
Akala ng Dalaga ay Magiging Madali Lamang ang Buhay sa Maynila; Hindi Niya Inaasahan ang Hirap na Haharapin sa Lungsod
Punong-puno ng pag-asa at pangarap na umalis ng kanilang probinsya si Arabelle nang magtungo sa Maynila upang makipagsapalaran. Isang buwang mahigit pa lamang din ang nakalilipas mula nang siya ay makapagtapos ng kolehiyo. Masipag at matalino ang dalaga kaya naman nakapagtapos siya ng napakaraming karangalang natanggap.
Galing man sa mahirap na pamilya ay marami pa rin ang humahanga sa dalaga. Bukod sa angking talino niya, napakabait at maganda rin ang mukha ng dalaga. Kaya naman napakataas ng tingin sa kaniya ng pamilya niya. Siya rin ang inaasahan ng mga ito na magtataguyod sa kanila balang-araw.
“O ito iha, ito muna ang magiging kwarto mo habang naririto ka. Pagpasensyahan mo na at maliit lang din ang bahay namin. Itong maliit na kwarto na lamang ang bakante kasi,” saad ng tiyahin niya na nakatira sa Maynila.
Pansamantalang makikitira muna siya sa kanyang Tiya Vicky habang naghahanap pa ng trabaho. Ang tanging alam lamang niya sa tiyahin ay kapatid ito ng kaniyang ama, maliban doon ay wala na. Ngayon lang niya ito makakasama kaya wala siyang ideya sa ugali nito.
“Naku, okay na okay na po ako dito tiyang. Maraming salamat po sa pagpapatira sakin dito. Pangako po pag makahanap na po ako ng trabaho ay babawi po ako sa kabutihang loob niyo,” masiglang tugon ng dalaga sa tiyahin. Maliit at madilim na kwarto ang ibinigay sa kanya, pero labis na pasasalamat na ng dalaga dito dahil kahit papaano ay may tutuluyan siya
“O sige ha, aasahan ko ‘yan,” nakangiting pahayag nito.
“Ilagay mo na ang mga gamit mo sa loob at kumain ka na para makapagpahinga ka na pagkatapos,” dagdag pa nito.
Parehong magsasaka ang mga magulang ni Arabelle. Nakatira lamang sila sa isang maliit na kubo kasama ang apat niya pang nakababatang kapatid. Mahirap man ang buhay nila ay sinisigurado naman ng kanilang mga magulang na sila ay nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Hindi naging hadlang ang kahirapan nila upang mangarap ng mataas ang dalaga.
Nagsumikap talaga siya at nag-aral ng mabuti upang makapagtapos. Ipinangako niya sa sarili niya na siya ang mag-aahon sa pamilya niya sa kahirapan. At ito nga, nakapagtapos na siya. Para kay Arabelle, ito na ang simula ng pag-abot niya sa kaniyang mga pangarap.
Isang umaga, maagang bumangon ang dalaga upang tumulong muna sa mga gawaing bahay bago umalis at maghanap ng trabaho.
“Oh tiyang, halina na po kayo at nakapaghanda na po ako ng almusal nating lahat,” tungon niya sa tiyahin niyang mukhang kagigising lang.
“Napakaaga mo naman atang nagising at naunahan mo pa ako. Nakakatuwa ka namang bata ka,” mukhang nagagalak ang kaniyang tiyahin sa kanyang ginawa. Bigla niya tuloy naalala ang kaniyang nanay. Nakaramdam siya ng lungkot ngunit tinaboy niya na lamang ito sa kaniyang isip.
Hindi siya pwedeng panghinaan ng loob. Pumunta siya ng Maynila para sa pangarap niya. Para sa pamilya niya. Titiisin niya ang lahat para sa mga ito.
Naka-ilang kompanya na si Arabelle ngunit hindi pa rin siya natatanggap. Lumipas na ang mahigit dalawang buwan, ngunit wala parin siyang nahahanap na trabaho. Hindi niya maintindihan kung bakit. Akala niya ay madali lamang siyang matatanggap dahil sa matataas naman ang kaniyang markang nakuha noong siya’y nag-aaral pa.
