Inday TrendingInday Trending
Binawian ng Buhay ang Ina na Ito na Umaasang Bibisitahin Siya ng mga Anak na Matagumpay na sa Buhay

Binawian ng Buhay ang Ina na Ito na Umaasang Bibisitahin Siya ng mga Anak na Matagumpay na sa Buhay

Isinalin na ni Lola Herminia ang kumukulong tubig mula sa takure, isang panibagong araw na naman na kailangan niyang haraping mag-isa. Maaliwalas ang umaga pero mababakas sa mukha ng matanda ang lungkot.

Ang bahay niya ay luma na pero mababakas pa rin na dati ay maganda ito at malaki, hindi tulad ngayon na puno na ng alikabok at agiw. Masyado na kasing masakit ang kanyang balakang kaya di na niya nagagawa pang linisin iyon. Matagal na panahon na rin mula nang huli siyang makaakyat sa itaas ng kanyang bahay, matarik kasi ang hagdan at marupok na.

Hirap siyang pumanhik panaog, kaya naman sa tulong ng mababait na kapitbahay ay naibaba ang isang higaan at dito na lamang siya natutulog. Napangiti naman ang matanda nang maalala kung anong araw ngayon, tumayo siya at dumiretso sa sari-sari store na malapit.

“Nida, makikitawag nga,” sabi niya sa tindera. May pay phone kasi ito, hirap na hirap pa siyang bilangin ang limang tigpipiso dahil nanginginig ang kanyang kamay.

“Hello? O Bernadette? Pupunta ba kayo rito?” nakangiting sabi ng matanda, saglit na nagsalita ang anak nitong kausap sa kabilang linya at unti-unting nawala ang saya sa kanyang mukha.

“Ganoon ba… sige naiintindihan ko naman, kailan kaya kayo pwede-” hindi pa siya tapos magsalita ay ibinaba na ng kausap ang tawag.

May apat na anak si Lola Herminia, ang tatlo ay may asawa na habang ang bunso niya naman ay dalaga pa pero sa New York na ito nakatira. Pawang mga propesyonal ang kanyang mga anak, may nurse, abogado, doktor at teacher. Maganda kasi ang trabaho ng kanyang asawa noong nabubuhay pa, pero nang mamatay ang lalaki ay akala yata ng mga anak niya pati siya namatay na. Di na kasi siya naalalang dalawin ng mga ito.

Kahit pa kaarawan niya ngayon.

“Mommy birthday ni Lola ngayon!” sabi ng anak ni Bernadette na si Kay, malapit kasi ito sa lola at minarkahan pa talaga sa kalendaryo ang kaarawan ng matanda.

“Oo nga pala no, hayaan mo na sa ibang araw na lang tayo bumawi. May mga aasikasuhin si Mommy ngayon eh, diba pupunta tayong Hong Kong for your birthday?” nakangiting sabi ng babae sa anak.

“But it’s her birthday!” pangungulit ng bata.

“Kay, your lola can wait,” sabi ni Bernadette.

Ganoon din naman ang paniniwala ng ibang anak ni Lola Herminia, sina Harold, Vincent at Jenica- na lagi lamang nariyan ang kanilang nanay at pwede naman nilang bisitahin anytime. Busy lang talaga sila ngayon.

Pero lahat sila ay nagimbal nang bigla silang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned na kapitbahay.

“Hello? Ito ho ba ang anak ni Nanay Miniang? Nakita lang ho namin ang numero nyo sa bulsa ng duster nya, si Nanay Miniang ho natumba,” nag-aalalang sabi nito.

Agad napasugod ang tatlong anak na nasa Pilipinas at ganoon na lamang ang panlulumo nila nang makita ang inang nakaratay sa ospital, maraming tubong nakakabit dito at wala itong malay. May pumutok na ugat sa utak nito.

“I’m really sorry. Pero tatapatin ko na kayo, kung may chance man na mabuhay pa ang nanay ninyo kapag tinanggal ang mga aparatong nakakabit sa kanya ay 3% na lang,” sabi ng doctor.

Pare-pareho silang napaluha. Kahit ang anak ni lola Herminia na nasa New York ay nagawang umuwi agad-agad nang malaman ang kalagayan ng ina, tila hinintay lang naman ng matanda na makumpleto ang kanyang mga anak. Ito na ang kusang sumuko at binawian na ng buhay.

Habang nasa funeraria ang katawan ni lola Herminia ay nag-abala ang mga anak na ayusin ang kanyang bahay upang doon iburol ang matanda. Ganoon na lamang ang pagluha nila nang makita ang naging kalagayan nito. Ang pinakanakatawag sa kanilang pansin ay ang lumang kalendaryo na bigay dito ng botikang binibilhan nito ng generic na gamot.

“Ako ay nakakapamasyal abroad, pero ang nanay ko ay ni hindi ko naibili ng branded na gamot..” naluluhang sabi ni Bernadette.

Lumapit sila at tinignan kung ano ang mga nakabilog doon na petsa, may mga maliliit na note din sa gilid.

December 26- birthday ni Bernadette

April 9- birthday ni Harold

September 2- birthday ni Jenica

October 4- birthday ni Vincent

Hindi nakakalimutan nito ang kanilang mga kaarawan, pero sa kaarawan nito ay wala man lang nakaalalang bumati. Ilang birthday nito ang ipinagdiwang nitong mag-isa, mabuti pa nga ang kapitbahay ay nakakaalalang bumati.

Maganda ang naging burol ni lola Herminia, dahil mayayaman ang mga anak ay talaga namang mamahalin ang mga bulaklak maging ang kanyang ataul. Halatang halatang ginastusan.

Sa kabila nito ay di naiibsan ang pagsisising kumakain sa puso ng apat na anak. Dahil alam nila na kahit gaanong kalaking pera ang gastusin nila ay di na iyon makikita pa ng nanay nila, di na nila mapapasaya ito. Sana, sa birthday nito at hindi sa burol napupunta ang mga pera nila.

Sana, napangiti pa nila ang nanay nila bago ito pumanaw. Pero wala na, wala nang silbi ang magarbong disenyo ngayon sa bahay nito dahil kahit kailan ay di na maibabalik pa ang nanay nila.

Advertisement