”
“Siya nga pala, Mang Ambo, huwag n’yo po sanang masamain ang tanong ko. Bakit hinahayaan ng anak ninyo na paghigpitan siya ng kaniyang asawa? Kayo po ang tatay niya. Kailangan ay ipagtanggol niya kayo,” muli kong sambit.
“Hindi ko na hinahangad pa, hijo. Wala rin naman siyang mapapalang magandang buhay sa akin. Sa piling ng kaniyang asawa ay magiging maganda ang kinabukasan niya. Huwag lang talaga siyang pagmamalupitan,” dagdag pa ng matanda.
Habang magkausap kami ni Mang Ambo ay dama ko ang kaniyang pighati at labis na pangungulila sa kaniyang anak. Lalo pa nang sabihin niya sa akin na ang tanging anak na lang niya ang kaniyang matuturing na pamilya. Wala na rin kasi ang kaniyang asawa.
Labis akong nahabag para sa matandang ito. Simula nang kabataan ko ay narito na siya. Sino naman nga ba ang mag-aakala na mabigat ang kaniyang dala-dala.
Buong araw kong inisip ang istorya ni Mang Ambo. Sa bawat sandali na sumasakay ako ng elevator sa gusali kung saan ako nakatira ay lagi kong sinisigurado na makakausap ko siya. Nais kong malaman kung nasaan nga ba ang kaniyang anak at kung paano ko ito makakausap.
Hanggang sa isang araw ay tuluyan na ngang ipinakita sa akin ni Mang Ambo ang mensahe ng kaniyang anak. Dali-daling naglaro ang aking mga mata upang titigan ang numero nito. Hindi ako magaling sa matematika at sa mga numero pero nasaulo ko nang mabilis ang numero ng kaniyang anak.
Hindi alam ni Mang Ambo na paglabas ko ng elevator ay agad kong hinawakan ang aking selpon at pinindot ang mga numero ng kaniyang kaisa-isang anak.
Kumakabog ang aking dibdib sapagkat hindi ko alam ang aking sasabihin ngunit hindi na ito ang panahon para umatras pa. Nais kong sabihin sa kaniya ang pighating pinagdaraanan ng kaniyang ama.
Hindi nagtagal ay isang boses ng babae ang sumagot sa selpon.
“Alicia? Ikaw ba si Alicia, ang anak ni Mang Ambo? Alam kong hindi mo ako kakilala. Ako nga pala si Christian, isa akong kaibigan ng tatay mo. Sana ay huwag mong ikagalit ang pangingialam ko pero may dapat kang malaman,” bungad ko sa kaniya.
Sa puntong iyon ay tila hindi na tumigil ang aking bibig sa kakasalita. Sinabi kong lahat sa kaniya ang pinagdadaanan ng kaniyang ama.
Ilang sandali ring bumalot ang katahimikan.
“Alicia, nandyan ka pa ba? Patawad kung nakikialam ako.”
Paulit-ulit kong tinatawag ang kaniyang pangalan ngunit binaba na pala niya ang tawag na iyon.
Sa tingin ko ay mali talaga ang ginawa ko. Nagkaroon tuloy ako ng agam-agam na baka pagmulan pa ng sigalot ang pangingialam kong ito. Baka mamaya ay lalong hindi na magkausap pa si Alicia at ang kaniyang ama. Ngunit alam ng Diyos na tanging hangad ko lang ay makitang muli ni Mang Ambo ang kaniyang anak.
Ilang araw rin akong hindi sumakay ng elevator. Iniiwasan ko si Mang Ambo dahil parang wala akong mukhang maihaharap sa kaniya. Hindi ko rin alam ang sasabihin kapag kinompronta niya ako.
Hanggang isang araw ay may kumatok sa pinto ng aking condo unit. Nang buksan ko ang pinto ay nakita ko si Mang Ambo na nasa aking harapan. Wala na akong dahilan para umiwas pa.
“Christian, nagpunta lang ako rito para sabihing alam ko na ang ginawa mong pakikipag-usap sa aking anak. Sinabi niyang lahat sa akin nang makausap ko siya,” bungad ni Mang Ambo.
“P-pasensya na po kayo, Mang Ambo. Hindi ko po gustong magkaroon lalo ng lamat ang relasyon ninyong mag-ama,” wika ko.
“Lamat? Christian, narito ako para magpasalamat sa iyo! Sinabi niyang lahat sa akin ang ginawa mo, hindi sa telepono, kung hindi sa personal. Sa unang pagkakataon matapos siyang ikasal ay nakita kong muli ang aking anak. At dahil sa ginawa mo ay kinausap na niya ang kaniyang asawa na kung hindi raw nito ako matatanggap bilang kaniyang ama ay mas mabuti pang maghiwalay na sila. Nasa piling ko na ang anak ko. Nakipaghiwalay na siya sa kaniyang asawa dahil pinagmamalupitan pala siya nito. Ngayon ay nakabinbin na sa korte ang kasong isinampa niya. Mula sa makukuha niyang pera ay magsisimula raw kaming muli. Maraming salamat at ngayon ay tuluyan nang malaya ang anak ko!” pahayag pa ng matanda.
Hindi ko alam ang sasabihin ko nang mga sandaling iyon. Ang alam ko lang ay tumatalon din ang puso ko sa tuwa dahil sa wakas ay kapiling na ni Mang Ambo ang kaniyang anak. Hindi na siya maghihintay pa na tumila ang bawat segundo upang marinig niya ang tinig nito. Isa pa, ligtas na rin si Alicia mula sa pagmamalupit ng kaniyang asawa.
Mula nang araw na iyon ay nawala na ang lungkot sa mga mata ni Mang Ambo. Palagi ko pa rin siyang nakikita na nakatingin sa kaniyang lumang selpon pero sa pagkakataong ito ay lagi na niya kasing ka-text ang kaniyang anak.
Dahil din kay Mang Ambo ay palagi ko nang pinaglalaanan ng panahon na kumustahin ang aking mga magulang. Bawat segundo kasi na nalalabi ay mahalaga. Hindi natin alam kung hanggang kailan pa sila nariyan.