“Kung ako sa’yo ay hindi na ako mag-aaksaya pa ng pahanong mag-apply dito o sa ibang kompanya sa posisyong iyan. Hinding-hindi ka matatanggap dahil kukunin nila ang mga tulad naming nanggaling sa mga kilalang paaralan kaysa sa’yong galing probinsya lang,” mataray at nangmamaliit na pahayag ng isang babae na nakaupo sa harap niya at mukhang naghihintay din ng resulta ng interview nila.
Maya-maya lang ay tinawag na sila at napagkaalaman nilang ang babae nga at ang mga kasamahan nito mula sa sikat at kilalang paaralan ang natanggap. Pinanghinaan naman ng loob ang dalaga. Bakit ganito ang nangyayari sa kaniya? Napakamalas niya naman ata.
Pagkauwi niya ng bahay ay naabutan niyang nag-aaway ang Tiya Vicky niya at ang asawa nitong si Mang Ramon. Nakainom na naman ang tiyuhin. Papasok na sana siya sa kaniyang kwarto ng makita siya ng tiyo at sinigawan.
“Oh ikaw Arabelle, hindi ka pa rin nakakahanap ng trabaho? Aba at mahigit dalawang buwan ka nang palamunin dito. Hanggang kailan ka makikisiksik at magiging pabigat sa’min ha?!” galit na sigaw ng kaniyang tiyuhin.
Napakabigat ng dibdib niya pero sobrang nahihiya na rin siya sa mga ito kaya naman napagdesisyunan niya na lamang umalis. Hiyang-hiya man ay nagpaalam pa rin siya ng mabuti sa tiyahin at sa asawa nito.
“Maraming salamat po sa lahat-lahat. Pasensiya na po kayo kung naging pabigat man ako sa inyo. Sana po balang araw ay makabawi po ako sa kabutihang loob ninyo. Paalam po. Mag-iingat po kayo parati,” nalulungkot man at pinanghihinaan ng loob ay sinubukan parin ng dalaga na ngumiti habang nagpapaalam.
Hindi na alam ng dalaga kung saan pupunta. Wala naman siyang sapat na pera para mag-hotel. Naiiyak na naupo na lamang siya sa isang duyan sa palaruan ng isang parke.
Nagbalik sa kanyang alaala ang mga araw niya sa probinsya kasama ang kaniyang pamilya. Mahirap man sila ay napakasaya nila. Gusto na niya tuloy makita ang mga ito.
Hindi na napigilan ng dalaga ang sarili at napaiyak na lamang siya. Pakiramdam niya ay susuko na siya. Takot na takot siya at masyado na siyang nawawalan ng pag-asa sa sarili niya.
Habang umiiyak siya ay may napansin siyang matandang babae na tatawid na sana sa kalsada, subalit kulay berde pa ang ilaw ng mga traffic lights noon. Hindi na nag-isip pa si Arabelle at tumakbo siya palapit dito at tinulak ito pabalik sa sidewalk, dahilan para siya ang mahagip ng sasakyan at hindi ang matandang babae.
Pagkagising ng dalaga ay nasa loob na siya ng isang kwarto sa isang ospital. Ilang saglit pa ay may pumasok na isang lalaking may edad na at isang binatang akay-akay ang matandang muntikan nang masagasaan.
“Oh iha, gising ka na pala,” bati sa kaniya ng matandang lalaki, “gusto ko lamang magpasalamat sayo sa pagsasagip sa aking asawa.”
Agad namang sinubukan ni Arabelle na bumangon kahit na nahihirapan, “ano po ang nangyari?” medyo naguguluhang tanong ng dalaga.
“’Wag ka munang kumilos masyado hangga’t hindi pa maayos ang iyong lagay,” tugon naman ng binatang kasama ng matatanda, “nawawala kasi si lola kaya naman hinahanap namin siya kaagad. May Alzheimer’s disease kasi ang lola kaya naman madalas ay hindi niya maalala kung sino siya o kung saan siya nakatira. Kahit kami ay madalas niya na ring makalimutan,” malungkot na paliwanag naman ng binata.
