Hindi Malaman ng Lalaki Kung Ano ang Gagawin sa Pabagsak ng mga Negosyo; Isang Tulong ang Inalok sa Kaniya Kapalit ng Kaniyang Pinakamagandang Anak

Hindi Malaman ng Lalaki Kung Ano ang Gagawin sa Pabagsak ng mga Negosyo; Isang Tulong ang Inalok sa Kaniya Kapalit ng Kaniyang Pinakamagandang Anak

FamilyStories

Masaya at maginhawa ang pamumuhay ng pamilya nila Yvette. Pinuno ng pagmamahal ng kanilang ina’t ama ang kanilang tahanan. Ngunit simula nang sumakabilang buhay ang ina ni Yvette ay nagsimula na ring masira ang buhay ng kanilang pamilya. Nalugmok sa labis na kalungkutan ang kanilang ama na si Don Franco. Nag-umpisang malugi ang kanilang mga negosyo hanggang sa maubos ang lahat ng kanilang mga ari-arian.

Apat na magkakapatid sila Yvette. Siya ang bunsong anak at ang pinakamaganda sa kanilang tatlong babae. Purong espanyol ang ama nila at kalahating Intsik naman ang kanilang ina, kaya naman hindi kataka-taka ang taglay na angking ganda nilang magkakapatid.

“Sige kompadre, tutulungan kitang umahon sa buhay. Sasagipin ko ang mga nalulugi mo nang mga negosyo. Subalit, may hihingin akong kapalit,” tugon ng kompadre ni Don Franco na si Don Felipe. Matagal nang magkaibigan ang dalawang matanda at minsan ay nagkakasosyo sa kanilang mga mumunting negosyo.

“Kapalit, kahit anong kapalit man niyan ay ibibigay ko. Tulungan mo lamang ako na bawiin kung ano ang akin,” papalubog na kasi talaga ang kanilang mga negosyo at nagsisimula na silang maghirap kaya naman kinapalan na ni Don Franco ang kaniyang mukha at humingi ng tulong sa kaniyang kompadre.

“Alam mong gaya mo, iniwan na rin kami ng aking esposa,” malungkot na pahayag ni Don Felipe. Parang alam na ni Don Franco kung ano ang hinihingi nitong kapalit ng kaniyang tulong.

“At gusto mong kapalit ay ang aking anak na si Yvette,” pagtatapos ni Don Franco sa gustong sabihin ng kanyang kompadre. Ngumiti naman si Don Felipe.

“Mismo. Maibibigay mo ba? Ang iyong anak na si Yvette kapalit ng marangyang buhay para sa iyong buong pamilya,” malugod na tanong ni Don Felipe sa kompadreng si Don Franco.

Napapikit naman si Don Franco. Bago siya pumunta dito ay alam niya na ang posibleng kapalit na hihingin ng kompadre. Kilala ito bilang isang mahusay na negosyante. Hindi ito gagawa ng isang bagay na walang kapalit. At alam niyang matagal ng nakatingin ang mga mata nito sa pinakamagandang anak na si Yvette.

“Sige. Ako na mismo ang magpapaalam kay Yvette ng inyong nalalapit na kasal,” sagot ni Don Franco na mas nagpalaki pa sa ngiti ni Don Felipe.

Alam niyang napakabata pa ng anak na si Yvette. 18 anyos pa lamang ito at mahigit pa sa triple ng edad ng anak ang edad ng kompadre. Mahal niya ang anak ngunit hindi niya rin pwedeng pabayaan na lang na tuluyang lumubog ang kanilang buhay. Ano na lamang ang sasabihin ng kaniyang mahal na asawa kapag nagkita na sila sa langit?

Labag man sa kaniyang kalooban ay pinili niya nalang na isakripisyo ang kalayaan ng mahal na anak. Ito pa naman ang kaniyang pinakapaboritong anak sapagkat malaki ang pagkakahawig ng dalaga sa kaniyang yumaong ina.

“Pero papa, napakabata pa ni Yvette! At sa matandang iyon mo pa siya ipapakasal?! Nawawala ka na ba sa tamang pag-iisip, papa?!” galit at hindi makapaniwalang saad ng panganay na anak ni Don Franco na si Kristoffer. Hindi matanggap ng binata na ipapakasal niya ang kapatid sa kanyang kompadre.

“Itikom mo ang iyong bibig at para rin ito sa ating pamilya,” nagpipigil ng galit na sagot ni Don Franco sa anak na si Kristoffer. Tiningnan niya naman ang tahimik lang at naluluhang si Yvette na nakayakap sa kanyang nakakatandang kapatid na si Kristoffer.

“At ikaw Yvette, maghanda ka at ikaw ay ikakasal kay Don Felipe sa lalong madaling panahon!” asik ng amang si Don Franco bago tuluyang umalis ng silid.

Hindi makapaniwala ang dalaga sa kaniyang narinig. Ipapakasal siya ng kaniyang mahal na ama sa isang matandang kinakatakutan niya.

