
Nalagpasan ng Dalaga ang Hamon ng Pagiging Sekretarya ng Istriktong Boss; Ano ang Magiging Sukli Nito sa Kaniya?
“Padating na ang dragon!”
Pulasan ang mga empleyado sa kani-kanilang mga cubicle. Ang iba, inimis ang mga nakakalat na papel sa mga working desks. Ang iba naman, agad na kinuha ang lipstick o make-up upang mag-retouch, o kaya naman ay suklay. Padating na nga raw ang “dragon” ng kanilang opisina.
Ang tinutukoy na dragon ay ang boss ni Gladys na si Mr. Sumalde, o mas kilala sa tawag na Boss S. Siya ang Chief Operating Officer o COO. Siyempre, inisyal ng Sumalde, pero para sa mga hindi nakakakilala sa kaniya nang mabuti, ang S ay nangangahulugang Sungit at Sama.
“Buti nakakatagal ka sa ugali ng boss mo?”
“Malas mo naman sa kaniya ka napunta. Ikaw lang nakatagal sa kaniya.”
“Ilang buwan ka kayang tatagal sa kaniya?”
Ganiyan ang madalas na naririnig ni Gladys sa kaniyang mga kasamahan. Tatlong linggo pa lamang siya sa kaniyang trabaho bilang sekretarya nito, at nagugulat siya dahil siya na raw ang pinakamatagal sa mga naging bago.
Ang dating sekretarya nito na si Ms. Elle ay nataas na sa katungkulan. Iyon naman daw ang maganda sa kaniyang boss. Kapag nakitaan ka nito ng potensyal, mula sa pagiging sekretarya ay maaari kang maging supervisor o manager, depende sa ipinakita ng iyong performance.
Iba naman ang working attitude ni Boss S. Hindi uso sa kaniya ang plan B. Plan A lang. Gawin mo ang nauna niyang gusto, dahil kung hindi, pupulutin ka sa kangkungan. Sa ikalawang araw pa lamang niya ay nabulyawan na siya nito.
Sa tatlong linggo ni Gladys bilang sekretarya, nagagawa naman niya ang mga gusto nito nang maayos. Noong isang araw, inutusan siya nitong kabisaduhin ang pangalan ng mga makakasama nito sa pulong, dahil hindi niya kakilala.
Ilang sandali lamang, nariyan na si Boss S. Dire-diretso ito sa kaniyang mesa. Iniabot naman kagaad ni Gladys ang tablet na kinalalagyan ng daily schedule nito.
“May mahalagang meeting ba ako today?” tanong ni Boss S. Kung titingnan, kahit na may edad ito ay mababakas pa rin kakisigan at gandang lalaki nito.
“Yes sir. 3:00 PM. Board meeting po,” tugon ni Gladys.
“Tell them that be ready with their reports. I want concrete plans sa assignment ko sa kanila last meeting. Pakihanda rin ang slides presentation ko para mamaya.”
“Yes sir, done na po.”
“What about the minutes of the meeting last meeting, okay na ba?”
“Yes, sir. Nasa email na po ninyo.”
“Nasabi na ba sa mga managers ang gusto ko? Ang mga bilin ko?”
“Yes, sir. Kahapon pa po. May feedback na po sila. I also sent to your email.”
Natahimik na si Boss S. Tumango-tango. Sumenyas na ito ng OK sign, hudyat na pinapaalis na siya. Magalang na yumukod si Gladys at nagpaalam na.
Nagtungo siya sa lavatory upang ipagtimpla ng kape ang boss. Ayaw ni Boss S ng malamig at matamis na kape. Kaya kapag dumarating na ito, saka lamang siya nagpapainit ng tubig sa takure, at mula mismo rito, ibinubuhos niya sa tasa ang kape para mainit na mainit.
Siya mismo ang magtatanggol sa sinumang mga tao na hindi naman nakakatakot ang kaniyang boss. Lagi nitong sinasabi sa kaniya:
“There is no substitute for excellence. Sa lahat ng bagay na ginagawa natin, kailangang ibigay natin ang 101%. Ang totoo niyan, may masasabi at masasabi ang mga tao sa iyo, sa kahit na anong desisyong gawin mo, kaya kailangan, matibay ang dibdib mo sa kahit na anomang mga isyung ipupukol sa iyo. Wala kang dapat gawin kundi ang mamili para sa sarili mo.”
Makalipas ang maraming taon, iyan ang nasa isip lagi ni Gladys, ngayong siya na ang COO ng kompanya.
Utang niya ang lahat sa kaniyang boss na nagturo sa kaniya kung paano maging matatag. Napatunayan niyang worth it siya na maging sekretarya nito, at ayon mismo rito, nalagpasan pa niya ang mga inaasahan niya sa isang sekretarya. Kaya naman sa rekomendasyon nito, naging supervisor siya, tapos ay naging area manager, at naging marketing manager.
Dahil sa husay na ipinakita ni Gladys, siya na ngayon ang Chief Operating Officer o COO.
Nasaan na ang kaniyang Boss S?
“Gladys, what do you think? Kailangan ba nating tanggapin ang mga investor na ‘yan?
Naputol ang pagmumuni-muni ni Gladys nang pumasok ang CEO ng kompanya; walang iba kundi si Boss S, ang kaniyang dating boss at mentor, na ngayon ay halos kapantay na niya sa katungkulan. Tama nga ang sinasabi nila: huwag maging sensitibo lalo na sa trabaho. Lahat ng mga pagalit, lahat ng mga bagay na nasisita sa iyo, ay magiging daan upang ikaw ay tuluyang magtagumpay.