“Ganun po ba? Mabuti naman po at nahanap niyo po siya ng ligtas,” tugon naman ng dalaga sa mga ito.
“Kaya nga nagpapasalamat kami sa’yo, iha. Pasensya na pero habang tulog ka ng nakaraang ilang araw ay pinaimbestigahan ko ang iyong pagkatao at nalaman kong galing ka pa sa probinsya at pumunta dito para maghanap ng trabaho, ngunit hanggang ngayon ay hindi ka pa natatanggap,” lumapit ang matanda ng kaunti sa dalaga.
“At napagkaalaman ko na nag-apply ka rin sa aming kompanya. Kaya bilang pasasalamat ay bibigyan kita ng pagkakataon sa posisyong inaaplayan mo sa aking kompanya. Kinakailangan mo lamang patunayan ang iyong sarili. Kaya inaasahan kong ipamamalas mo ang iyong angking galing. Napag-alaman ko ring wala kang matitirhan dahil napalayas ka sa bahay ng asawa ng iyong tiyahin. ‘Wag ka nang mag-alala at kami na rin ang bahala sa pansamantalang tirahan mo,” nakangiting saad ng matandang lalaki.
“Pero sir, hindi po ba parang sobra-sobra naman po yung pasasalamat niyo?” nagagalak man ay ayaw naman niyang abusuhin ang kabaitan ng matanda.
“Hindi lahat ay kayang ibuwis ang kanilang sariling buhay para sa taong hindi nila kilala. Karapatdapat ka sa gantimpalang ito,” nakangiting pahayag ng matanda.
Hindi na napigilan ni Arabelle ang mga luha niya. “Nakakahiya man po ay tatanggapin ko na po. Maraming-maraming salamat po, sir,” puno ng sinseridad na pasasalamat niya sa matandang lalaki.
Lumipas ang ilang araw, nakalabas na rin ng ospital ang dalaga. Pansamantala siyang pinatira sa isang condo unit na pag-aari ng mga ito.
Samantalang, pinatunayan niya naman ang kanyang kakayahan sa kompanya kaya agad-agad din siyang natanggap. Halos ilang buwan lamang ang nakalipas ay kaagad ding na-promote. Ang babaeng lumait sa kanya noon ay hindi makapaniwalang boss na niya ang babaeng kinutya niya.
Unti-unting umahon sa kahirapan ang pamilya ni Arabelle dahil sa kaniyang pagsisikap. Sinuklian niya rin ang kagandahang loob ng pamilyang tumulong sa kanya sa pamamagitan ng pagtratrabaho ng maayos at pagiging tapat sa kompanya.
Kahit na gusto pa siyang kunin ng mga kalabang kompanya, nanatili parin siya dito bilang patunay ng kanyang katapatan sa mga taong tumulong sa kanya.
Binalikan niya din ang tiyahin at ang pamilya nito upang magpasalamat dahil kahit sa sandaling panahon lang ay pinatira siya ng mga ito sa kanilang tahanan.
Madalas man sa buhay ay pinanghihinaan tayo ng loob, sapagkat hindi natin agad makuha ang gusto natin. Akala natin magiging madali lamang ang lahat, ngunit taliwas sa ating inaasahan ay hindi pala.
Walang madali sa mundong ito pero hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at ipagpatuloy lang ang laban. Magtiwala lamang tayo sa plano ng Diyos para sa atin at siguradong maaayos din ang lahat. Ituloy lang natin ang laban.
Nawa’y kahit gaano kahirap ang ating maging sitwasyon ay wag nating makakalimutang maging mabuting tao at tumulong sa mga nangangailangan. Wag din sana nating kalimutang magpasalamat sa mga taong tumulong sa atin sa panahong kinakailangan natin. Gaano man kaliit ang tulong na naibigay nila ay dapat parin natin itong suklian at tanawin bilang isang malaking utang na loob.