Matagal nang napapansin ni Yvette ang mga malalagkit na tingin sa kaniya ng matanda kaya naman ay todo kung umiwas siya rito. Sinong mag-aakala na makukumbinsi ni Don Felipe ang ama na ibigay siya rito. Kaya pala walang sawang nag-aalok ito ng tulong sa kanila simula ng mag-umpisang malugi ang kanilang mga negosyo. Napahagulhol na lamang ang dalaga habang nakayakap sa kanyang nakakatandang kapatid.

“Huwag kang mag-alala Yvette, hindi ko pababayaang maikasal ka sa matandang iyon,” pangako ni Kristoffer sa nakababatang kapatid.

Kinagabihan makaraan ang tatlong araw ay naisipang itakas ni Kristoffer ang nakababatang kapatid. Pinasakay niya ito sa isang sasakyan papunta sa isang malayong bayan, hatid ang isang panalangin na sana ay maging ligtas ito at malaya. Na sana, isang maayos at tahimik na buhay ang naghihintay sa dalaga sa pupuntahan niya.

Nakarating si Yvette sa bayan ng Leyte. Kinakabahan man dahil hindi sanay sa labas ng bahay at nakikisalamuha sa mga tao ay lubos din siyang nagagalak sa kalayaang tinatamasa. Lubos siyang nagpapasalamat sa kaniyang mahal na nakatatandang kapatid na si Kristoffer. Panalangin niya na lamang na sana ay ligtas ito at ang kanyang dalawa pang nakababatang kapatid.

Dahil sa wala namang nakakakilala sa kaniya sa bayan na iyon ay namasukan si Yvette bilang isang katulong sa isang mabait na pamilya. Natuto siyang magbanat ng buto. At dahil sa taglay na angking ganda ng dalaga ay napaibig niya ang panganay na anak ng pamilyang kaniyang pinagsisilbihan.

Sinuyo siya ng binata hanggang sa naging sila at nagpakasal. Simple lang ang kanilang naging buhay ng kaniyang asawa at dalawang mga anak, simple man pero labis na kaligayahan naman ang kaniyang nadarama kasama ang kaniyang bagong pamilya.

Paminsan-minsan ay hindi niya maiwasang malungkot sapagkat naiisip niya pa rin ang pamilyang kaniyang iniwan. Kumusta na kaya ang mga ito?

Lumipas ang ilan pang taon at muli silang nagkita ng kaniyang nakakatandang kapatid na si Kristoffer. Ilang taon na rin pala siyang hinahanap ng kapatid. Hindi rin kasi alam ng kapatid kung saan patungo ang sasakyang pinagdalhan sa kapatid. Para na rin siguradong hindi ito matutunton ng ama at ni Don Felipe.

Isiniwalat ng kapatid ang mga nangyari pagkatapos tumakas ni Yvette. Nagkagulo raw ang dalawang pamilya dahil sa pagbali nila ng kasunduang kasal. Mabuti na lamang at biglang may dumating para tulungan ang kanilang pamilya.

Ang nakababatang kapatid ng kaniyang ina na si Heneral Arman, napag-alaman ng Heneral na si Don Felipe pala ang may kagagawan kung bakit unti-unting nalulugi ang kanilang mga negosyo. Ikinulong naman si Don Felipe dahil sapat na ang ebidensyang nalikom ng kanilang tiyo para dito.

Nakaahon sa hirap ang kanilang pamilya subalit hindi rin nagtagal ay sumakabilang buhay rin ang kanilang ama, na hanggang sa huling hininga raw ng Don ay pangalan niya ang sinasambit.

Halos madurog ang puso ng dalaga sa kaniyang mga natuklasan at humahagulhol na nakayakap sa kaniyang kapatid. Sumama muna siya sa kanyang kapatid pauwi sa kanilang tahanan at pinuntahan ang puntod ng kanilang mga magulang.

“Papa. Mama. Mahal kong mga magulang. Patawarin niyo po sana ako kung natagalan man akong bumisita sa inyo. Nabalitaan ko pa lamang noong isang araw ang pagkawala mo papa. Labis akong nalulungkot at nasasaktan na nilisan mo na pala ang mundo ng wala man lang akong kaalam-alam. Huwag na ho kayong mag-alala sa’kin, masaya na po ako ngayon kasama ang aking pamilyang binuo kasama ang aking mapagmahal na asawa,

Kung inaalala niyo naman po ang mga nangyari bago tayo magkahiwalay ay huwag na rin ho kayong mag-alala. Napatawad ko na ho kayo. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti ko ring naintindihan kung bakit niyo nagawa iyon. Nagawa niyo lamang ho iyon para sa ating pamilya. Napatawad ko na po kayo.

Kung may pinanghihinayangan man ako ngayon ay yung sana ay nagkita at nagka-usap man lamang tayo bago kayo lumisan sa mundong ito. Mahal na mahal ko ho kayo,” puno ng emosyong saad ng dalaga sa puntod ng kaniyang mga magulang, habang bumubuhos ang kaniyang mga luha na matagal niyang pinipigilan na tila ba malakas na ulan.

More Stories