
Sa Maliit na Tindahan Lamang Nanirahan ang Mag-ina Kaya Ipinangako ng Anak na Kapag Yumaman Siya, Ibibili Niya ng Mansyon ang Ina; Magawa nga Kaya Niya Iyon?
Kahit kailan, hindi malilimutan ni Errol ang kaniyang ikapitong kaarawan. Literal na kandila ang sumalubong sa kaniya. Mga kandilang hindi puwedeng hipan, dahil nawalan sila ng kuryente. Hindi dahil brown-out. Pinutulan sila ng koneksyon ng kanilang kasera. Hindi na raw kasi sila nakakabayad ng upa.
“Happy Birthday anak!” nakangiting bungad sa kaniya ng ama at ina. Nasa isang pinggan ang apat na chocolate cup cake na may nakatulos na maliliit na kandila.
“Anong wish mo anak bago mo hipan ang kandila?” tanong sa kaniya ng ama.
“Wish ko po sana magkapera na tayo para maibalik na ni Aling Mameng ang kuryente!” saad ni Errol noon. Saka niya hinipan ang mga ningas ng maliliit na kandila. Pumailanlang ang mga usok na nagsayaw-sayaw sa hangin, at nanatili ng ilang minuto, dahil wala namang hangin mula sa bentilador na magpapalayas dito.
“Pasensya ka na anak kung wala tayong handa sa birthday mo. Babawi na lang ako sa iyo sa susunod na taon,” saad ng kaniyang ama. Kitang-kita ang yayat na mukha nito sa kakaunting liwanag na nagmumula sa nakasinding kandilang tumatanglaw sa karimlan ng gabi.
“Oo nga anak. Natanggal kasi si Tatay sa trabaho niya dahil sa pagiging kasapi ng unyon. Ako rin babawi sa iyo,” pangako naman ng kaniyang ina.
Subalit hindi natupad ng kaniyang ama ang pangako nito. Maaga itong lumisan sa daigdig. Bukod pala sa pagkakatanggal dito ng kompanya bilang kasapi ng unyon, may malubhang karamdaman pala ito, na tuluyang lumagot sa hininga nito.
Tuluyan silang napalayas sa kanilang inuupahan. Humanap sila ng panibagong matutuluyan, hanggang sa makahanap ang kaniyang ina ng isang bakanteng maliit na tindahan. 1, 500 ang upa. Pumayag ang kaniyang ina.
Walang ibang laman ang naturang tindahan kundi isang malaking papag. Doon na ang kanilang higaan, upuan, at mesang kainan. Isinako na lamang nila ang kanilang damit at iba pang gamit at inilagay sa ilalim nito. Twuing umaga, naiiwang mag-isa si Errol dahil naghahanap ng trabaho ang kaniyang ina. Sinwerte naman itong makahanap ng trabaho sa isang pabrika ng biskwitan.
Nang mga panahong iyon, lumipat na rin sa ibang pampublikong paaralan si Errol. Binibigyan lamang siya ng sampung piso para sa kaniyang baon. Tinitiis na lamang ni Errol ang pagkatakam sa tuwing dumarating na ang tray ng mga pagkain, lalo na ang umuusok na sopas. Sampung piso kasi ang isa nito, at kapag binili niya ito, wala na siyang pambili ng inumin.
Pagkauwian, diretso si Errol sa kanilang bahay na kahabag-habag dahil sa labis na kaliitan. Doon, hihintayin niya ang pagdating ng kaniyang ina, na paminsan ay may lutong ulam at kanin na.
Paborito niyang iniuuwi sa kaniya ng ina ang lechong manok. Kapag kumakain sila nito, pakiramdam niya ay may pera sila.
“Nanay, ipinapangako ko po sa inyo, kapag yumaman ako, patatayuan po kita ng mansyon!” pangako ni Errol.
“Talaga anak? Naku, sana nga. Alam kong kayang-kaya mo iyan!”
Kaya naman, nagsikap si Errol sa kaniyang pag-aaral upang makapagtamo ng parangal. Gusto niya kasing mapasaya ang kaniyang ina. Bagay na hindi naman siya nabibigo. Taon-taon, laging umaakyat sa entablado ng paaralan ang kaniyang ina upang tanggapin ang mga ribbon, medalya, o sertipiko niya. Hindi nakagugulat na siya ang class valedictorian nang matapos niya ang high school.
