Nakulong ang Lalaki Dahil Inako Niya ang Atraso ng Kinakasama, Ipinagpalit Lang Rin Siya ng Babae sa Huli
Ilang taon ring namalagi sa abroad si Elias, ulilang lubos na siya pero hindi naman siya nalulungkot sa buhay dahil nariyan naman ang kinakasama niyang si Maricel. Nang sapat na ang ipon ng lalaki ay nagpatayo siya ng bigasan malapit sa palengke, malakas ang kita noon dahil magaling din namang humawak ng negosyo si Elias.
Kung tutuusin, sobra pa sana ang kinikita ng kanyang negosyo kung silang dalawa lamang ni Maricel. Pero dahil sa kanila rin nakapisan ang mga kapatid at nanay ng babae ay sumasakto lang ang kita niya. Ayos lang yun kay Elias, mahal niya si Maricel kaya mahal niya rin ang pamilya nito.
“Mahal, bayaran na ng tuition ni John James.” sabi ni Maricel sa kanya na ang tinutukoy ay ang bunsong kapatid nito, siya ang nagpapaaral.
“Talaga pala? Sige, gawan natin ng paraan.” sabi ni Elias. Nito lang kasi ay nagpabili naman ng bike ang isa pang kapatid nito. May awa naman ang Diyos, pasasaan pa at makakaraos din naman sila.
Pagkatapos kumain ng tanghalian ay si Elias muna ang nagbantay sa bigasan para makakain rin naman ang mga tauhan nya. Gulat na gulat pa nga siya nang may mga pulis na lumapit doon, noong una akala niya ay bibili pero nang marinig niya ang susunod na sinabi ng mga ito ay napakunot ang noo niya.
“Elias Santiago?” sabi ng isa.
“Ako nga ho Sir,” kalmadong sabi niya. Habang si Maricel naman ay humigpit ang pagkahawak sa kanyang braso.
May binasa itong kung ano sa papel, warrant yata, basta ang naintindihan niya ay may kaso raw siyang Estafa. Paano naman nangyari iyon, eh, wala naman siyang utang? Kahit nga magkandagutom na siya, tinitiis niyang wag mangutang.
Para wala nalang gulo ay sumama na ang lalaki sa presinto. Naroon ang isang ale na galit na galit nang makita ang kinakasama niya.
“O, ano Maricel! Nagkaharap harap na, bakit di mo sabihin ngayon sa akin ang dahilan kaya di ka nakakabayad? 150,000 yun Maricel! Di ko na nga isinama ang tubo. Aba tatakbuhan mo pa ako?!” nanginginig ang ginang at parang mahihimatay.
Gulat na napatingin si Elias sa kanyang kinakasama at nakatungo lamang ito. Marahil sa pagmamahal niya sa babae ay inako niya ang kasalanan, sinabi niyang siya talaga ang nangutang tutal ay iyon din naman ang sabi ni Maricel dito.
Hindi niya na natanong ang kinakasama kung inano nito ang pera, katwiran niya ay problemado na ito sa nangyayari, sa susunod nalang.
Pero dahil hirap ngayon si Elias ay di niya nagawang bayaran ang ale, galit na galit na ito dahil ilang beses na raw pinangakuan at ngayon ay itutuloy na talaga ang kaso. Mukhang may kaya ito kaya mabilis iyong umusad, nakulong si Elias.
“6 months lang naman, dadalawin kita lagi,” sabi ni Maricel sa kanya.
Napabuntong hininga ang lalaki. Masamang-masama ito sa record niya pero tinanggap niya na lang. Kesa naman si Maricel ang humihimas sa rehas ngayon.
Pero taliwas sa ipinangako ng babae, habang tumatagal ay mas dumalang ang pagpunta nito sa kanya. Hanggang sa ikaapat na buwan ay di na ito nagpakita pa.
Paglipas ng dalawa pang buwan ay nakalaya rin si Elias, agad siyang umuwi sa kanila pero ganoon na lamang ang panlulumo niya nang makitang sarado na ang bigasan. Pag-uwi niya sa kanyang bahay ay masama pa ang tingin ng nanay ni Maricel sa kanya, di rin siya pinapansin ng mga kapatid nito.
Medyo nagtaka rin siya dahil may lalaking nanonood ng TV, di siya pamilyar sa mukha nito. Maya-maya pa ay lumabas si Maricel mula sa kusina, “Mahal ko! Eto na ang meryenda,” sabi ng babae. Nang makita siya nito ay tumaas pa ang kilay.
“M-maricel..” sabi niya,di siya makapaniwalang may iba na ito.
“Wag mo na kaming guluhin.” sabi lang nito. Tumingin din sa kanya ng masama ang lalaki maging ang mga kapatid nito na pinaaral niya.
“Wag mo nang kulitin si Ate, wala syang future sa tulad mong dating preso.” sabi ng mga ito at hinarangan pa siya.
Di makapaniwala si Elias, tumalikod siya at umalis. Mag-iisip muna siya ng tamang gawin.
Dumiretso siya sa bahay ng kanyang kumpare, sa awa ng lalaki sa kanya ay pinahiram siya nito ng puhunan, magsimula daw siya ulit. Nilakasan niya ang loob at nagsimula ulit sa maliit na negosyo, na mabilis namang lumago.
Ilang taon pa at nakabili na siya ng sarili niyang bahay, mas malaki pa sa dati. Naisip niyang bawiin ang dating tirahan pero nang mabalitaan niyang nagkasakit ang nanay ni Maricel ay hinayaan niya na. Hindi siya masama, hindi siya katulad ng mga ito. Gusto na lamang niyang magpakasaya kasama ng babaeng minamahal niya ngayon. Malapit na niya itong alukin ng kasal at handa siyang gumastos upang maging magarbo ito.
Ang huling balita niya ay nakulong si Maricel. Dahil maluho ito ay muling nabaon sa utang. Ang malas lang nito dahil wala nang Elias na sasalo sa mga kalokohan niya. Ang lalaking nakuha nito ay nawala ring bigla nang makakita ng mga pulis.