Inday TrendingInday Trending
Ibinili ng Babae ng Gatas ang Sanggol ng Pulubing Ina, Muli Pala Silang Pagtatagpuin Makalipas ang Maraming Taon

Ibinili ng Babae ng Gatas ang Sanggol ng Pulubing Ina, Muli Pala Silang Pagtatagpuin Makalipas ang Maraming Taon

Tatlong taon nang nasa abroad ang asawa ni Lydia at siya ngayon ang naiiwang nag-aalaga sa kanilang panganay, ang sanggol na si Lilac. Apat na buwang gulang pa lamang ito, buti nga ay ipinilit ng mister niya na kumuha sila ng yaya dahil napakahirap palang magbantay ng baby. Marami naman silang pambayad dahil malaki ang sinasahod ng kanyang asawa.

Noong una sabi niya ay kaya niya pero after niyang manganak noon ay nanghihina ang kanyang katawan at ni hindi siya makabangon kaya pumayag na sya. Ngayon ay okay na naman siya pero di na nila pinaalis ang yaya, mabait naman kasi ang matanda at maaasahan pa. Tulad ngayon na kailangan niyang mag-grocery dahil bibisita ang kanyang mga biyenan mamaya.

“Miss, saan dito ang milk section?” tanong niya sa sales lady, isasabay niya na rin sa pagbili ng iluluto ang gatas ni Baby Lilac.

“Diretsuhin nyo lang po ma’am, sa ikatlong rack po yung mga milk for babies,” sabi naman ng saleslady.

Dumiretso na si Lydia doon, habang naghahanap siya ng pinakamalaking kahon ng gatas ay napansin niya ang isang nanay na may kargang anak. Sa tingin niya ay ka-edad ni Lilac niya ang baby kaya napangiti siya, ganoon yata kapag nanay na- pag nakakita ka ng baby na kaedad ng sa iyo ay di mo mapipigilang mapangiti.

Medyo nagtaka siya dahil nakatitig lang naman ang babae sa mga gatas, at medyo umuungot-ungot na ang sanggol.

“Eto na anak, pipili na si Nanay,” sabi ng babae.

Dumampot na rin naman si Lydia ng gatas, kailangan niya nang magmadali dahil magluluto pa siya. Pagdating niya sa cashier ay tila pinagtatagpo talaga sila ng tadhana dahil nasa unahan niya ang babaeng may bitbit na sanggol. Medyo matagal pa dahil tila nagagalit ang cashier dito.

“Ma’am, kung hindi ho pala kayo sigurado na bibilhin nyo ito sana ay hindi nyo dinampot,” masungit na sabi ng cashier. Ang tinutukoy nito ay ang pinakamaliit na pack ng gatas na binili ng babae para sa anak. Kung tutuusin ay nasa sikwenta pesos lamang iyon.

“Pasensya ka na miss, kasi sabi roon sa price tag na nakakabit estante ay 45 pesos lang..” napapahiyang sabi nito dahil medyo maraming tao. May mga ilan pang nagrereklamo sa likod nila.

“Limang piso lang ay nakakaabala po kayo ma’am, wala pa naman ang bisor ko rito para baguhin. Kung kailan kasing nai-punch ko na ay aatras kayo,” tumataas na ang boses ng kahera.

“K-kuwarenta’y singko lang kasi ang pera ko..” mahinang sabi ng babae. Hindi na malaman kung ano ang gagawin, umiiyak na rin ang sanggol na hawak nito na marahil ay nararamdaman ang tensyong kinalalagyan ng ina.

Napabuntong hininga si Lydia sa awa sa babae, nilapitan niya ang cashier at inutusan ang bagger nito na kumuha pa ng tatlong pinakamalalaking gatas.

“Sige na, i-punch mo na yan. Pati yung mga pinakuha ko, ako na ang magbabayad.”

“Opo,” magalang naman na sabi ng cashier sa kanya. Nasindak ito dahil halata namang mayaman siya at kayang-kaya niya itong isumbong sa inasal nito sa pobreng babae. Tuwang-tuwa ang babae at hindi malaman kung paano siya pasasalamatan, buti na lang at may dala siyang kotse, naihatid niya pa ang mag-ina para hindi na mahirapan pa ang mga ito na magbuhat.

“H-hindi ko talaga alam kung paano kita pasasalamatan, may pang gatas na ang anak ko. Ano ho palang pangalan nyo?” nahihiyang sabi nito bago bumaba sa kanyang sasakyan.

“Lydia Herrera, pag may kailangan ang baby sabihin mo lang sa akin. Ito ang number ko. Wala yun! Ano ka ba, ayaw ko lang nakakakita ng kawawang baby kasi ka-edad siya halos ng anak ko. At ang cute-cute ng baby boy na yan, sino ba ang makakatiis dyan ha?” at malambing niya pang hinimas ang ulo ng bata.