“Anak, paano iyan, hindi yata kita mapag-aaral sa kolehiyo?” pagtatapat ng kaniyang ina sa kaniya.
“Akong bahala ‘Nay. Dahil ako ang class valedictorian, hahanap ako ng pamantasan na may full scholarship para sa mga class valedictorian. Saka magtatrabaho rin ako para naman hindi sayang ang oras.”
At ganoon na nga ang nangyari. Mapalad na nakahanap si Errol ng isang pamantasan na nag-ooffer ng scholarship para sa mga kagaya niyang honor students. Kumuha siya ng kursong Business Administration major in Marketing. Sa gabi, siya naman ay namamasukan bilang boy sa isang loading station, at pagkaraan ay naging computer shop. Dahil doon naman siya nagtatrabaho, pumapayag ang kaniyang amo na makapag-internet siya at makagamit ng computer para sa kaniyang mga requirements na kailangang ipasa sa paaralan.
“Nakikita ko ang sarili ko sa ‘yo Errol. Ganiyan din ako noong ako ay nag-aaral pa. Kayang-kaya mo ‘yan.” saad sa kaniya ng mabait na amo.
Hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral at nakapagtamo pa ng parangal bilang Summa Cum Laude. Tuwang-tuwa ang kaniyang ina.
Dahil siya ay Summa Cum Laude, kinuha siya ng kaniyang pinagtapusang paaralan bilang propesor. Tinanggap niya ito habang naghahanap siya ng kompanyang mapapasukan. Kaya naman, dalawa ang naging trabaho niya. Naisingit pa niya ang pagkuha ng master’s degree.
Dahil may sapat na pera na, nakalipat na sila ng ibang bahay. Nakakuha siya ng isang mauupahang bahay, na talagang matatawag na bahay. Bago umalis sa maliit na tindahang naging saksi sa kaniyang pagsisikap at pagtitiyaga, kinuhanan niya muna ito ng mga litrato.
Matuling lumipas ang limang taon. Nataas na sa katungkulan sa pinapasukang kompanya si Errol. Isa na rin siyang associate professor sa pamantasan. Nakapag-ipon na siya ng pera. At isang sorpresa ang nais niyang ipakita sa kaniyang ina sa kaarawan nito.
“Happy Birthday, ‘Nay!”
Tinanggal niya na ang piring sa mga mata ng ina. Bumungad sa kaniya ang cupcake na may nakatulos na kandila sa tuktok nito. Natawa ito.
“Parang ganito rin ang naging pa-birthday namin sa ‘yo noon, kung naaalala mo,” saad nito sa kaniya. Hinipan na nito ang sindi ng kandila.
“Nay, hugutin mo yung kandila,” utos ni Errol.
Napakunot naman ang noo nito. Tumalima sa inutos ng anak. Lalong nangunot ang noo niya nang makita ang nakakabit na susi sa kandila, na nakatusok naman sa malambot na cupcake.
“A-Ano ito?” tanong ng kaniyang ina.
Hindi sumagot si Errol. Inaya niya ang ina na umalis. Nang mga sandaling iyon ay nakabili na siya ng segunda manong sasakyan. Nagmaneho siya. Ilang sandali na lamang, at nasa harapan na sila ng isang napakalaki at napakagandang bahay. Mala-mansyon sa laki!
“Naalala mo yung pangako ko sa ‘yo na patatayuan kita ng mansyon? Heto na po! Ang susing hawak mo po, ay ang susi ng pinto niyan. Maraming salamat ‘Nay sa lahat ng mga pagsusumikap mo noon para sa akin!” madamdaming pasasalamat ni Errol sa kaniyang ina.
Hindi naman makapaniwala ang kaniyang ina sa pa-birthday na sorpresa ng anak para sa kaniya. Niyakap niya ang anak at nagpasalamat dito.
Napagtanto ni Errol na walang imposible sa mundong ito basta’t magtitiwala lamang sa Diyos at sa sariling kakayahan, basta’t langkapan ng pagtitiyaga at pagsisipag, lahat ay makakamtan.