Inday TrendingInday Trending
Nagbebenta ng Pekeng Aso ang Lalaki at Sinasabing Imported Iyon, Anak Niya ang Magbabayad sa Panloloko Niya sa Kapwa

Nagbebenta ng Pekeng Aso ang Lalaki at Sinasabing Imported Iyon, Anak Niya ang Magbabayad sa Panloloko Niya sa Kapwa

Kahit na mahirap ang buhay ay nagagawang dumiskarte ni Roldan. Dati rati ay nagkakasya na sila ng kanyang pamilya sa kinikita niya bilang jeepney driver sa Baclaran. Pero ngayon, medyo malaki na ang naiuuwi niyang pera.

Mula kasi nang iminulat siya ng kanyang kumpare sa negosyong pagbebenta ng aso ay umangat angat nang kaunti ang kanyang kabuhayan. Ang masama lang ay hindi legal ang kanilang negosyo, may kilala silang mga nagnanakaw ng imported na aso, pinapalahian nila ang mga iyon sa askal. Tapos ay ibebenta nila sa gilid ng simbahan ng Baclaran at sasabihin sa mga tao na “Cross breed” o nahaluan ng ibang magandang lahi kaya medyo kakaiba ang itsura.

“Kuya magkano sa Siberian Husky?” tanong ng isang lalaki na kanina pa tumitingin sa mga tutang ibinebenta ni Roldan.

“Limang libo lang,” sabi niya. Mukhang may buena mano na siya.

“Bakit ang mura yata kuya?” nagtaka bigla ang ekspresyon nito. Ang ganoong lahi kasi ng aso ay naglalaro sa sampu hanggang bente mil ang presyo.

“Cross breed yan eh, nalahian ng labrador kaya ganyan. Kunin mo na may bakuna na yan,” pangungumbinsi niya pa. Pero ang totoo ay walang bakuna ang mga aso. Marumi rin ang pinakakain nila rito, at hindi naitatrato ng maayos ang mga tuta.

Saglit na nag-isip ito pero ilang sandali lang ay nakumbinsi rin. Naglabas na ito ng pera.

“Sama mo na tong kulungan, 1500 lang. Di naman yata maganda na bitbit mo ang aso habang naglalakad. Syempre kikilalanin ka pa nito.” sabi ni Roldan. Pumayag naman ang lalaki, swerte talaga. Instant money.

Madilim na ang paligid nang umuwi si Roldan sa kanila, bitbit niya ang mga tuta at isang bilaong pancit. Tatlo ang naibenta niya ngayong araw kaya naisipan niyang pasalubungan ang kanyang pamilya.

Masayang sinalubong siya ng kanyang anak na si Olan, pitong taong gulang.

“Yehey pancit!” sabi nito.

“Tawagin mo na sila at kakain na,” sabi niya naman sa bata.

Masaya nilang pinagsaluhan ang pancit na bitbit niya. Nagbibihis na si Roldan at naghuhugas naman ng pinggan ang misis niya nang makarinig sila ng iyak.

“Aray!”

Agad na napalabas si Roldan sa kwarto ng maliit nilang bahay, nanlaki ang mata niya nang makita ang anak na si Olan, pinapadugo ng bata ang daliri nito.

“Ano’ng nangyari?!” tanong ng misis niya.

“Kagat po ako ng tuta,” sabi ng bata. Wala palang nakapansin na sinubukan nitong ipasok ang daliri sa kulungan upang laruin ang mga tuta. At dahil hindi napapakain nang maayos ang mga ito ay iritable at kinagat ang anak niya.

“Wala yan, hugasan mo lang ng sabon,” sabi ni Roldan.

Sumunod naman ang anak niya, nilagyan pa nga iyon ng alcohol.

“Sigurado kang wala yan ha?” nag-aalala pa rin ang kanyang misis.

“Oo nga, ako nga ilang beses nang nakalmot ng mga yan. Kahahaba ng kuko eh. Wala yan sus.”

Mabilis lumipas ang mga araw, patuloy lamang sa panloloko si Roldan na imported at safe ang mga asong binebenta niya. Hanggang isang gabi ay umuwi siya at sinalubong siya ng kanyang panganay na anak, natataranta ito at lumuluha.

“Napapano ka?!” tanong niya rito.

“S-si Olan tay! Kadadala lang ni Nanay sa ospital! Bumubula ang bibig!” sabi nito. Agad niyang tinanong sa anak kung saang ospital naroon ang kanyang mag-ina at nagpahatid siya sa tricycle.

Kinakabahan siya, baka kasi nalason ang bata. Pare-pareho naman sila ng kinakain ng kanyang pamilya? Bakit bukod tanging ito lamang ang nagkaganoon? Buti nalang ay may napagbentahan siya, may pambayad sila ngayon sa ospital.

Tiyak niyang simpleng suka tae lamang ang sakit ng anak niya. Baka nataranta lang ang misis niya kaya sumugod sa ospital.

Pero ganoon na lamang ang pagkatulala niya nang makarating sa emergency room at makita ang misis niya na lupaypay na nakasandal sa sahig, halos mapaupo na ito. Iyak ito nang iyak at tulala.

Inikot niya ang mata at napako ang paningin niya sa kama, naroon ang katawan ng kanyang anak at.. nakatalukbong ito.

“Hindi!” sigaw niya.

Agad niyang nilapitan ang doktor,”Doc ano ho ba ang nangyayari? Bakit ganito?! Pare- pareho kami ng kinain, imposible ito!” naghihisterikal sya.

“Sorry po. Ang anak po ninyo ay biktima ng rabies. Hindi ho makikita ang sintomas niyan agad, ilang linggo at buwan ang bibilangin. Minsan pa nga ay umaabot ng taon. Kapag ho nakagat ng aso ay dapat na bakunahan agad dahil kapag umabot na sa utak ng biktima ang rabies ay huli na ang lahat..” paliwanag nito sa kanya.

Kahit anong iyak pa ang gawin ni Roldan ay di na niya maibabalik pa ang anak. Alam niyang siya ang may kasalanan bakit nagkaganito ang bata.

Alam niyang ito na ang kabayaran sa lahat ng taong niloko niya at sa mga inilagay niya sa kapahamakan ang buhay sa pamamagitan ng pagbebenta niya ng mga asong hindi nabakunahan.

Advertisement