
Laging “Twinning” ang Mag-ina Subalit Habang Lumalaki ang Anak, Napansin Niyang Naiilang na Ito sa Kaniya; Ano Kayang Pinagdaraanan Nito?
“Like mother, like daughter.”
Ganiyan mailalarawan ang mag-inang Lorna at Lorraine. Palibhasa’y kaisa-isang anak, lahat ng mga pangangailangan ay ibinibigay niya, subalit hindi naman niya ito pinapalaking bratinella. Kapansin-pansin sa mag-ina na lagi silang “twinning” o terno sa mga suot na damit: magmula sa mga panloob, pajama, at iba pang mga gamit.
“Nakakatuwa naman kayong mag-ina! Para kayong kambal!” saad ni Chandra sa kaniyang kumareng si Lorna. Dumalaw si Lorna sa bahay ng kaniyang kumare. Kalaro ni Lorraine, na noon ay 8 taong gulang, ang anak nitong si Charles.
“Syempre, kanino pa ba magmamana, kundi sa akin! Namiss kita, mare.”
Naupo na sila. Idinulot na ang meryenda sa kanila ng kasambahay.
“Anong balak mo sa pag-aaral ng inaanak ko? Sa States ba?” untag ni Chandra sa kaniyang kumare.
“Nag-usap na kami ng kumpare mo. Oo. Balak namin siyang dalhin sa States. Baka doon muna kami titira sa Mommy. Alam mo naman, malaki ang pangarap ko para kay Lorraine. I want her to conquer the world!” pabirong saad ni Lorna sa kaniyang kumare.
Subalit hindi natuloy ito dahil bumagsak ang negosyo nila kaya pinili na lamang ng mag-asawa na manatili sa Pilipinas upang makabawi, bagama’t nag-aral naman si Lorraine sa pribadong paaralan pa rin.
Habang lumalaki si Lorraine. talagang lahat ng mga gusto niya para sa anak ay ginigiit niya. Hindi maaaring hindi niya alam ang mga gusto at desisyon ng anak. Kailangan, lagi nitong sasabihin sa kaniya ang lahat: magmula sa mga crush niya, sa mga pupuntahan nila ng mga kaibigan niya, at kung ano ang kinain niya sa araw na iyon.
“Mom, bakit kailangan kong laging sabihin po sa inyo ang lahat?” tanong ni Lorraine sa ina. Mga 15 taong gulang na siya noon.
“Syempre, ikaw ang unica hija ko. Protective ako sa ‘yo. Lagi nga tayong terno sa lahat ng bagay ‘di ba? Ano ngang tawag doon ngayon—twinning ba?”
Subalit habang lumalaki si Lorraine bilang dalagita, napapansin niyang tila nagiging malihim na ang anak sa kaniya. Hindi na rin ito nakikipag-twinning sa kaniya. Parang naiilang.
Minsan, inaya niya ang anak na mag-shopping. Sanay siyang pareho ang kanilang mga damit at gamit kapag lumalabas sila. Subalit nang araw na iyo, nanibago siya dahil ibang damit at kulay ang sinuot nito.
“A-Anak… hindi yata tayo twinning?” untag ni Lorna sa anak.
Hindi kumibo si Lorraine.
“May problema ba, ‘nak?” Galit ka ba sa akin?
“Ma… kasi parang hindi na yata bagay. Parang it’s off. It’s baduy.”
Parang sinampal ng katotohanan si Lorna. Hindi na nga pala batang munti ang anak. Dalagita na. Anomang oras, pipili na ito ng kaniyang tatahaking landas.
Sa pagkakataong iyon ay nagdesisyon si Lorna na huwag na masyadong diktahan o sakalin ang kaniyang anak. Hindi pa rin naman siya pumapalya sa pagtatanong kung nasaan ito at kung sino-sino ang mga kasama nito. Subalit pagdating sa mga dapat isuot, hinayaan niya ang anak sa tila tahimik nitong pagrereblede sa kaniya—sabi rin ng kaniyang mister, sa mga ganitong edad ay bumubuo ng sariling identidad ang mga kabataan.
Maging sa pagtatapos nito sa Senior High School ay hindi nanghimasok si Lorna sa gusto ng anak. Bagama’t gusto sana niyang Business Administrattion ang kunin nito, hindi siya tumutol nang sinabi nito sa kaniyang gusto nitong kumuha ng Fine Arts. Fashion Designing ang gusto nitong maging majorship.
At matuling lumipas ang mga panahon.
Nakapagtapos na at may sarili nang boutique si Lorraine. Malayo na nga ang narating. Bumukod na rin ito sa sarili nitong condo, sa kabila ng pagtutol ni Lorna. Malaki ang bahay para sa kanila, subalit mas ninais pa rin ng anak na mamuhay mag-isa.
At siya, si Lorna, ay nag-iisa. Ang kaniyang mister ay lagi ring wala dahil abala sa kanilang negosyo. Nilibang na lamang niya ang sarili sa paghahalaman.
Maya-maya, nagulat siya sa dumating. Si Lorraine!
“Anak? What makes you come? May problema ba? Hindi ko naman birthday, matagal pa.”
“Bakit Ma? Kailangan ba may problema o may event para lang magpunta rito? Namiss lang po kita. Wait, I have something for you!” saad ni Lorraine. May kinuha ito sa kaniyang bitbit na sosyaling eco bag: dalawang “twinning” na damit.
“Ano ito, ‘nak? Ang ganda!” puri ni Lorna sa damit na ibinigay ng anak.
“Naisipan kong tahian ka ng damit, Ma. Naalala mo noong bata pa ako? Madalas, terno ang mga damit natin. Twinning nga. Pasensya ka na kung dumating sa point na nag-iba ako. Ganoon nga yata kapag dumaraan sa puberty stage. Pero napagtanto kong hindi ko dapat talikuran ang ganoong nakasanayan natin. Like mother, like daughter nga tayo ‘di ba?” nangingilid ang mga luhang paliwanag ni Lorraine.
Hindi na rin napigilan ni Lorna na mangilid ang kaniyang mga luha. Masama ang loob niya sa anak sa tila pagtalikod nito sa kaniya para maging independent, pero dahil sa ginawa ng anak ngayon, tila yelo itong nalusaw dahil sa init ng pagmamahal ng anak. Nagyakap silang dalawa. Mahigpit. Yakap na na-miss ang isa’t isa.
Agad na isinuot ng mag-ina ang kanilang twinning na damit, humarap sa camera, at ubod-tamis na ngumiti upang magpa-picture—upang gumawa at mag-ingat ng mas marami pang matatamis na alaala!