Inday TrendingInday Trending
Nagsilbing Mentor ng Starlet ang Premyadong Aktres Hanggang sa Maungusan Siya Nito sa Kasikatan at Gantimpala; Magsaulian Kaya Sila ng Kandila?

Nagsilbing Mentor ng Starlet ang Premyadong Aktres Hanggang sa Maungusan Siya Nito sa Kasikatan at Gantimpala; Magsaulian Kaya Sila ng Kandila?

“Lagi mo lang tatandaan, huwag na huwag mong aalisin ang mga ngiti mo sa mga labi mo, lalo na kapag may mga reporters at tagahanga. Isantabi mo muna ang mga nararamdaman mo, saka na ‘yan kapag wala na sila. Always be professional. Wala naman silang pakialam sa nararamdaman, malungkot ka ba, masaya ka ba? Ang mahalaga sa kanila, yung pakikitungo mo.”

Tumango-tango ang co-star at baguhang artistang si Chloe sa kaniyang mentor na si Morgana Valdez, ang nag-refer din sa kaniya sa direktor na ipasok siya sa bagong teleseryeng gagawin niya. Si Morgana ang bibida, at naghahanap ang production team ng baguhang artistang kayang makipagsabayan sa kaniya, na gaganap bilang kontrabida. Si Chloe ang pumasok sa isipan ni Morgana.

Nakita na niya ang husay ng bata sa pag-arte. Napanood niya ito sa isang dulaang pantanghalan. Walang humpay sa pagbalisbis ang mga luha niya sa emosyong nasaksihan, sa malalim na pagganap nito.

At ngayon, pinapayuhan niya si Chloe kung paano ang buhay ng isang artista, sa mundo ng showbiz. itinuturo niya rito ang mga ginawa niya upang mapanatili ang estado bilang isa sa mga premyado at iginagalang na aktres. Bagama’t nabawasan na ang kaniyang ningning sa pagsulpot ng mga bagong artistang mas nangingibabaw ang kasikatan o hitsura kaysa sa talento, ipinagpapasalamat pa rin niyang nasa limelight pa rin siya at patuloy na nakatatanggap ng mga proyekto.

“Tatandaan ko po lahat ng mga sinabi at pinayo ninyo, tita. Maraming salamat po,” nakangiting pangako ni Chloe.

Matapos ang ilang mga press conference at TV guestings, tuluyan na ngang umere ang kanilang bagong teleserye. Dahil maganda naman talaga ang plot at storyline, pumatok ito sa mga manonood. Marami ang nakapansin sa angking ganda at husay ni Chloe. Makalipas ang ilang buwan, top trending lagi si Chloe sa mga social media platforms.

“Congrats, Chloe! You made it!” pagbati ni Morgana sa kaniya.

“Thank you very much, tita!” pasasalamat sa kaniya ni Chloe.

Lumawak nang lumawak ang fan base ni Chloe. Hanggang sa marami na ang nagsabing si Chloe ang talagang star ng teleserye, at mas bagay daw itong bida kaysa kay Morgana, na kailangan na raw magretiro. Napapansin din ni Morgana na mas maganda ang treatment ng kanilang direktor at mga kasamahan kay Chloe.

Hanggang sa dumating na nga ang hindi inaasahang “twist” sa teleserye. Kinausap siya ng direktor.

“Susubukan lang natin. Ang mangyayari, babaliktad ang sitwasyon. Ikaw pala ang magiging kontrabida muna tapos palalabasin natin na may dahilan naman palang malalim ang paghihiganti ng karakter ni Chloe,” sabi sa kaniya ng direktor.

“So ibig ninyong sabihin, yung karakter na ni Chloe ang magiging bida? What a transition! Ayoko naman ng ganoon, direk!” reklamo ni Morgana.

“Testing the waters lang naman. Titingnan lang natin kung paano mag-rereact ang mga viewers at netizens. Pupulsuhan lang natin. Utos din ito ng management. It’s a test kung kaya na bang mabigyan ng own teleserye si Chloe pagkatapos ng seryeng ito,” saad ng direktor.

“So tatapusin na pala ang seryeng ito? Bakit walang nagsasabi sa akin? Kasama ba ako sa bago na ‘yan?” tanong ni Morgana. Hindi sumagot ang direktor.

“Wala pang sinasabi ang management. Abangan mo na lang,” saad ng direktor.

At ganoon na nga ang nangyari. Biglang nabago ang plot ng kanilang kuwento dahil sa umano’y ‘clamor’ ng publiko na mas gawing bida ang karakter ni Chloe kaysa sa karakter ni Morgana. Mas tumaas nga ang ratings nito at lalong pinag-usapan sa social media.

Hanggang sa magkaroon ng TV awards at pareho silang nominado ni Chloe sa pagka-best actress. Ang itinanghal na best actress ay si Chloe. Masamang-masama ang loob ni Morgana. Pakiramdam niya, naungusan na siya ni Chloe. Tinawag si Chloe para tawagin ang kaniyang tropeo.

“Maraming-maraming salamat po sa Hiyas ng Tabing Awards sa pagkilalang ito. Hindi ko po inaasahan ang pagkilalang ito. Dati po, sa tanghalan po ako umaarte pero mas lumawak po ang daigdig, mas lumaki po ang pagkakataon ko para maipakita ang aking talento, na ipinagkaloob po ng langit sa akin,” panimulang talumpati ni Chloe. Marami siyang pinasalamatan: ang kaniyang manager, ang kaniyang mga direktor at kasama sa produksyon, gayundin ang kaniyang mga tagahanga at tagasubaybayan.

Sa pagkakataong iyon, nais nang umalis ni Morgana at layasan ang event na iyon. Subalit wala siyang pamimilian dahil kapag umalis siya, tiyak na gagawan siya ng isyu ng mga reporter. Sasabihing kaya siya umalis ay dahil hindi niya natanggap ang kaniyang pagkatalo mula sa isang baguhang artista, na kung tutuusin, siya ang naghulma.

“At gusto ko pong i-alay ang tropeo ko sa taong pinagkakautangan ko ng lahat. Para po sa mga hindi nakakaalam, siya po ang itinuturing kong mentor. Siya po ang dahilan kung bakit ako nakapasok sa showbiz, at kung bakit ako napabilang sa teleserye. Siya po ang nagsisilbi at itinuturing kong nanay-nanayan, walang iba po kundi si Ms. Morgana Valdez!”

At nagpalakpalakan ang mga taong naroon. Napaluha naman si Morgana, dahil buong akala niya, kinalimutan na siya ni Chloe.

Pagkatapos ng event, nilapitan siya ni Chloe at personal na pinasalamatan sa lahat. Hinawakan ni Morgana ang pisngi ni Chloe at pinisil.

“Maraming maraming salamat talaga Tita Morgana sa lahat! Para sa akin, ikaw talaga ang dapat na nanalo at hindi ako,” saad sa kaniya ni Chloe.

“Dear, deserve mo ‘yan. Basta huwag ka lang makakalimot na panatilihing nakatapak sa lupa ang iyong mga paa at malayo ang mararating mo. Proud na proud ako para sa ‘yo!” bukal sa puso na sabi ni Morgana.

Kung mayroon mang naituro sa kaniya ang mga nangyari, iyon ay ang kababaang-loob; na maaaring lumipas man ang kasikatan ng isang tao, subalit hindi ang mabubuting bagay na kaniyang nagawa para sa kaniyang kapwa.

Advertisement