Nagising si Lydia sa pagkakatulala nang kalabitin siya ni Lilac, ilang taon na rin ang nakakalipas.

“Ma! Tulala ka nanaman, iniisip mo nanaman si Daddy,” sabi nito at nakasandal pa sa kanyang balikat.

Malungkot na napangiti si Lydia, 8 years ago na rin mula nang pumanaw ang kanyang asawa. Kaga-graduate lamang ni Lilac noon sa high school, akala niya nga ay di na ito makakapagkolehiyo dahil naubos ang pera nila sa pagpapagamot ng mister niya.

Buti na lang ay matalino at mabait ang kanyang anak, nakuha itong scholar at nakapagtapos ng kolehiyo. Nagkaroon rin ito ng magandang trabaho sa isang opisina at kahit papaano ay napagawaan na siya nito ng sarili nyang bahay. Swerte rin ito sa mabait na nobyong si Kent.

Mayaman ang binata pero kahit na kailan ay walang ka-ere-ere. Kitang kita niya rin na mahal nito ang kanyang anak, katunayan nga ay nais ng binata na ilipat sila sa mas malaking bahay pero tumanggi ang anak niya dahil ayaw namang samantalahin ni Lilac ang pagiging mabait nito. Lalo pa at di pa naman sila mag-asawa.

“Naalala ko lang ang buhay natin, ang galing anak. Kinaya natin kahit tayong dalawa lang,” sabi niya rito.

“At ngayon ay madadagdagan na ang pamilya natin ma,” nakangiting sabi nito.

“Ha? Buntis ka?” nagbibiro niyang sabi, at kung sakaling totoo man ay hindi naman siya magagalit.

“Ma naman! Hindi yun! Magpapakasal na kami ni Kent! Nag-propose siya sa akin kanina. Mamamanhikan daw po sila mamaya,” nagniningning pa ang mga mata nito habang sinasabi iyon.

“Ha?! Susmaryosep ka! Bakit ngayon mo lang sinabi! Ni hindi pa ako nakakalinis ng bahay, ni wala pa akong naiisip na ilulutong putahe, batang ito!” nataranta bigla si Lydia.

“Ma, relax. Mababait sila, kahit ano ang ihain mo ay walang kaso. Tara, tutulungan kitang magluto.”

Mabilis lumipas ang oras, may kumakatok na sa kanilang pintuan.

“My beautiful future wife,” malambing na sabi ni Kent at niyakap si Lilac na sumalubong sa kanila.

“Pasok kayo, nasa loob po si Mama.” sabi ni Lilac sa mga ito. Kasama ni Kent ang kanyang mama at papa. Nakangiti naman sa kanya ang ginang at hinalikan siya sa dalawang pisngi.

Abalang naglalagay ng pinggan si Lydia sa mesa, napangiti pa siya nang lumapit ang kanyang anak at ipinakilala ang kanyang mga magiging balae.

“Pasok kayo, pasensya na. Itong batang ito ay kanina lang sinabi na pupunta kayo ngayon,” sabi niya. Nakangiti sa kanya ang lalaki pero ang babae ay nakatitig lang.

“Sandali,” sabi nito sa kanya. Nagtataka man ay napatigil siya sa harapan nito, hinawakan pa kasi nito ang braso ni Lydia. Ang lahat naman ay napatingin rin.

“B-bakit balae?” tanong ni Lydia.

“Ikaw nga! Lydia Herrera!” sabi nito at nayakap siya.

“Aba at alam mo na ang buong pangalan ko, oo ako nga- ang balae mo,” natatawa niyang biro pero umiiling-iling ang ginang at muling nagsalita.

“Ikaw yung babae sa grocery maraming maraming taon na ang nakalipas. Ikaw nga… walang-wala akong pera noon dahil nagkasakit ang asawa ko. Alam mo bang kung hindi dahil sayo ay baka hindi na nabuhay si Kent dahil wala talaga akong maipapakain? Pero pinalakas mo ang loob ko, pinatunayan mo sa akin na palaging may pag-asa. Pag akala mo wala na, may ipapadala ang Diyos para sagipin ka. Ikaw nga.”

Saglit na inalala ni Lydia ang tinutukoy nito, at napangiti siya. Nakakaluwag pa sila sa buhay noon nang ibili niya ito ng tatlong kahon ng gatas. Sino ba ang mag-a-akalang ang sanggol na iyon pala ang magiging manugang niya?

“Palagi pong ikinukwento ni Mama sa akin ang tungkol doon, salamat po,” nakangiti si Kent at niyakap pa rin siya.

“Walang anuman iyon, siguro ay pinagtagpo na talaga tayo ng tadhana. Kinailangan kitang sagipin dahil pagdating pala ng panahon ay ikaw rin ang magmamahal at mag-aalaga sa aking anak lalo na pag wala ako.” nakangiti niyang sabi.

Masayang nagsalu-salo ang pamilya, tiyak na magiging matibay ang samahan ng mag-asawa.

Advertisement