Inday TrendingInday Trending
Sinasaktan ng Misis ang Askal na Inuwi ng Mister Niya, Nagbuwis Ito ng Buhay Para sa Kanya

Sinasaktan ng Misis ang Askal na Inuwi ng Mister Niya, Nagbuwis Ito ng Buhay Para sa Kanya

Hating-gabi na nang umuwi si Billy galing sa kanyang trabaho. Tinapos nya na kasi ang mga gawain nya sa opisina para wala nang bibitbitin pa sa kanilang bahay. Madilim na ang daan kaya hirap na sa pagmamaneho ang lalaki. Habang binabaybay nya ang kalawakan ng kalsada, may natanaw siya sa isang gilid.

Binagalan niya ang takbo ng kotse at tinitigan kung tama ba ang naiisip niya.. aso nga!

Nanginginig ito at basang-basa, parang kawawa na nakayupyop sa gilid. Nang ihinto niya ang sasakyan ay halata sa mga mata nito ang takot, kaya dahan dahan ang naging paglapit niya.

“Okay lang buddy, wag kang matakot..” pagkausap niya sa aso. Tila naman nadama nito na mabuti ang intensyon niya, hanggang makalapit kasi siya ay di naman ito pumiglas. Nakatingin pa nga ito sa kanya na para bang nagmamakaawa.

Kinuha niya ang jacket niya sa sasakyan, at itinakip dito. May natira rin siyang baon kanina dahil masyado siyang busy sa opisina kaya saglit lang ang lunch niya, ibinigay niya na rin dito. Gutom na gutom na kinain iyon ng aso.

Tatalikod na sana siya para umuwi pero di niya naman matiis na iwan ito, muli niyang sinulyapan ang aso at nakatitig ito sa kanya.

“Sige na nga, tara na. Sumama ka na sa akin,” nakangiting sabi ni Billy. Tila naman nakakaintindi itong lumapit sa kanya at kumakawag pa ang buntot.

Isinakay niya ito sa passenger seat ng kanyang kotse, nakakatuwa dahil parang tao ito na behave lang at hindi naglilikot.

Pag uwi nila sa bahay ay ang saya saya ni Billy, ganoon din naman ang aso na pinangalanan niyang ‘Batik’ dahil sa mga batik batik nito sa katawan. Kabaligtaran naman sa nararamdaman ng lalaki ang reaksyon ng kanyang misis.

“What is that?” nakasimangot na sabi ni Elsi, ang misis ni Billy.

“Bagong kasama natin sa bahay, hindi ko sya matiis na iwanan sa kalsada eh,” sabi niya rito.

“My god Billy! Sinabi ko na sayong I hate animals! At kukuha kana rin lang ng aso, askal pa! We can afford naman to buy a poodle, pug or a chowchow, anything, wag lang ganyan!” maarteng sabi nito.

“Wag kang mag-alala, bukas ay papabakunahan ko sya,” sabi niya.

“Doesn’t change the fact that he’s cheap and askal! Wag na wag mong papapasukin sa kwarto natin yan!” sabi ni Elsi at nagmartsa na palayo.

Isang Linggo ang lumipas at sa loob ng mga araw na iyon ay walang ginawa si Elsi kung hindi saktan ang aso pag hindi nakaharap si Billy. Nandidiri siya rito, kahit ba na-injectionan na ito at wala namang garapata. Basta, ayaw niya lang.

Nang araw na iyon ay nagtext si Billy sa kanya, baka daw gabihin ito ng uwi dahil birthday ng kumpare nito at naimbitahan.

Nakahiga na si Elsi sa kama dahil hatinggabi na pero kahol nang kahol ang aso sa labas ng kanyang kwarto.

“Shut up!” sigaw niya mula sa loob, pero hindi tumitigil ito.

“Sabi ko shut up!” sabi niya nang pagbuksan ito, sa bwisit niya ay tinaboy niya ito hanggang makalabas sa kanilang bahay.

“Ayan, dyan ka sa bakuran matulog. Stupid dog!” sabi niya at ini-lock na ang pinto.

Kahol pa rin ito nang kahol, hanggang bigla na lamang itong tumigil.

“Buti naman tumahimik na ang peste,” sabi niya.

Kinabukasan ay nagising si Elsi sa sigaw ng kanyang asawa, napalabas tuloy siya ng bahay. Nagulat rin siya sa itsura ng aso, duguan ito at wala nang buhay. Tinignan siya ng kanyang mister, “Ano ba ang nangyari?” nalulungkot na sabi nito.

“H-hindi ko rin alam. Kahol kasi siya nang kahol kagabi kaya inilabas ko, after nun hindi ko na alam.” kahit papaano ay nakaramdam ng pagkakonsensya ang babae pero binalewala niya iyon, inisip niya na aso lang naman ito at madaling palitan.

Hindi mapakali si Billy at nais talagang malaman kung ano ang nangyari sa kanilang aso, mabuti na lamang at may CCTV ang subdivision kaya agad nilang pinuntahan ang mga guard upang humingi ng kopya noon.

Ganoon na lamang ang panlalaki ng mata ni Elsi nang makita na may umaaligid na isang lalaking nakamaskara sa kanyang gate, napansin ito ng aso mula sa bintana, kaya siguro siya ginugulo nito sa kanyang kwarto upang iparating iyon.

Maya-maya pa ay makikita sa video na inilabas niya ang aso at pinagalitan pa, nagtago ang lalaking nakamaskara. Nang makapasok na siya sa loob ay sinamantala iyon ng lalaki at umakyat sa kanyang gate, kinagat ito ni Batik. Halata namang malaki ang naging sugat nito dahil dumudugo iyon, naisip marahil ng lalaki na di na nito kayang magnakaw ganitong sugatan ito. Pero bago ito umalis, pinukpok muna nito ng ilang ulit ang kawawang aso.

Nanghihinang napaupo si Elsi sa guard house.

Mabilis namang nahuli ang kawatan, sa kabila noon ay malungkot pa rin ang mag asawa. Lalo na si Elsi, dahil buhay niya pala ang nais iligtas ni Batik, pero buhay nito ang inilagay niya sa panganib. Hindi lamang sila nawalan ng bantay, nawalan rin sila ng kaibigan.

Advertisement