Inday TrendingInday Trending
Hindi na Makayanan ng Dalagita ang Bungangera Niyang Nanay Kaya Naglayas Siya; Magkaayos Pa Kaya Sila?

Hindi na Makayanan ng Dalagita ang Bungangera Niyang Nanay Kaya Naglayas Siya; Magkaayos Pa Kaya Sila?

“Nemia! Nemia! Bumalik ka rito! Kinakausap pa kita!”

Hindi pinakinggan ni Nemia, 17 taong gulang, ang pagtawag ng kaniyang nanay. Tuloy-tuloy siyang lumabas ng bahay. Nais niyang magpakalayo-layo. Nangingilid ang kaniyang luha. Hindi na niya makayanan ang pagiging bungangera nito.

Sa direksyon ng kaniyang kaibigang si Angeline dumiretso si Nemia. Para siyang batang nagsusumbong.

“Nag-away na naman ba kayo ni Tita?” pag-amo ni Angeline sa humihikbing kaibigan.

“Hindi ko na talaga matagalan si Nanay! Lagi na lang akong sinisita sa lahat ng bagay. Pati sa paraan ko ng paglalaba. Pagluluto. Lahat ng ginagawa ko lagi siyang may puna. Ayoko ng ganun bes. Alam mo naman at kilala mo ako. Ayoko sa mga nagmamando sa buhay ko,” kuwento ni Nemia.

“Nemia, hindi naman sa nakikialam ako ha. Baka naman kasi may pinanggagalingan ang nanay mo kaya ka nasisita. Naitanong mo ba sa sarili mo kung tama ba ang mga paraan mo? Baka naman kasi may nakikita siyang mga detalye na talaga namang kasita-sita? Syempre bilang nanay mo, itatama ka niya,” sansala sa kaniya ni Aling Dely, ang nanay ni Angeline.

Hindi kumibo si Nemia.

“Kasi alam mo Nemia, ang mga nanay na gaya ko, talagang ganun lamang kami, kapag mahal na mahal namin ang mga taong nasisita namin. Kaunting pagpapakumbaba lang,” payo ni Aling Dely.

“Alam ko naman po ‘yon Tita. Kaya lang parang sobra na. Para siyang sirang plaka. Hindi ba niya ako mapagkatiwalaan sa mga bagay na sa palagay ko ay kaya ko naman? Bakit kailangan niya akong bungangaan, sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Ginagawa ko naman ang lahat pero parang wala na akong ginawang tama sa mga gawaing-bagay. Bakit kayo, Tita? Hindi ninyo pinagsasalitaan nang masasakit si Angeline?”

“Nemia. iba-iba naman kasi ang estilo ng parenting o pagmamagulang ng mga nanay. Baka ganun lang ang paraan ng nanay mo, kumbaga, dinaraan niya sa panenermon ang concern niya sa iyo. Huwag kang mag-alala, mahal na mahal ka no’n,” pangungumbinsi ni Aling Dely.

Hindi na lamang kumibo si Nemia. Pakiramdam niya wala siyang kakampi. Hindi naman kasi naiintindihan ni Angeline o lalo na ni Aling Dely ang kaniyang nararamdaman.

Pag-uwi niya sa bahay, naabutan niyang nagsisiesta ang kaniyang ina. Sinamantala niya ang pagkakataon. Agad siyang nag-impake ng mga gamit at mahahalagang bagay na maaaring dalhin. Bahala na. Buo ang isipan niya. Lalahas siya. May naipon naman siya mula sa allowance na ibinibigay sa kaniya. Magpapakalayo-layo siya.

Nang tanungin ng kundoktor ng bus kung saan siya bababa, sinabi niyang sa terminal ng bus na kaniyang sinakyan. Hindi niya tiningnan kung saan patungo ang ruta ng bus na kaniyang sinakyan. Basta ang alam niya, nais niyang lumayo. Nais niyang takasan ang araw-araw na bunganga ng kaniyang nanay. Nais niyang patunayan dito na mali ito sa mga sinasabi nito sa kaniya.

Nag-deactivate din siya ng kaniyang mga social media accounts. Tinanggal din niya ang sim card sa kaniyang cellphone para hindi ito makatawag sa kaniya.

Pagkababa sa terminal ng bus, nagpalakad-lakad si Nemia. Naghanap siya ng mauupahang kuwarto. Suwerteng nakahanap naman siya. 2,000 piso hindi pa kasama ang bayad sa kuryente at tubig. Pumayag siya. Sa isip-isip niya, maghahanap naman siya ng trabaho. Bukas na bukas. Susuyurin niya ang lugar na iyon. Batay sa pagtatanong-tanong, nakarating siya sa isang lugar sa Batangas.

Subalit sa ikalawang araw pa lamang ng paghahanap ng trabaho ni Nemia ay nahirapan na siya. Sino ba naman ang tatanggap sa kaniya? Hindi pa siya tapos ng pag-aaral, sa katunayan, nasa ikatlong taon pa lamang siya sa Senior High School. Kahit man lamang daw first year college ay maaari na sana siya.

Lumipas ang isang linggo. Naramdaman na ni Nemia ang hirap ng pag-iisa. Dati, paggising niya, nakahanda na ang almusal. Ngayon, bukod sa iisipin pa niya kung ano ang kakainin, mas napapamahal pa siya dahil wala naman siyang lutuan. Dati, nalabhan na ang kaniyang mga damit. Ngayon, nahihirapan siyang maglaba dahil wala naman siyang batya at iba pang mga gamit; ang nanay niya, bukod sa washing machine, kinukusot pa ang kaniyang mga damit para matiyak na malinis na malinis.

Isa pa, hindi naman sapat ang ipon niya. Ayaw naman niyang mamasukan bilang isang kasambahay. Hindi naman sa minamaliit niya ang trabaho. Laging sinasabi sa kaniya ng nanay niya, na kaya siya pinag-aaral ay para makakuha siya ng mas mainam na trabaho kapag nakatapos na siya.

Ayaw man niyang aminin, nami-miss niya ang nanay niya.

Isang desisyon ang ginawa niya. Muli niyang inempake ang mga damit. Matapos mabayaran ang upa, minabuti niyang umuwi sa kanila.

Matapos ang limang oras na biyahe…

“Nay…”

Napalingon ang kaniyang nanay. Mugto ang mga mata nito. Kasalukuyan itong naglalaba. Agad itong tumayo at tahimik na lumapit sa kaniya. Niyakap siya nang mahigpit. Tahimik lamang ito. Hindi ito nagsalita ng kahit ano. Niyakap lamang siya. Naramdaman ni Nemia ang pagbalong ng luha sa mga mata nito. Hindi na rin napigilan ni Nemia ang kaniyang emosyon.

“Patawarin mo ako ‘Nay…. patawarin mo po ako kung naging matigas ang ulo ko….”

“Ssssssshhh. Tapos na ‘yan. Ang mahalaga okay ka. Huwag mo nang ulitin at baka hindi ko na kayanin. Alam kong babalik ka anak. Patawarin mo ako kung masyado na akong mabunganga sa ‘yo. Huwag kang mag-alala, babawi ako sa iyo…”

“Hindi ‘Nay, hindi. Wala pong mali sa inyo. Ako po ang nagkamali. Ako po ang hindi marunong tumanggap at makinig. Ako po ang babawi sa inyo,” pangako ni Nemia.

At simula noon, naging maganda na ulit ang samahan ng mag-ina. Ipinangako sa sarili ni Nemia na hinding-hindi na siya lalayas pa, at isasaisip at isasapuso ang mga payo at sermon ng kaniyang nanay: para din naman sa kaniya ito.

Advertisement