
Masyadong Taklesa ang Debutante sa Pag-iimbita sa Kaniyang mga Kaibigan; Bakit Nagulat Siya sa Mismong Araw ng Kaniyang Kaarawan?
Magdiriwang ng ika-18 kaarawan si Gabriela na mas kilala sa tawag na “Gabby.” Nag–isip na siya kung anong klaseng pagdiriwang ang gagawin niya.
“Anak, piliin mo na kung sino ang mga magiging bisita mo para makapag-budget na tayo,” sabi sa kaniya ng kaniyang Mama.
“Sige po, ‘Ma. Gusto ko bongga ang magiging debut ko. Puwede po bang sa isang hotel na lang? Mas makakatipid po tayo ro’n. Isa pa, hindi pa tayo pagod. O kaya naman, kumuha na lang tayo ng event organizer, babayaran na lang natin siya, para wala na tayong isipin,” mungkahi ni Gabby.
Pilit na napangiti ang kaniyang Mama. “Anak, limitado lang ang budget natin. Medyo hirap ang Papa mo sa ibang bansa, saka mas paglalaanan natin ang pag-aaral mo. Baka mamaya maubos lang ang pera sa party na gusto mo.”
Napalabi na lamang si Gabby.
“Sige, Ma. Ganito na lang. What about a house party? Iyan na lang. Tapos ako na bahalang kumausap sa mga kaibigan ko. Hindi naman sila mayayaman kaya hindi naman sila maarte. Ako lang talaga ang maarte sa kanila saka sosyal,” medyo mahanging sabi ni Gabby.
“Bahala ka ‘nak. Sabihan mo lang ako para makapagkuwenta tayo.”
Kung may ugali mang kapintas-pintas kay Gabby, ito ay ang pagiging taklesa niya. Walang preno ang bibig. Sasabihin ang gustong sabihin. Tila hindi pinag-iisipan ang mga mamumutawi sa kaniyang bibig. Kagaya ngayon. Inisa-isa niya ang mga kaibigan upang imbitahan sa kaniyang kaarawan.
“Oh Belle, asahan ko iyan ah? Mark the calendar. Hindi ka puwedeng mawala,” sabi ni Gabby sa kaniyang kaibigang working student.
“Titingnan ko ha? Hindi ako nangangako, kasi baka mamaya, may biglang mag-leave sa trabaho. Ako ang isasalpak nila sa schedule.”
“Oo nga pala Belle, kung pupunta ka, ayusin mo naman ang suot mo ha? Kahit semi-formal attire ka na lang, o kaya hiram ka kaya sa mga kakilala mo na may gown? Syempre ayoko namang maging dugyot kang tingnan sa mga bisita kong iba,” walang habas na sabi niya kay Belle. May ilang segundo rin bago nagsalita si Belle.
“Grabe ka naman magsalita! Ang sakit ah? Sinasabi mo bang dugyot ako?” kunwari ay tanong na pabiro ni Belle, subalit talagang nasaktan siya sa sinabi ng kaibigan, bagama’t kabisado na niya ang pagiging taklesa nito.
“Wala naman akong ibig sabihin doon! Concern lang ako sa iyo Belle. Huwag ka na balat-sibuyas. Basta kita-kits ha?”
Sunod naman niyang tinawagan si Shane, ang kaniyang kaibigang medyo may kalakihan ang pangangatawan.
“Oh sige ba, syempre naman pupunta ako,” paniniuguro ni Shane.
“Sige. Saka… puwede ba huwag ka na magdala ng mga plastik o kaya food containers? Kasi baka mamaya mag-uwi ka pa, eh medyo limitado ang budget. Kasya lang ang pagkain sa mga bisita. Huwag ka namang maging patay-gutom sa debut ko,” paalala ni Gabby.
“Grabe ‘yan ha? Kahit na mataba ako friend hindi ko naman gagawin ‘yan! Ang sakit mo naman magsalita!” saad ni Shane.
Sa lahat ng mga inimbitahan ni Gabby ay may mga kakabit siyang “paalala.”
Dumating ang araw ng kaniyang debut. Masasarap na pagkain ang nakahanda. Pinatahian siya ng simple subalit magandang gown. Napakaganda ng pagkakadisenyo ng paligid. Dumating na ang mga bisitang kaibigan ng mga magulang ni Gabby. Subalit ang nakapagtataka, wala pang dumarating sa mga kaibigan at kakilala niya mismo na personal niyang inimbitahan. Maraming mga bakanateng upuan at mesa.
Nag-alala siya. Isa-isa niyang tinawagan. Nauna niyang tinawagan si Belle.
“Hindi ako makakarating. Wala akong susuutin, saka ayoko maging dugyot sa harap ng mga bisita mo, Gabby. Happy Birthday na lang,” saad ni Belle.
Sunod niyang tinawagan si Shane.
“Ay sorry Gabby, nag-aya kasing mag-buffet ang pamilya ko, dumating din kasi ang kamag-anak namin galing abroad. Doon, kahit one to sawa pa ako sa pagkain, walang huhusga sa akin at walang magsasabing baka mag-uwi ako ng mga pagkain. Happy Birthday na lang, Gabby!”
At lahat ng mga inaya niyang kaibigan, na binigyan niya nang kaunting “paalala,” ay nagsabing hindi makararating sa kaniyang party. Napahagulhol na lamang si Gabby. Dinaluhan siya ng kaniyang Mama. Sinabi niya ang naging dahilan ng kaniyang mga kaibigan kung bakit hindi sila makadadalo.
“Anak, nasaktan mo ang damdamin ng mga kaibigan mo. Hindi tama ang ginawa mo. Humingi ka na lamang ng paumanhin sa kanila,” payo ng kaniyang ina.
Natuloy pa rin naman ang party subalit hindi ganap ang kasiyahan ni Gabby. Hindi dahil sa “nilangaw” ang kaniyang party kundi dahil nasaktan niya ang damdamin ng mga kaibigan. Napagtanto niyang ang pagiging taklesa ay inilalagay sa tamang lugar. Hindi lisensya ang pagiging kaibigan para pagsalitaan nang masakit o masama ang mga taong akala mo ay malapit sa ‘yo.
Bukas na bukas din, isa-isa niyang kakausapin ang mga ito, at hihingi siya ng tawad.

Nagsilbing Mentor ng Starlet ang Premyadong Aktres Hanggang sa Maungusan Siya Nito sa Kasikatan at Gantimpala; Magsaulian Kaya Sila ng Kandila?
